Chapter Twenty Three

24K 829 72
                                    

"KAILANGAN mong magpahinga."

Hindi tuminag si Ayesha sa pagkakaupo. Nasa labas siya ng OR. May ilang oras ng nakikipaglaban kay Kamatayan si Boris. Fifty-fifty ang tsansa nitong mabuhay ayon sa mga doctor. Nakita niya nang halos ubusin ni Rita ang bala ng baril nito sa katawan ni Boris. Ilang oras din siyang nagdasal sa chapel. Nanikluhod sa Dios na sana'y huwag Nitong kunin ang kaisa-isang lalaking minamahal niya. Sapagkat kung mawawala si Boris ay wala ng silbi pa ang kanyang buhay.

"Ayesha," tumalungko sa harapan niya si Luke. Namumula ang mga mata nito at medyo garalgal ang tinig nang magsalita. "Magiging maayos din ang lahat. Magpahinga ka na muna. Hindi makabubuti sa'yo ang ginagawa mo."

Umiling lang siya. Hindi siya aalis doon. Kung kinakailangang mag-vigil siya sa labas ng OR ay gagawin niya.

Noon bumukas ang pinto ng operating room. Lumabas si Alex.

"Ligtas na siya."

Saka naman siya parang kinapos ang paghinga. Ligtas na siya. Ligtas na si Boris!

Nang tumayo siya ay bigla siyang gumiray. Sa pinagsama-samang pagod, relief, gutom at puyat ay bigla siyang nawalan ng malay.

***

"WHERE is she?"

Kaagad na tumayo si Luke nang magmulat ng mga mata si Boris. Halos bente-kuwatro oras din itong walang malay.

"Ligtas siya. Nasa kabilang silid at nagpapahinga," tugon niya rito, pigil ang emosyon.

Tila ito nakahinga ng maluwag.

May kumatok sa pinto. Magkasunurang pumasok sina Alex at Princess.

"Pupunta muna ako sa canteen," pasintabi niya sa mga bagong dating.

Paglabas niya ay nakita niya si Pil. Nagkasalubong ang kanilang mga tingin.

"Kelan mo sasabihin sa kanya na ikaw ang kanyang ama?"

Puno ng pagbabanta ang tinging ipinukol niya rito. "Ikaw, kelan ka maghuhubad ng maskara, Lt. Teofilo Medina?"

"Hanggang sa matiyak kong tuluyan ng nakabaon sa hukay si Rusty Chen."

"Tinitiyak ko sa'yong hindi na siya babangon pa kahit kelan."

"Si Alex, siya ba si Virgil—ang tinatawag na anino ni Kamatayan?"

"Bakit mo pa itinatanong ang isang bagay na parang tiyak na tiyak mo na ang sagot?"

"He killed Romero, didn't he? Natagpuan siya kaninang umaga ng mga pulis na wala ng buhay."

Walang interes niyang ikinibit ang mga balikat.

"As long as you're ridding this world of scums like him, I'm okay with that."

He chuckled. "You really are the chip off the old block."

Hindi ito sumagot at naglakad ng palayo.

Nakita niyang lumabas ng silid ni Boris si Princess. Hinabol nito ang lalaki.

Tumalikod na siya at naglakad patungo sa direksyon ng kantina. Wala siyang planong ipaalam kay Boris ang totoo niyang pagkatao. Kahit pa nga nangangahulugan iyon na hindi rin niya makakapiling si Paulina. Sapat na sa kanyang nasa tabi siya ng kanyang anak at makuntentong tinatanaw mula sa malayo si Paulina. Kaysa manganib ang mga ito sa mga galamay ng sindikato na batid niyang nagdududa sa bangkay na natagpuan sa kanyang selda may dalawampung taon na ang nakakaraan.

***

NAGMULAT ng mga mata si Ayesha.

"Hello," bati ni Boris na nakatunghay sa kanya.

Napakurap-kurap siya. Nang matiyak na hindi siya nag-iilusyon lang ay bigla siyang napabangon.

"Bakit naririto ka? Hindi ka pa magaling. Baka—"

"Shh. Ikaw ang inaalala ko. Mugtong-mugto ang mga mata mo. Sabi ni Dr. Benson ay kakailanganin ka niyang obserbahan ng ilang araw dahil mukhang na-strain mo nang husto ang iyong mga mata. How are you feeling?"

"Maayos naman ako. Ikaw bakit lumabas ka na ng kuwarto mo?" namumutla ito at mukhang mahinang-mahina pa para kumilos.

"I had to see you. Hindi ako mapapakali hangga't hindi ko natitiyak na maayos ang kalagayan mo."

Biglang nag-init ang kanyang mga mata. Gayunpaman ay mabilis niyang inawat ang sarili na umiyak.

"A-ayos lang ako. Ikaw ang mas dapat na magpahinga. T-tinakot mo kaming lahat. Tinakot mo ako," nabasag ang tinig niya.

Tumaas ang mga kamay nito upang kabigin siya subalit nakasagabal ang IV tube na nakakabit dito. Natatawa-naluluha na siya na ang kusang yumakap dito.

"I'm sorry," narinig niyang bulong nito.

"Kung ang inihihingi mo ng tawad ay ang nangyari kina Tatay, huwag mo ng isipin 'yon. Bukod sa aksidente ang nangyari ay hindi mo naman talaga kasalanan ang lahat. And I'm sure, saan man sila naroroon ngayon ay hindi sila galit sa'yo."

"Duda ako ro'n. Pinaiyak kita."

Napasinghot siya. Kumalas siya rito at bahagyang lumayo.

"Oo nga pala. Bigla kong naalala, break na nga pala tayo."

Nalukot ang mukha nito. "That was pure stupidity on my part. Gusto lang kitang protektahan mula sa banta sa buhay ko. Pero sa huli ay mas lalo ka pang nanganib."

"Habang nasa loob ka ng operating room ay pumunta ako sa chapel. Sabi ko sa Kanya, ayos lang sa aking mawala uli ang aking paningin huwag ka lang Niyang kukunin sa akin. Kasi ano ang silbi ng aking mga mata kung ang nag-iisang taong nais kong makita sa bawat sandali ng aking buhay ay kukunin Niya?"

"I don't deserve you."

"Kung santo ang gusto ko, matagal na akong nagmadre."

Napangiti ito. At muli ay tinangka nitong yakapin siya subalit malaking sagabal ang IV tube.

"I love you. I'm sorry for all the hurtful things I said to you; but believe me it hurt me more than it hurts you. And I'll make it up to you for the rest of our lives. Please take me back."

Saglit kunwa niyang pinag-isipan ang kahilingan nito.

"Please?"

"Maipapangako mo ba sa akin na kapag may dumating na problema na kaparis ng nangyari ay hindi ka maglilihim?"

"Never again."

"Na ikaw pa rin ang magiging walking stick ko?" pumiyok ang kanyang tinig sa bahaging iyon.

"Yes. Forever and always."

Napahikbi siya. Pagkuwa'y siya na ang kusang yumakap dito.

"I love you."

Yumuko ito at pinaghinang ang kanilang mga labi.

"I love you more."

'

WAKAS

'

A/N

I hope you enjoyed reading it.

Don't forget to vote and comment, guys!!

Sa mga interesadong bumili ng copy, inquire na lang po kayo sa Precious Pages Corp.

And by the way, naka-post din po rito sa wattpad ang story ni Virgil/Dr. Alexander Palomares. 

Salamuch!!

Bb_Anastacia/Doreen Gabriel PHR



Boris Javier (Forever and Always)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon