- ii -

395 24 0
                                    




Pinag-iisipan ni Para ang kanyang gagawin.

Nais niyang sagipin ang kanyang mga kapatid, ngunit ayaw niya ring ibigay ang kaharian kay Khragna. Masyado siyang makasarili para ibigay iyon sa ampon.

Kung wala na ang kaharian ay wala na rin siyang mga taong mapapaglaruan.

Nag-isip siya nang mabuti, umaga hanggang gabi, habang nakaupo sa isang bato sa gitna ng kagubatan. Hanggang sa lumabas ang mga alitaptap ay wala siyang maisip na paraan.

Sumuko siya at tumayo upang magbalik sa palasyo nang makakita siya ng isang ligaw na paruparo.

Itim ang pakpak nito at nabighani agad si Para sa kanya. Nilapitan niya ito.

"O kayganda mo naman, paruparo. Bakit wala kang kasama sa gubat na ito?"

Ang paruparo ay nagulat sa tinuran ng prinsesa ng kamatayan sa kanya. Simula nang maging itim siya ay wala nang nagsabing siya'y maganda. Wala nang humanga at nagmahal sa kanya.

"Kayo po'y nagkakamali. Hindi ako maganda. Isa akong gintong paruparo noon na naging tao. Nagmahal ako ngunit nabigo kaya't bumalik ako sa aking pagka-paruparo. Ngunit ako'y naging itim at itinaboy sapagkat nirerepresenta ko raw ang kamatayan. Ngayon, wala na akong pag-asang mahalin ng aking iniirog at ng kahit sino."

Pumintig ang puso ni Para sa kaawa-awang paruparo. Pinadapo niya ito sa kanyang magagandang daliri. "Walang nagmamahal sa kamatayan sapagkat takot ang mga tao sa kanya. Hindi nila alam na ito'y matamis na kalayaan mula sa paghihirap. Bakit ka malulungkot kung nirerepresenta mo ang kalayaan?"

Natuwa ang paruparo. May bago na siyang kahulugan.

Isa na siyang simbolo ng kalayaan.

"Ngunit wala pa rin akong pag-asa," sabi ng paruparo.

Ngumiti si Para. "May isang batang lalaki na nagsabi niyan sa akin noon. At siya'y nagantimpalaan nang lubos."

Hinaplos niya ang paruparong itim.

"Ang bagay na hindi naiintindihan ng marami ay ganito: Iyong mga walang pag-asa ay lalakas pa. Ang mga walang pag-asa ay ang mga nakatadhanang magwagi dahil wala nang mawawala pa sa kanila samantalang ang mga mayroong pag-asa ay haharap lang sa malaking pagkatalo... pagkatapos kunin ng tadhana ang lahat sa kanila. Naiintindihan mo na ba?"

Tumango ang paruparo sa galak. Kinuha siya ni Para at nilagay sa isang babasaging lalagyan.


✥-------------------✥-------------------✥

✥-------------------✥-------------------✥

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Paraisla III: ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon