Naputol ang kanyang pagbabalik-tanaw nang makita niyang kumilos si Ayesha. Habang nakayupyop ito sa gilid ng kama ay nagsimulang mag-apuhap ang kamay nito na waring may hinahanap.

Dahan-dahan itong umunat sa pagkakaupo. A worried frown crossed her face. "Boris?"

Tama si Alex, ang unang isiping pumasok sa utak ni Boris nang mapagmasdang mabuti ang babae. Maganda nga pala ito. Gandang tila walang bahid-dungis.

Parang nasisilaw itong ipinayong ang dalawang kamay sa ibabaw ng mga mata habang kumukurap-kurap. Sa kung anong dahilan ay waring nasuspinde ang kanyang paghinga. Nakikita ba siya nito? Ano kaya ang masasabi nito sa hitsura niya? Will she finds him attractive?

He cursed silently when his heart raced like a frigging lunatic on the loose!

"Ikaw na ang bahala sa kanya, Luke. Give her whatever she needs and asked Pil to take her home afterwards."

Iniwasan niyang sulyapang muli ang babae nang hirap na tumayo at inut-inot na tinungo ang adjoining door patungo sa kanyang pribadong opisina.

"Boris—" tila may nais sabihin si Luke. Ngunit bago pa nito maisatinig iyon ay mabilis niyang itinaas ang isang kamay. Dahilan upang maudlot ang anumang sasabihin ng kanyang assistant.

***

MAY nadamang panliliit si Ayesha. Yumuko siya at nagkunwang inaayos ang kanyang buhok. Daig pa niya ang isang maruming insekto sa paraan ng pagsasalita ng walang-utang-na-loob na si Boris Javier. Puwes, kung ibig na nitong idispatsa siya ay walang problema. Kung magbibigay naman ito ng pabuya ay tatanggapin niya. Hindi siya magkukunwaring hindi kailangan ng pera dahil ang totoo, bawat sentimong kinikita niya ay kasing-halaga ng ginto. Para siyang langgam na pinaghahandaan na ang paparating na tag-ulan.

"A, hija. May ipinahanda akong pananghalian. Atsaka bihisan na rin dahil may palagay akong nanlalagkit ka na," wika ng butihing tinig na pamilyar na sa kanya. Si Luke.

Ito ang personal na sumalubong sa kanila nang dumating sila ni Boris lulan ng taxi. At habang ginagamot ng doctor si Boris ay kinausap siya nito. Nagtanong ito kung ano ang nangyari. Bagay na sinagot niya sa abot ng kanyang makakaya. Sapagkat wala naman talaga siyang alam sa totoong nangyari sa lalaki. Malibang sa palagay niya ay nabiktima ito ng hold-up.

"Tayo na," inabot ni Luke ang kanyang kamay atsaka ikinawit sa braso nito habang inaalalayan siyang tumayo. "Nasa kabilang silid ang bihisan mo. Doon ko na rin ipapahanda ang iyong pananghalian."

"Salamat ho," muntik na niyang idugtong na mabuti na lamang at hindi ito kasing sungit ng amo nito.

"Ang totoo, kami ang dapat na magpasalamat sa'yo," sabi ni Luke na tinapik-tapik ang kamay niya sa braso nito. "Dahil iniligtas mo sa isang tiyak na kamatayan ang isang napaka-importanteng tao para sa...aming lahat."

Naantig ang damdamin ni Ayesha sa nakapaloob na emosyon sa tinig ng nakatatandang lalaki. Marahil nga ay sadyang napakahalagang tao ni Boris Javier sa mga empleyado nito.

"Ako na rin ang humihingi ng dispensa sa inasal niya. Ganoon lamang siya magkaminsan. Pero ang totoo'y mabait siya."

Parang gusto niyang mapa-ows?

Natawa si Luke. Nahuhulaan marahil ang iniisip niya.

"Marahil kung iisa-isahin ko sa'yo ang lahat ng pinagdaanan niya ay mauunawaan mo rin siya."

"Totoo ho ba ang narinig ko—siya ang nagmamay-ari ng Polaris?"

"Oo."

"Wow. Ang yaman-yaman niya pala. Napapadaan lang ako dati dito noon. Hindi ko akalaing isang araw ay makakapasok ako dito. Balita ko ay bigatin ang mga performers na nagso-show rito. Vegas-style."

"A, oo," nagbanggit ito ng ilang kilalang showbiz personality.

"Ang galing. E, di lahat sila nakamayan niyo na?"

"Aba, oo. Mahilig din akong manood ng mga konsiyerto. At bilib ako sa talent ng mga local nating singer. Ang ayaw ko lang e, 'yong kakanta sila sa entablado ng mga awiting pinasikat ng mga foreign singer."

"Pareho ho pala tayo. Ako rin, e. Tuloy parang mas ang ipino-promote nilang kanta ay hindi kanila."

"Tama. Pero maiba ako. Ano ba ang nangyari sa mga mata mo?"tanong nito sa tila naninimbang na tono.

"A, ito ho ba? Naaksidente ho kasi ako. Kaso late na nang madiskubre ng mga doctor na nagkadiprensya sa aksidente ang mga mata ko."

"Ganoon ba? E, paano ka naman—sino ang umaalalay sa'yo? Napakahirap ng ganyan mong kalagayan. Tapos sa gabi pa 'ikamo ang trabaho mo. Napakadelikado. Tingnan mo na lamang ang nangyari ke Boris. Babae ka pa naman. Maganda. Baka kung mapaano ka."

May init na bumalot sa puso ni Ayesha sa nahimigang concern sa tinig ni Luke. Naalala niya tuloy ang Tatay niya. Ganoong-ganoon din ito. Noong nabubuhay pa ito, kapag masama ang panahon at nalaman nitong wala siyang dalang payong, ipinagpapaliban nito ang pamamasada para lang sunduin siya. Napaka-ulirang ama nito. Kahit ang Nanay niya ay walang mairereklamo rito. Kaya naman nang magdalaga siya ay ito ang naging sukatan niya sa pagpili ng magiging nobyo. Na sa kasamaang-palad ay wala ni isa man ang pumasa.

"May kaibigan ho ako. 'Yong kausap ko kagabi?" tugon niya pagdaka sa tanong ni Luke. Tinawagan niya kasi si Mayette upang ipaalam dito na kinabukasan na siya makakauwi. Batid niya kasing mag-aalala ito. Tiniyak niya rin dito na nasa mabuti siyang kalagayan at magpapaliwanag na lamang siya rito pagkauwi. "Siya ho ang kasa-kasama ko kapag tumutugtog ako sa Frazier's. Nagkataon lang ho kagabi na may emergency sa bahay nila kaya hindi niya ako nasamahan. Pero parati naman ho siyang nariyan para sa akin."

"Matanong ko lang, at huwag mo sanang mamasamain. Ikaw ba'y may nobyo?"

Ikinangiti niya ang tanong sa halip na ikailang. "Wala hong nagtiyaga no'ng normal pa ang paningin ko. Ngayon pa ho kayang may diprensya ang mga mata ko?"

Hindi na lamang niya binanggit ang tungkol kay Orlando Sia. May palagay siyang sa sandaling makahanap ng ibang prospect ang lalaking iyon ay magsasawa rin ito sa pangungulit sa kanya.

"Sa ganda mong 'yan?" tila hindi kumbinsidong dugtong pa ng nakatatandang lalaki. "Parang hindi kapani-paniwala."

"Maniwala ho kayo," aniyang binuntutan ng maikling tawa. Pagkuwa'y may naalala siyang itanong. "E, si...B-Boris ho—er, ibig kong sabihin si Mr. Javier. Nasaan ho ang girlfriend niya? O may asawa na ba siya? No'ng hindi niya bitiwan ang kamay ko kagabi habang parang nagdidiliryo siya ay naisip kong baka napagkamalan niya akong 'yong girlfriend niya kaya hinayaan ko na lang hanggang sa kumalma siya. Kaso nakatulog ho ako sa tabi niya."

"Wala siyang girlfriend. Ikakasal na sana siya kaya lang...hindi sumipot ang bride sa araw ng kanilang kasal."

Oh. May history pala si Mr. Grouchy, naisaloob niya. Hindi na siya magtataka kung natural na rito ang parating nakaangil que may dinaramdam man ito o wala. Sawi kasi sa pag-ibig.

Boris Javier (Forever and Always)Where stories live. Discover now