Chapter 17

1.6K 46 4
                                    

17.


Halata niya ang gulat sa mga mata ni Lorie nang makita siyang muli sa ganito kaagang oras. Alas otso pa lamang ng umaga pero dinalaw na niya ang kanyang ina at kapatid, taliwas sa nakagawiang gabihang pagdalaw sa mga ito.

Ngayong matatag na niyang nabuo at nasanay ang kanyang mga tauhan; at patuloy siyang nakikiisa sa mga kabuktutang ipinapagawa ng kanyang ama ay maaari nang masabi ni Jordan na unti-unti na niyang nakukuha ang tiwala ni Jiro at hindi na siya masyadong pinapabantayan nito katulad ng dati. Ipinakita niya sa matanda kung gaano siya ka-focus at dedicated sa posisyong ipapasa nito sa kanya kapag namatay na ito. Lahat ng ito'y pinaghihirapan niyang gawin sa araw-araw kahit pa halos patayin siya ng kanyang konsensya sa tuwing may nasasagasaan siyang mga inosenteng tao.

Pero ito lang ang tanging paraan na alam niya para makaalis na ang kanyang pamilya dito. Ito lamang ang tanging paraan na pwede niyang gawin para iligtas ang mga ito. Para maka-survive ang mag-ina sa impyernong kinasasadlakan nila ngayon.

At siya? Bahala na. Pero hindi siya papayag na manatili sa tabi ni Jiro habang buhay. Lalong hindi niya hahayaan na maging kapalit nito sa sandaling maitarak niya ang katana sa katawan nito nang ilang ulit.

Dahil wala pa ring nagbago sa kagustuhan ni Jordan na patayin ito; kahit pa nanggaling dito ang dugong nananalaytay sa kanya; kahit pa sarili niya itong ama.

"Ma..." Sabay yakap dito. Natingnan niya din si Gio na tinanguan lamang siya ngunit hindi naman umiwas nang tapikin niya ito sa balikat.

Ramdam ni Jordan ang tila paglayo ng loob ni Gio sa kanya simula nang mangyari ang lahat ng ito; nang mapugutan ng ulo si Ricky at wala man lang siyang nagawa. Hanggang sa nagtatagal ang dalawa sa silid na ito at nakakulong. Alam niyang ilang beses nang nakiusap ang kanyang kapatid na madaliin ang kanilang pagtakas at gusto niyang humingi ng paumanhin sa pagkakatagal nila dito sa loob. Pero ngayong gabi ay tutuparin na niya ang kagustuhan ni Gio; tutuparin na niya ang nararapat para sa kanyang pamilya. At sa muli nilang pagkikita pagkatapos ng lahat ng ito ay babalik sa dati ang lahat; babalik sa dati ang pakikitungo ng kapatid ni Jordan sa kanya.

"Maaga ka yatang napadalaw, anak?" May pagtatakang panimula ng kanyang ina.

Natitigan niya si Lorie. Hindi naman sila napapabayaan sa pagkain kahit na nakakulong ang dalawa dito. Nakakakain pa din ang mga ito ng tatlong beses sa isang araw. Hinahayaang maligo at makapagbihis ng malinis na damit. Kung may ipagpapasalamat man siya kay Jiro ay iyon ang pagsang ayon nito sa kanyang kagustuhan na maging maayos pa rin ang kanyang pamilya kapalit ng pagsunod niya sa lahat ng ipapagawa nito sa kanya.

At tinupad naman iyon ng matanda.

Pero hindi pa rin niya magugustuhan ang mabilis na pagtanda ng kanyang ina sa tuwing binibisita niya ang mga ito dahil sa pag-aalala at ang patuloy na pananahimik ni Gio sa kanya kahit sinusubukan niya itong kausapin. Hinding-hindi niya magugustuhan kailan man ang sitwasyong nakakulong ang mga ito habang unti-unting nawawalan ng pag-asa na makakalabas pa sila.

Marahan niyang natapik ang mga balikat ni Lorie at inilalayan itong maupo sa upuang malapit sa lamesa. "Kumain na po ba kayo? Naghatid na ba sila ng pagkain dito?"

"Oo. Maaga nila kaming pinapakain." Maikling tugon ni Lorie na hindi pa rin inaalis ang nagtatakang tingin sa kanya.

Nalingon niya si Gio na nakasandal lang sa pader at tahimik na nakatanaw sa kanilang dalawa.

Marahan niyang pinisil pisil ang kamay ng ina saka ibinigay ang sulat na ginawa niya kagabi para sa mga ito. Agad itong natingnan ni Lorie at napakunot ang noo.

THE ONE That I Will Fight For (BOOK 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon