Chapter Nineteen

19.9K 706 99
                                    

PALINGA-LINGANG tumawid ang babae. Nakasuot siya ng malaki at itim na dark sunglasses. At bagaman simpleng blusa at skinny jeans lamang ang kanyang suot ay marami ang napapasunod sa kanya ng tingin. Pumasok siya sa masikip na kalyehon. Tumambad sa kanya ang tanawing labis niyang ikinaiirita sa tuwing pupunta sa lugar na iyon. Ang marurusing na mga bata, ang mga babaing nagkukutuhan at nagtsitsismisan, ang mga istambay na tila parami nang parami sa bawat pagkakataong magagawi siya roon. Na kung hindi nag-uumpukan sa isang bote ng gin, ay nagkakara y cruz o naglalaro ng baraha.

"Hello, Miss Byutipul. Dadalaw ka ba kay Tsip?" bati sa kanya ng bungal na lalaki.

"Oo. Naririyan ba siya?"

"Siyempre naman, Miss. Hindi naman basta-bastang makakalabas 'yon ng lungga niya," pilosopo at tila nakakalokong sagot ng isang maitim na lalaki.

Tinapunan niya iyon ng matalim na tingin bago walang pasintabing nilampasan ang mga ito. Mga walang silbi. Tumigil siya sa tapat ng isang kalawanging gate at kumatok.

"Sino 'yan?" tanong ng malagom na tinig mula sa loob.

"Ako."

"Tumuloy ka."

Kung miserable ang tanawin sa labas ay higit pa roon ang tumambad sa kanya pagdating sa loob. May nadatnan siyang apat na kalalakihan doon. At base sa nalalanghap niyang amoy sa paligid at sa nagkalat na drug paraphernalias ay halos nahuhulaan na niya kung ano ang katatapos lamang na aktibidad doon.

"Ganda nitong bisita mo, Tsip, ah. Puwede bang makasampol?" komento ng isa na mahalay siyang sinuyod ng tingin mula ulo hanggang paa.

Tumawa ng tila nakakaloko ang tinukoy na Tsip. "Kung ayos lang sa'yong maputol 'yang ipinagmamalaki mong kargada, bahala ka."

Nagkakatawanang umalis ang mga lalaki.

She took off her sunglasses at may bahid ng disgustong tinapunan ng tingin ang taong pakay. His eyes were bloodshot at kita niya ang panginginig ng mga kamay nito na ang tangi na lamang nitong nagagamit ay ang hinlalaki. The rest of his fingers were broken.

"Kumusta, Margarita Rubio. Mahigit isang buwan na akong naghihintay ng magandang balita mula sa diyaryo."

"Pumalpak ang mga tauhan mo. At mukhang kumanta pa ang isa. Akala ko ba professional ang mga birador mo? Mukhang nagkamali ako ng taong nilapitan."

Nagtiim ang mga labi nito. "Ano nga 'yong sinabi mo sa akin nang lapitan mo ako mahigit isang taon na ang nakakaraan—the enemy of your enemy is your friend? Kung meron mang isang taong makakapantay sa galit mo kay Boris Javier, 'yon ay walang iba kundi ako. Nakikita mo naman siguro ang kalagayan ko. Nakatali na ako sa pesteng wheelchair na 'to ay wala pa akong nakuhang benipisyo mula sa gobyerno dahil sa punyetang Boris na 'yon! Ngayon kung sa palagay mo ay wala na akong maitutulong sa'yo, adios."

"Meron pa. Kailangan ko ng baril."

Napamaang ito. Pagkuwa'y napasipol. "Akala ko ba kaya maingat nating plinano ang lahat ay dahil gusto mong maging malinis at wala ng maraming imbestigasyon ang pagkamatay ng hayop na 'yon? Bakit gusto mo na yatang personal na trabahuhin?"

"Incompetent ang mga tao mo. At lahat ng plano mo, palpak. Ako naman ang kikilos. Abangan mo na lang ang resulta sa diyaryo."

Napangisi ito. Ngising unti-unting nauwi sa halakhak. Ang halakhak ng isang dimonyo.

Former chief of police Luciano Romero, ang dating stepfather ni Boris. Margarita Rubio conspired with the devil for a common goal: to kill Boris.

***

ISANG buwan ang matuling lumipas. Ngunit pakiramdam ni Ayesha ay katumbas na iyon ng isang siglo. Mabilis na naghihilom ang kanyang mga mata. At bagaman limitado pa ang ilang aktibidad sa kanya ay wala rin siyang mairereklamo dahil kumpara sa ibang pasyente—ayon kay Dr. Benson—ay hindi siya dumanas ng negatibong reaksyon pagkatapos ng surgery.

"You are healing tremendously," dagdag pa ng doctor.

Regular ang check-up niya rito. Ngunit hindi tulad ng mga naunang pagbisita niya sa doctor, hindi niya kasama si Mayette. Minabuti niyang pumuntang mag-isa dahil balak niyang pumunta sa Polaris pagkatapos ng appointment niya sa doctor. Hindi na siya makapaghihintay na si Boris ang kusang bumisita sa kanya kung kailan ito may panahon.

Sa isip ay nagre-rehearse na siya ng mga sasabihin dito.

Ano'ng klase kang nobyo na hindi mo man lang nagawang dalawin kahit kalahating oras ang iyong nobya? Nakalimutan mo na ba ang ipinangako mo sa akin dati—na aalagaan mo ako, na ikaw ang magsisilbing walking stick ko? Hindi komo nakakakita na ako ay kalilimutan mo na ang ipinangako mo sa akin. O naduwag ka bang makita ko ang hitsura mo at baka bigla akong umurong sa alok mong kasal?

Batid niya kung gaano kaguwapo ang kanyang nobyo sa picture nilang magkasama sa kanyang cellphone. Isa iyon sa pinaka-memorable nilang kuha sa Bicol. At base sa larawan ay hindi maikakailang kapwa sila masaya sa kanilang relasyon. Ang nakakapagtaka lamang—at nakakapagtampo na rin—kailangan bang may magbago sa kanilang relasyon dahil nagbalik na ang kanyang paningin?

Ayaw niyang mag-isip ng kung anu-anong ispekulasyon. Kung sadyang busy lamang ito o may iba pang dahilan kaya hindi siya nito mabisita o matawagan ay iyon ang aalamin niya. Kung busy ito ay hindi naman siguro siya makakasagabal kung bibisitahin niya ito kahit trenta minutos lamang.

Kaagad siyang nakilala ng ilang staff pagpasok pa lamang niya ng lobby. May mga nangumusta at nagpahayag ng katuwaan nang malamang nakakakita na siya. Nang malaman ng mga ito na pupuntahan niya si Boris ay iba-iba ang naging reaksyon ng mga ito. Bagay na ipinagwalambahala niya.

Wala sa opisina nito ang kanyang nobyo. Nasa café diumano ito kasama ng dumating na bisita. Nagpasama siya sa isang empleyado patungo roon. Madali naman nilang natagpuan ang kanyang pakay. Hindi niya nga lang alam kung ano ang magiging damdamin sa magkakasalungat na emosyong sabay-sabay niyang naramdaman pagkakita rito. Tuwa, takot, excitement, nerbiyos, pagtatampo at...selos.

"S-sino 'yong babaing kasama niya?" aniya sa kasama.

"Si Miss P-Princess Faith po."

Bagama't may hinala na siya base sa hitsura ng napakagandang babae ay nabigla pa rin siya nang kumpirmahin iyon ng kausap.

"K-kelan pa...kelan pa siya unang nagpunta rito?"

"Ahm, may isang buwan na po yatang mahigit. Pero h-hindi po ako sigurado, Ma'am. Puwede na po ba akong bumalik sa aking trabaho?"

Wala sa loob siyang tumango.

Mahigit isang buwan? Ito ba ang pinagkaka-abalahan ng kanyang nobyo kaya hindi siya mabisita o matawagan man lang?

'

A/N:

Don't forget to leave your votes and comments.

Sala-much!!

Bb_Anastacia/DoreenGabrielphr

Boris Javier (Forever and Always)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon