Chapter Eleven

14.5K 650 11
                                    

"SALAMAT."

Naramdaman ni Ayesha ang pag-upo ng Mama ni Boris sa bakanteng espasyo sa kinauupuan niyang mahabang bangko sa beranda. Sa ilang araw na niyang naroroon ay noon lamang sila nagkaroon ng pagkakataon na magkasarilinan ng ginang. Parati kasi siyang ipinapasyal ni Boris. At kapag nasa bahay lamang naman ay hindi rin halos ito humihiwalay. Nagpasintabi lamang ito dahil may tawag ito sa telepono.

Nakangiting nilingon ni Ayesha ang nakatatandang babae. "Ako nga po ang dapat magpasalamat sa inyo kasi tinanggap niyo ako dito sa inyong tahanan."

Inabot nito ang kanyang kamay at ikinulong sa dalawang palad nito.

"Kahit sinong malapit sa anak ko ay bukas-palad kong tatanggapin sa loob ng aking pamamahay. Malibang sa'yo ay malaki ang pagpapasalamat ko dahil tinuruan mo uling tumawa ang aking anak."

"Ma'am—"

"Mama Paulina na lang," natatawang sabi nito. "Sa kabila ng mga naging pagbabago sa buhay ko ay parang banyaga pa rin sa akin ang tukuying 'Ma'am'."

Naguguluhan man sa sinabi nito ay ngumiti na lamang siya.

"Isa akong bayarang-babae. Isang hostess—iyon ang palasak na tawag sa amin noong araw. Sa isang bar ako nakilala ng Papa ni Boris. Nagustuhan niya ako at ibinahay. Naging maligaya naman ang pagsasama namin bagama't magkita-dili kami. Hanggang isang umaga, bumalandra sa mukha ko ang larawan niya sa front page ng isang tabloid. Isa pala siyang drug lord."

Napaawang ang mga labi niya. Kung ang intensyon ni Paulina ay sirain ang loob niya tungkol kay Boris ay mabibigo ito.

"Nagkakamali ka kung iniisip mong balak kong sirain ang anumang namamagitan sa inyo ng aking anak. Mahal na mahal ko siya. At bilang isang ina ay wala akong ipinagdarasal sa araw-araw kundi ang makatagpo siya ng babaing magmamahal sa kanya sa kabila ng kanyang pangit na family background."

"Hindi ho 'yon mahirap gawin dahil isa siyang mabuting tao."

Banayad nitong tinapik-tapik ang kanyang kamay. "Dahil sa amin ng Papa niya ay marami ang nag-iisip na wala rin siyang ipinagkaiba. Hindi naging madali sa kanya ang magkaroon ng mga kaibigan o ang magkaroon ng girlfriend mula sa isang nirerespetong pamilya. Tuwina'y pinangingilagan siya. Sabi niya sa akin noon ay ayos lang 'yon, mas gusto niya naman daw ang parating nag-iisa. Pero isang araw ay ipinakilala niya sa akin sina Victor at Princess Faith. Ang una'y itinuring niyang parang kapatid habang ang ikalawa ay iniluklok niya sa pedestal bilang pamantayan ng isang perpektong babae na nais niyang pakasalan. Ngunit hindi maaaring maging kanya si Princess dahil nobya siya ni Victor."

Katahimikan.

"Ano ho ang nangyari?" hindi nakatiis na tanong niya.

"Hindi ko alam. Bigla na lang nawala si Victor at isang araw ay ipinakilala niya sa akin si Princess bilang kanyang kasintahan."

"N-nawala ho?"

"Iyon ang sabi ni Boris. Minsan ay hindi ko alam kung ano ang aking iisipin. May mga gabing kapag naririto si Boris ay nabubulahaw ang buong kabahayan dahil sa kanyang mga bangungot. At madalas...nagigising siyang tinatawag ang pangalan ni Victor."

May lamig na nanuot sa kanyang mga kalamnan. "Sinasabi niyo ho bang—" hindi niya magawang ituloy ang nais sabihin. O kahit ang isipin ang ideyang iyon ay mahigpit na tumututol ang kanyang kalooban.

"Ewan ko, Ayesha... ewan ko. Minsan sa dami ng mga disappointments natin sa buhay ay nakakagawa tayo ng mga bagay na hindi tama."

"Marahil. Pero hindi ako naniniwalang magagawa ni Boris ang anumang iniisip niyo."

Boris Javier (Forever and Always)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon