Exodus 26: Kai's Plan

2.7K 61 0
                                    

Ilang araw pa lang ako na nanatili rito sa future pero parang ang dami nang nangyayari. Napabuntong hininga naman ako habang pinagmamasdan ang aking sariling repleksyon sa salamin dito sa loob ng banyo.
 
Tapos na ako maligo. Si Zayne naman tapos na rin maligo at nag bibihis na para sa pagpunta namin sa public viewing.
 
Habang pinagmamasdan ko ang aking sarili sa salamin ay biglang sumagi sa aking isipan si Mikaela. Kumusta na kaya siya? Buhay pa kaya siya o kinuha na rin ni Kai ang kanyang kaluluwa? May dalawang araw na akong nandito sa future. Ayoko muna gamitin ang kuwintas na binigay sa akin ni Cassiopeia para silipin kung ano na ang nangyayari sa panahon na aking pinanggalingan. Nakakadagdag lang ng pressure para sa akin. Bahala na kung ano ang kahinatnat ng lahat. Nandito na rin ako, tatapusin ko na lang ang sitwasyon na aking pinasok.
 
Nakita ko na ang epilogo pero hindi ko pa rin napapatunayan kung si Zayne at Enrys ay iisa lang. Nang bigla akong may narinig na tumawa. Napaatras ako nang nakita ko ang aking sariling repleksyon sa salamin na tumatawa mag isa. Nakita kong nangingitim ang mga mata ko sa salamin habang nakatingin sa akin ito ng matalim. Hanggang sa unti-unting nag iba ang repleksyon ko sa salamin. Nakita ko bigla si Kai na tumatawa habang may hawak na punyal sa kanyang kanang kamay. Hanggang sa biglang lumitaw sa loob ng salamin si Mikaela na walang malay. Hawak ni Kai ang leeg ni Mikaela at bigla niyang nilaslas ang leeg nito gamit ang punyal. Sumirit ang napakaraming dugo sa leeg ni Mikaela. Pagkatapos ay humalaklak nang napakalutong si Kai.
 
Gusto kong sumigaw sa galit dahil sa nakikita ko sa loob ng salamin pero mas pinili ko na lamang manahimik baka kasi mag alala sa akin sa labas si Zayne.
 
Napaluhod na lamang ako sa harapan ng salamin habang pinapanood ang masaganang dugong sumisirit sa leeg ni Mikaela. Pagkatapos ay may nilabas si Kai mula sa kanyang likuran na isang bote. Binuksan ni Kai ang takip nito at narinig kong may inusal si Kai na isang orasyon na hindi ko maintindihan ang wika. Nakita kong nag liwanag ang buong katawan ni Mikaela. At mula sa katawan ni Mikaela ay may lumabas na isang nagliliwanag na bilog na bagay dito. Parang isang orb. Hinigop ng bote ang orb at ibinalik agad ni Kai ang takip nito at isinarado ng mabuti.
 
Nang naisara na ni Kai ang takip ng bote ay namilog ako sa aking nakita. Nakita ko na ang orb sa loob ng bote ay biglang naging si Mikaela. Ang kaluluwa ni Mikaela ito. Isa lamang ang ibis sabihin na nito. Nakumpleto na ni Kai ang limang daan na human souls na iaalay niya sa kanyang panginoon na si Mortigano.
 
Pagkatapos ng tagpo na iyon ay biglang tumingin sa akin si Kai mula sa salamin.
 
"Humanda ka na Ell sa aking pagdating sa hinaharap. Hahanapin kita at papatayin kasama ang nawawalang halo na si Enrys. Kung nahanap mo naman na ang epilogo sa mga oras na ito balewala na kahit sirain mo pa. Dahil ipagkakaloob na sa akin ng aking mahal na panginoon na si Mortigano ang isa pang natitirang kopya ng epilogo. Huli na ang lahat para sa'yo Ell. Dahil ngayon pa lang nalalasap ko na ang aking tagumpay. Kapag napatay ko na kayo pareho ni Enrys maisasagawa ko na rin ang aking plano na gumawa ng panibagong mundo. Pag iisahin ko ang kasalukuyan panahon at hinaharap. Ako ang kikilalanin na diyos ng lahat ng mortal at imortal. Sasambahin ako ng lahat. Matutupad ng tuluyan ang lahat ng nakasaad sa aklat ng propesiya. Mapapasaakin na rin ang parehong kapanyarihan ng Mantra mula sa kaharian ng Exodus at ang Antra naman mula sa kaharian ng Devonia. Haha!" Saad niya sa akin. Pagkatapos ng mga sinabi sa akin ni Kai ay bigla na siyang nag laho sa loob ng salamin.
 
Naalala ko naman ang sinabi sa akin ni Cassiopeia bago ako nahigop ng itim na portal papunta sa hinaharap. Kapag nag krus na ang mga landas namin ng halo, kailangan mapatakan ng sariwang dugo ng halo ang nawawalang pahina ng epilogo. Kapag napatakan na ng dugo ng halo ang pahina ng epilogo ay mabubuo muli ang buong aklat ng propesiya. At kapag nangyari iyon kailangan wasakin muli ng halo ang aklat ng propesiya pero sa pagkakataon na ito kailangan buong aklat ay dapat mawasak na. Walang pahina ang dapat matira. At kapag nawasak na ng halo ang buong aklat ng propesiya ay mamatay naman ang nilalang na nagsulat nito. Walang iba kundi si Kai.
 
Kailangan ko ng mag madali. Nasa panganib ang buhay ng lahat. Hindi rin puwede mag tagumpay si Kai sa kanyang masamang plano na pagsanibin ang hinaharap at kasalukuyan na panahon. Kailangan ko ng mapatunayan na si Zayne at Enrys ay iisa. Na si Zayne ang nawawalang prinsipe sa kaharian ng Exodus at tatapos ng lahat ng mga masasamang nangyayari ngayon at mangyayari pa lamang.
 
Pag labas ko ng banyo ay agad kong hinanap si Zayne.
 
"O, anong nangyari sa'yo Migz parang balisa ka?" Tanong sa akin ni Zayne.
 
"May kailangan akong sabihin sa'yo Zayne." Seryosong sabi ko sa kanya. Kailangan ko ng ipagtapat kay Zayne ang katotohanan. Ang totoong dahilan kung bakit nandito ako sa institute. Sa hinaharap.
 
"Mamaya mo na lang sabihin iyan sa akin Migz. Malalate na tayo sa speech ng dean sa public viewing." Turan sa akin ni Zayne at pagkatapos ay nag lakad na siya papuntang pintuan para lumabas na.
 
"Hindi na ito makakapaghintay Zayne." Sabi ko sa kanya.
 
"Mamaya na Migz kapag nasa public viewing na tayo. Mag bihis ka na rin. Hindi mo pa sinusuot yung binigay ko sa'yo na white polo shirt. Sige, na mauna na ako sa'yo sa public viewing kita na lang doon mamaya." Pagkatapos sabihin sa akin ni Zayne iyon ay agad na lumabas na siya ng pintuan.
 
Patay na ako nito. Paano na ito? Ang bagal ko kasi. Dapat tiningnan ko na agad ang kanyang balikat kung may balat ba na ekis na sumisimbolo sa kaharian ng Exodus.

Exodus (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon