- xx -

573 26 3
                                    





Nagsisinungaling ang asul na langit. Maling mali ang kulay nito.

Dapat siguro ay itim, gaya ng makulimlim na mundo mula sa mga mata ni Lax. Sa harap niya, idinadaos ang unang Pagpaparusa sa kanyang pamamahala. Ang dalawa niyang lingkod kawal ay magiting na nakatayo sa harap ng nakagapos niyang kaibigan. Sa baba ng platform nakaupo ang mga opisyal at mahahalagang tao ng kaharian, pati na ang mga camera na magbo-broadcast sa lahat ng tao ng mangyayari.

Pinigil niya ang mga luha habang patuloy na nagtatalumpati tungkol sa kapayapaan, sa pagdadala ng hustisya, sa pagsupil sa kalaban. Kung may natitira siyang pakialam kay Naven, wala iyon sa boses niya. Isinunod niya ang paglilinis ng pangalan ni Ninette-- na walang anumang koneksyon sa pamilya nina Iris bukod sa pagiging isang ampon. Na wala siyang dugo ng Sinumpa sa kanyang ugat. 

At huli, pinatawan niya ng parusa ang halimaw sa harap niya.

Si Naven.

Blanko ang mga mata nito habang nakaluhod, mga kamay ay nasa likod at nakagapos. Walang buhay sa mga iyon. Wala siyang imik magmula pa nung ikinulong siya kagabi at sinundo kaninang umaga. Siguro'y nawala na rin kasi ang lahat sa kanya.

"-ngayon, ay pinapatawan ng kamatayan ang Sinumpang ito bilang kabayaran sa lahat ng nasawing buhay-"

Sa gilid ng entablado ay naka-presenta ang mga litrato nina Astrid, Dalia at Cixi na napapalibutan ng mga bulaklak. Patuloy na nagtalumpati si Lax at nang matapos ito ay sumigaw ang lahat ng mga tao bilang suporta sa kanyang desisyon. 

Lahat ng mga kamatayan, pati na ang kay Val at sa mga alagad nito ay ipinatong ni Lax sa balikat ni Naven. Pakiramdam niya ay babaliktad ang sikmura niya. Ang mga taong ito na walang kaalam-alam sa buhay ng kanyang kaibigan. Sa buhay ng mga Sinumpa. Walang alam ngunit kung tingnan nila si Naven ay pinatay nito ang buong pamilya nila.

Bumalik sa trono si Lax at naupo kasabay ng paggalaw ni Rowan. Bumunot ang lingkod-kawal ng espada at itinutok sa batok ni Naven. "Mga huling salita?"

Hindi umimik si Naven.

Umaasa si Lax na sana. . . sana may mangyari.

May mangyari upang wag matuloy ang lahat ng ito. Masyado nang masakit. Masyado nang naghirap si Naven. At galit na galit siya sa sarili niya dahil wala siyang magawa upang tulungan ang kaibigan. 

Bumalik ang mga ala-ala niya kagabi.

Nang magising siya sa pagkakahimlay pagkatapos ng engkwentro kay Iris ay nanginginig siyang tumayo. Sa gilid niya nakita ang nakatalikod na si Naven, kalong si Iris habang humihikbi. Agad nagising ang kanyang diwa at maingat na lumapit.

Mas lumalakas ang tunog ng iyak ni Naven nang makalapit siya. Hinanda niya ang sarili sakaling tangkain din ng lalaki na patayin siya. Walang imik, tinapik niya si Naven sa balikat at doon niya na nakita-

Ulo lamang ni Iris ang nasa dalawang kamay ni Naven, hiwalay na sa katawan nito na nakahiga sa harap nila. Muntik nang masuka si Lax. Sa segundong tinapik niya si Naven ay galit itong humarap saka kinuha siya sa kanyang leeg at sinakal. Ngunit nakita ni Naven si Lax.

Nawala ang galit sa mukha niya.

Napalitan ng pagkalito. Saka unti-unting nalukot na parang papel.

"Naven-"

Bumagsak ang kaibigan niya sa kanya at umiyak, humagulgol, sumigaw. Niyakap siya ni Lax na puno ng pagkalito. "Patay na siya. Pinatay ko siya. Pinatay ko..." Isang paulit-ulit na pag-amin. Ngunit ang nakikita lang ni Lax ay ang katawan ni Iris sa sahig.

"Patayin mo na ako."

Hindi makaimik si Lax. Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya.

"Naven," bulong niya.

"Patayin mo na ako!" Inalog siya ni Naven sa balikat. Pagsusumamo. Pagmamakaawa. "Ayoko nang mabuhay. Tuparin mo na ang pangako mo! PATAYIN MO NA AKO!-"

Naramdaman ni Lax ang isang luhang tumulo habang siya'y nakaupo.

"Sa ngalan ng Hari," anunsyo ni Rowan habang itinataas ang espada. Taimtim ang mukha nila ni Haki at wala pa ring imik si Naven. "Tanggapin mo ang iyong kaparusahan."

Hindi siya maaaring magkamali.

Bago mahiwa ng espada ang ulo ni Naven, nakita ni Lax ang isang ngiti sa labi nito. Isang ngiti ng pagkakuntento. Ng pasasalamat sa pagtupad sa kanyang hiling. Kahit pa kapalit nito ay ang konsensya ni Lax at mga gabi ng dapat sana'y mahimbing na tulog. Saka pinanood niya ang puting uniporme ni Rowan na malagyan ng pulang dugo at ang pagtataas ng kamay ng mga tao.

Ang mga nakakabinging sigawan.

Ang mga pagsigaw ng kanyang pangalan.

Mabuhay ang Hari!

Mabuhay ang Kaharian!

Mabuhay ang Paraisla!

Lingid sa kaalaman nila na ang hinahangaan nilang Hari ay isang huwad. Dahil tulad ng walang buhay niyang kaibigan sa semento...


"Kamahalan."


Mukha ni Adam. Naalala niyang kausap niya si Adam kagabi. Hawak nito ang isang kwaderno. Seryoso ang mukha.


"Isa kang Sinumpa."


Nais niyang matawa. Kaya pala sa lahat ng galos at sugat na malalim na kanyang natamo, kahit halos maubusan na siya ng dugo, nabuhay siya. Magmula pa noon. Sa kahit sinong kalaban. Nabuhay si Lax sa kabila ng lahat. 

Patuloy ang kasiyahan ng mga tao. Patuloy ang pagbubunyi. Nalunod si Lax sa mga kasinungalingan at sa ingay.


Isa kang Sinumpa.


"Mabuhay ang Paraisla!"


───────⊹⊱✙⊰⊹───────

───────⊹⊱✙⊰⊹───────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Paraisla II: KalahatiWhere stories live. Discover now