- 16 -

686 30 4
                                    





Wala nang sigla si Cixi nang makarating ang tren sa Paraisla. Bukod sa niloko siya ni Naven sa pagsama sa kanya, isa pa sa nagpalungkot sa kanya lalo ay ang kagustuhan niyang makasama pa nang mas matagal ang lalaki kahit pa sinaktan siya nito. 

Ginamit lang siya. Ginamit lang.

Bumagal ang takbo ng tren, senyales na titigil na ito. Maghapon niyang isinandal ang ulo sa bintana kaya't medyo masakit ito nang lingunin niya ang istasyon. Kumunot ang noo niya. Madaming mga kawal ang naghihintay sa babaan. "Anong nangyayari?"

Nang tumigil ang tren ay namamanhid na ang kanyang binti. Hindi pa siya nakakatayo ay narinig na niya ang pagpasok ng mga kawal sa loob kasabay ng pagbaba ng mga pasahero. Nagulat na lang siya nang isa sa kanila ay hinila siya sa braso. "H-Hoy! Ano sa tingin mo ang iyong gina-"

"Sumama ka sa'min, Prinsesa. Madaling paraan o mahirap, ikaw ang pumili."

Bumuka ang bibig niya upang sigawan sila ngunit hinila na siya ng mga kawal pababa na parang hindi prinsesa. "Bitawan niyo nga ako! Ano ba!" paulit-ulit niyang sigaw pero walang nakikinig. Hindi ba't pinaghahanap ako ng palasyo? Ito ba ang pambungad nila sa isang nawawalang Prinsesa?!

Hawak pa rin siya ng mga kawal nang makababa at hindi niya inaasahan ang taong sasalubong sa kanya.

"Sa wakas," ngiti ni Val. "Narito na rin ang minamahal na Prinsesa."

"Anong ibig sabihin nito?!" sigaw ni Cixi at nagkukumawala sa mga kawal.

Sa isang eleganteng galaw ay kinuha ni Val ang baba ni Cixi at inilapit sa kanyang mukha. Napakababa ng tono ng boses nito at tumaas ang balahibo ng prinsesa sa galit na nakapaloob dun. "Ikaw... Napakasuwail mo talagang bata. Magmula pa noon, lagi mo na lang sinisira ang mga plano ko." Humigpit ang hawak niya, ang mga kuko ay bumabaon sa balat ni Cixi. "Kung hindi ko lang kailangan i-anunsyo sa broadcast na ligtas ka na ay matagal ko nang nilagyan ng pasa ang mukha mong iyan."

Inilayo ni Cixi nang marahas ang mukha. "Hindi mo iyan gagawin! Si Kuya-"

"Ang mahal mong kuya," diin ni Val. "ay pyesa na lamang sa aking laro. Ako ang tunay na Hari dito. Ako ang masusunod. Kaya kung gusto kitang bugbugin, gagawin ko ang gusto ko."

Namayani ang galit sa dalaga bago ang pagkalito sa mga sinasabi ni Val. "Bakit mo ba ginagawa 'to! Anong kasalanan ko sa'yo?!"

"Oh, alam mo ang kasalanan mo sa'kin. Ninakaw mo sa'kin ang laruan ko."

At doon na nagtagpi-tagpi sa utak ni Cixi ang lahat-kung bakit nakagapos si Naven sa maduming kwarto na iyon, kung bakit binibisita siya ni Val tuwing gabi, ang mga nakakabinging sigaw, ang kagustuhang tumakas ni Naven. "Wag mong sabihing..."

"Oo, at pwede kitang parusahan sa pagtulong mo sa kanyang tumakas."

Lumawak ang ngiti ni Val habang nakatitig sa mga mata ng prinsesa.

"S-Sino ba siya?" natatakot na bulong ni Cixi, kahit alam na ang sagot.

Si Naven. Ang dating Prinsipe ng mga halimaw na uhaw sa dugo, ngunit ang kaparehong taong ngumiti at nakasama niya nang ilang araw.

Paraisla II: KalahatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon