Chapter Seventeen

14.1K 547 3
                                    

"TATAY Luke, wala pa ho ba si Boris?"

Saglit na nag-alinlangan si Luke kung ano ang isasagot kay Ayesha. Ilang sandali na lamang at ipapasok na ito sa operating room. Tapos na itong kunan ng routine physical check-up ng surgical team. She was already in a lab gown. At kahit naroroon ang kaibigan nitong si Mayette ay nauunawaan niyang mas kailangan nito ang presensya ng nobyo. Subalit paano niya sasabihin dito na hindi darating si Boris?

"Kanina pa ho siya tinatawagan ni Mayette pero unattended ang kanyang cellphone."

"A, ano kasi. May meeting siya na hindi puwedeng ipagpaliban. At kapag importante ang kausap niyang tao ay nagpapatay siya ng cellphone."

"Mas importante pa ho sa nobya niyang naghihintay ngayon?" parang inis na tanong ni Mayette.

"Mayette," banayad na sinaway ni Ayesha ang kaibigan.

Hindi nalingid sa kanya ang pagdaramdam sa mukha ni Ayesha na pilit nitong ikinukubli. A, paano ba niya ipapa-unawa rito ang impiyernong kasalukuyang pinagdaraanan ni Boris?

"Bakit hindi mo sinabi sa akin?" puno ng panunumbat ang mga mata ni Boris nang puntahan siya nito ng nagdaang araw sa kanyang opisina. Mahigpit siya nitong hinawakan sa kuwelyo ng kanyang damit na parang nais siyang sakalin.

Puno ng galit ang mga mata nito. Ngunit nauunawaan niyang ang galit nito ay hindi direktang nakaukol sa kanya. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya. And then the unthinkable happened. Tumulo ang mga luha nito. Parang kandila itong unti-unting naupos hanggang sa tuluyang mapaluhod. Yumugyog ang mga balikat nito. Impit itong napahagulhol habang paulit-ulit na idinadagok ang mga kamao sa tiled floor. Mistula itong sugatang hayop na napaungol.

Nahulaan niya kung ano ang nangyayari rito nang maalala niya ang petsa ng araw na iyon. Iyon ang araw ng kamatayan ng mga magulang ni Ayesha, ang kaparehong araw nang maaksidente si Boris.

"Hindi ko rin alam," tugon niya rito sa nagbabarang lalamunan. "Aksidente ko lamang na napagtagni-tagni ang lahat habang ini-interview siya ni Dr. Benson. Kung natatandaan mo ay si Atty. Nolasco ang umayos ng lahat. Malubha ka ring nasugatan noon at matagal-tagal ka ring nanatili sa hospital."

At hindi kailangang sabihin na ng mga panahong iyon ay mapalad ng makatulog ng tatlong oras si Luke sa pag-iintindi rito at sa pamamahala sa Polaris.

"I have no right to be with her," nanggigipuspos na sabi nito.

"Aksidente ang lahat. Hindi mo ginusto ang mga nangyari."

"I'm beginning to doubt that, I was drunk."

"You were not. Sinadyang putulin ang preno ng kotse mo. Kung sino man ang nagtatangka sa buhay mo ay tuso ang taong 'yon. Kalkulado niya ang mga kilos mo at maingat niyang pinaplano ang bawat hakbang."

"I don't care anymore. I'll gladly wait Death anytime of the day."

"God damn it, don't be such an ass! Kung meron ka mang dapat sisihin sa mga nangyari, iyon ay ang taong nagtatangka sa buhay mo. Dapat siyang managot sa mga nangyari. Lalo na sa nangyari sa mga magulang ni Ayesha."

"Tama si Princess, I'm a monster," parang walang narinig na bulalas nito.

Hinawakan ito ni Luke sa magkabilang balikat at inalog. "Nagsisimula pa lamang ang laban mo, Boris Javier. Huwag kang susuko. Kailangan ka ni Ayesha."

Nagpakailing-iling ito. "She will hate me for sure. Sa sandaling malaman niya na ako ang responsable sa nangyaring aksidente..." napaungol ito at muling naisuntok ang kamao sa sahig, hindi alintana ang pagdurugo niyon.

"Tama na, tama na," inawat niya ito.

Mabuti na lamang at dumating si Alex. Magkatulong nila itong pinigilan sa ginagawa. Nang kumalma ito ay nilinis at ginamot ni Alex ang sugatan nitong mga kamao.

"Kayo na ang bahala kay Ayesha," iyon ang huling sinabi ni Boris nang lumabas ito sa kanyang opisina.

Iyon na rin ang huling pagkakita niya sa binata. Nang subukan niya itong tawagan ng umagang iyon upang ipaalala ang nakatakdang operasyon ni Ayesha ay hindi niya ito nakausap. Kaparis ng sinabi ni Ayesha, unattended ang cellphone nito.

***

MABIGAT ang loob ni Ayesha habang inihahanda ng surgical team sa loob ng OR. Nararamdaman na niya ang epekto ng anaesthesia sa kanyang sistema nang marinig niya ang komosyon sa loob ng operating room.

"Sir, bawal ho kayo rito."

"Hindi naman ako magtatagal."

Boris!

Sa kabila ng parang lutang na pakiramdam ay kaagad na nakilala ni Ayesha ang tinig ng kasintahan.

"Hayaan mo na siya, nurse; but not a couple of minutes more, Mr. Javier," mahinahong wika ng kanyang doctor.

"Thank you."

Nang gagapin ng pamilyar na init ang kanyang kamay ay nag-init ang kanyang mga mata. Ngunit mabilis niyang inawat ang sarili na umiyak sa pangambang makasama iyon sa nakatakdang operasyon. Ang buong akala niya talaga ay hindi na ito makakarating.

"You're late," banayad niyang akusa rito. Kumunot ang kanyang noo nang makapa niya ang benda sa kamay nito. "Ano ang nangyari sa kamay mo?"

"Ahm, aksidenteng n-naipit. Wala ito, malayo sa bituka."

Hindi siya kumbinsido.

Pero bago pa siya muling makapag-usisa ay niyakap siya nito at hinagkan sa ibabaw ng ulo at pagkatapos ay sa noo, sa ilong bago padaplis na dumaan sa ibabaw ng kanyang mga labi.

"Kumusta ang pakiramdam mo? Nagbakasakali lang akong aabutan pa kita. You're okay, right?"

"Oo naman. Hihintayin mo ako, ha? Mabilis lang naman pala ang procedure sabi ni Dr. Benson kaya makakauwi rin ako kaagad."

"O-okay."

"Promise?"

"A, uh-hmn. Sige na. Baka ihagis na nila akong palabas dito."

"Sige," another peck on her lips and he left.

Bagama't groggy pa siya nang ilabas sa OR ilang oras pagkaraan ay si Boris kaagad ang hinanap ni Ayesha sa kaibigang si Mayette. Upang mabilis na manlumo nang sabihin nitong wala roon ang kanyang nobyo. Ayon pa rito ay hindi na rin siya babalik ng Polaris gaya ng mga naunang plano na pagkatapos ng operasyon ay doon siya tutuloy. Meron na raw private room na kinuha para sa kanya upang doon na niya hintayin ang pagtatanggal ng benda.

Merong nangyayari na hindi niya alam. Nararamdaman niya iyon sa tinig ng kanyang mga kausap. Magmula kay Luke, ngayon ay kay Mayette at kay Boris. Ano ang itinatago ng mga ito sa kanya? Ayaw man niyang mag-isip ng mga negatibong bagay ay hindi naman niya maawat ang lumalagong takot sa kanyang dibdib.

Boris Javier (Forever and Always)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon