Chapter Four

15.2K 586 9
                                    

UPANG matuon sa ibang bagay ang isipan ay nagtungo sa casino si Boris. Tahimik lamang siyang nag-obserba ng laro. May mangilan-ngilang pamilyar na mukha. 'Yong iba ay hindi niya personal na kilala malibang regular ng laman ng casino ang mga ito. Iyon namang iba ay iyong mga itinuturing na high rollers. Ang grupo ng mga ito ang pinakapaborito niya. Sila iyong kung magpatalo ay parang namumulot lamang ng pera sa kalsada.

It wasn't surprising though sapagkat dalawa sa miyembro ng grupong ito ay ang pinaka-corrupt na senador sa bansa. Ganoon din naman 'yong iba ay hindi maituturing na legal ang mga gawain. Naririyan ang illegal recruiter na si Mr. Raj Zugic, ang illegal logger na si Michael Acosta, ang gunrunner na si Edmund Tavares—a, kung iisa-isahin niya ang illegal na gawain ng mga ito ay napakahaba ng listahan. Hindi man siya pabor sa gawain ng mga ito ay batid niyang wala siya sa tamang posisyon upang magbigay-puna.

Nakihalubilo siya at nakipagkuwentuhan sandali sa mga regular patrons. Palabas na siya ng casino nang mapansin niya ang isang lalaking nakatayo sa harapan ng roulette table. Waring may bumayo bigla sa dibdib niya.

"Vic..." naibuka lamang iyon ng bibig niya. Kasabay noon ay naramdaman niya ang pagkirot ng kanyang ulo. Damn it. Not again.

Nakatalikod sa kanya ang lalaki kaya hindi niya tiyak kung totoo ang kanyang nakikita o naipagkamali niya lamang ito sa ibang tao.

***

TWELVE years ago...

LATE na si Boris sa una niyang klase. Wrong timing naman kasi si Sophie. Kung kelan nasa kalagitnaan na ang semester ay saka siya nito binawian ng kotse. Kunsabagay ay hindi niya ito masisisi. Aksidenteng natuklasan nito ang relasyon nila ng bestfriend nitong si Estelle. Napailing siya.

Women.

Nanghihinayang din siyang tapusin ng ganoon na lamang ang kulang sa anim na taon nilang relasyon ni Sophie. Una ay napakagalante nito. Bawat maibigan niya ay sinusunod nito. At ikalawa, kahit sabihing nag-umpisa ang relasyon nila sa pisikal na pangangailangan lamang ay hindi niya maitatangging nagkaroon na rin iyon ng ugat. Kung meron man siyang madalas na ireklamo rito—na madalas ding pagmulan ng kanilang pagtatalo—ay ang labis nitong pagka-possessive. Nakakasakal na ito. Dahilan upang matukso siyang pumatol kay Estelle.

Si Estelle. Estelle de Veyra-Maculangan. Akmang-akma rito ang apelyido ng asawa nitong isang bigating corporate lawyer. Kaparis ni Sophie ay uhaw rin ito sa atensyon ng asawa na parating nasa ibang bansa. Minsang nalingat si Sophie ay inakit siya nito. Bumigay naman siya. Ang kaso ay muli iyong naulit. Katwiran ng isip niya, wala iyong kaso. Lalaki siya at bata pa, mahina sa tukso. Ang ending, natuklasan ni Sophie ang lahat kaya binawian siya ng bahay at sasakyan.

Walang mahabang argumento. Ni hindi sila umabot sa dramatikong eksena kung sino sa pagitan nito at ni Estelle ang pipiliin niya.

Muli ay napabuntong-hininga siya.

Mabuti na lamang at kahit papaano'y naging masinop siya sa pera. Maipagpapatuloy niya pa ang pag-aaral hanggang sa susunod na semester. Late na kasi siyang nakatapos ng high-school. Kaya sa edad na bente dos ay nasa ikalawang taon pa lamang siya sa kolehiyo, kumukuha ng BSBA major in accountancy. Suggestion din iyon ni Sophie, matalas daw kasi ang utak niya sa numero.

Malapit na siya sa gate ng pinapasukang unibersidad nang madaanan niya ang tatlong lalaki. Bahagyang kumunot ang kanyang noo at saglit na nakipag-debate sa kanyang sarili kung siya ba'y makikialam o ipagwawalang-bahala na lamang ang nakikita niyang eksena: isang patpatin at mukhang nerd na totoy na pinagtutulungang bugbugin ng dalawang lalaking mukhang sanggano.

Boris Javier (Forever and Always)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon