- 0 -

739 38 2
                                    



✥-------------------✥-------------------✥

Paraisla III: Paruparo

©yukiirisu

Book #3 of Paraisla Trilogy

:: Peak Achievement:
#51 in Mystery/Thriller

✥-------------------✥-------------------✥



Noong unang panahon, may anim na prinsesang sinumpa. Ang kanilang ama ay nagbilin. "Ingatan niyo ang kaharian habang nasa paglalayag ako."

Ngunit mga tenga nila'y bingi sa salita ng magulang. Kaya't puno ng galit ang kanilang ama nang magbalik.

Si Dana, ang pinakabata sa magkakapatid, ay napakatamad. Nalanta ang lahat ng pananim kaya't walang aanihin ang kaharian. Parusa sa kanya'y: "Magtanim ka hanggang likod mo'y bumaluktot." At siya ngang nangyari.

Si Rena, ay magastos. Ipinambili niya ng mga salamin at sutla ang pera ng kaharian kaya't nagutom ang mga tao. Parusa sa kanya'y: "Maghirap ka hanggang ika'y mabangungot." At siya ngang nangyari.

Si Luna, ang matakaw, ay kinain ang lahat ng lamang-dagat sa buong kaharian. Kaya't siya'y tinapon sa dagat at sa bigat niya'y tuluyang lumubog. Parusa sa kanya'y: "Malunod ka hanggang damit mo'y maging lumot." At siya ngang nangyari.

Si Hana, ay napakahilig humithit ng tabako. Dahil sa kanya'y nabalot ng itim na usok ang kaharian at nagkasakit ang mga bata. Parusa sa kanya'y: "Langhapin mo ang lason hanggang ika'y magbigti." At siya ngang nangyari.

Si Vena, ang pinakamaganda, ay walang ibang ginawa kundi ikama ang mga alipin. Sa pagsasaya niya'y napabayaan ang mga tulisan. Parusa sa kanya'y: "Pagsasawaan ka ng maraming lalaki." At siya ngang nangyari.

At si Para, ang panganay, ay napakasama. Inangkin niya ang kasiyahan sa pagkain ng laman at dugo ng mga nasasakupan. Siya ay mamamatay-tao. Parusa sa kanya'y: "Mamuhay kang halimaw katulad ng iyong ugali." At siya ngang nangyari.


Ngunit sinasabi ko sa inyo, hindi doon natapos ang kwento.


Sa pagbabalik ng ama ay may dala siyang batang babae. Iba ang kulay nito sa kanila. Ang kanyang balat ay tsokolateng kape, hinalikan ng araw. Isang dayuhan.

Si Khragna, ang ampon. . . ang mapanlinlang.

Nilason niya ang kanilang ama at lumapit kay Para. Ibinulong ng mga pulang labi niya ang mga salitang ito:

"Ako'y iyong tulungan, at iyong mga kapatid— matitiyak ko ang kanilang kaligtasan."

"Ano ang kapalit, o aking kapatid?"

Matamis at makamandag ang boses ni Khragna.

"Ang kaharian."


✥-------------------✥-------------------✥

✥-------------------✥-------------------✥

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Paraisla III: ParuparoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon