- 10 -

554 27 31
                                    



✥-------------------✥-------------------✥

e u f y

✥-------------------✥-------------------✥


Noong sumapit ang ika-labingwalong kaarawan ko, walang selebrasyong ginanap. Ito ay dahil sinasabay ang selebrasyon sa kaarawan ni Lianne, tatlong araw pagkatapos ng sa'kin.

Ngunit hindi ako malungkot.

Dahil taun-taon, may dalawang taong nakakaalala ng kaarawan ko. Si Yohan at Earl.

Ngunit noong ika-labinwalong kaarawan ko, hindi ko nakasama si Earl buong araw dahil namasyal sila ni Lianne sa Vena.

Kaya't naiwan akong nagmamaktol sa kwarto noong gabi, isang oras na lang bago matapos ang kaarawan ko, kasama ng aking knight.

"Oh, ano?" tila inaantok na tanong ni Yohan. "Ganito na lang ba matatapos ang kaarawan mo? Hihiga ka na lang ba dyan?"

Maluha-luha ko siyang tiningnan nang masama. "Eh ano pa bang gagawin ko?"

"May naisip ako," sagot niya.

Kung anuman ang tumatakbo sa isip ni Yohan nang gabing iyon, alam kong matagal na niya itong pinagplanuhan. At pakiramdam ko'y hindi ko iyon magugustuhan.

Sa maraming taon na nakasama ko siya, ang kaarawan ko ang araw na pinagloloko niya ako.

Minsan tatakutin, minsan gugulatin. Minsan ay naglagay siya ng pekeng ipis sa loob ng isang kahon na regalo raw niya. Umiyak ako nang umiyak hanggang sa pinagalitan siya ni Pinunong Rowan.

"Akyat na," sabi niya nang makarating kami sa isang puno sa hardin. Karamihan sa mga ilaw ng hardin ay patay na kaya't madilim sa paligid.

Siningkitan ko siya ng mata. "May sorpresa ka nanaman ba? Tatakutin mo nanaman ba ako?"

Huminga ako nang malalim.

"Ayoko na." At saka ako nagsimulang maglakad palayo.

Pero hinabol niya ako at nginitian. "Hindi kita pinagbibiro. May nais talaga akong ipakita sa'yo."

Hinawakan niya ang aking pala-pulsuan at hinigit pabalik sa puno.

"Yohan, ano ba kasing meron sa taas? Bakit mo 'ko pinapaakyat?"

"May regalo ako sa'yo," sagot niya at lumuhod sa lupa, nakalahad ang magkadikit niyang kamay upang tapakan ko. "At kailangan nasa taas tayo ng puno para maibigay ko sa'yo."

Hindi pa rin nawawala ang suspetsa ko, pero umapak ako sa kanyang mga kamay at nagsimulang akyatin ang puno.

Nang makarating na ako sa isang sanga sa taas, naisipan kong umupo na upang hindi malaglag.

"Eufy!" tawag ni Yohan. "Nakaupo ka na ba?"

"Oo!" At sabi ko sa isip ko, eto na.

Paraisla III: ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon