- xix -

488 24 2
                                    





"S-Sino ka?!" nahintakutang tanong ni Hyden habang nakasalampak sa sahig. Sa likod ni Naven ay pila ng mga katawan ng kapwa niya myembro ng Konseho. Lahat sila'y patay na at walang puso. Halos matawa si Naven sa katotohanang iyon.

Ang mga walang puso ay wala nang puso.

"Halimaw! Lumayo ka sa'kin!" sigaw ng nanginginig na pinuno ng Vena, nakatutok ang baril kay Naven na ngumunguya ng puso. Bumaril siya.

Ngunit hindi man lang pinansin ni Naven ang bala na bumaon sa kanyang templo. Sa ilalim ng liwanag ng buwan sa walang ilaw na kwartong iyon, mukha na siyang halimaw tulad ng sinasabi ng lalaki sa kanya. Itim-asul na buhok at nagniningning na pulang mga mata. Ang lenses niya, matagal nang natanggal kanina sa labanan dahil sa mga balang pinaulan sa kanya.

Ngayon wala na siyang maramdamang sakit dahil sa pag-uumapaw ng lakas na matagal niyang inayawan. Inihilig niya ang ulo sa kaliwa at nalaglag ang bala sa sahig.

"Kanina pa ako naiinis," sambit ni Naven habang nakatingin sa pusong hawak niya. "Lahat ng natikman ko ay mapapait. Puno ng kasakiman. Isang napakasamang lasa." Tumingin siya sa mga takot na mata ni Hyden. "Sabihin mo, matamis ba ang iyo?"

"Parang awa mo na-- Kahit magkano. Kahit magkano! Babayaran kit-"

Nakita na lang sa anino ang pagtagos ng kamay ni Naven sa leeg ng lalaki. Pababa sa dibdib nito. Lumapat ang dugo sa dingding. At nang kumagat siya sa mansanas ng buhay, nalaman niya ang sagot. Sumimangot siya.

"Katulad ka din ng iba."

Naging mabilis ang mga hakbang niya palayo sa lugar na iyon. Madilim na ang buong palasyo. Wala na ang kuryente. Kung bakit ay hindi niya alam. Ngunit kailangan niya nang makita si Iris. Kung hindi si Iris ay kailangan niyang makita ang lalaking nagparusa sa kanya sa mahabang panahon.

Anim na taon. Ang lalaking nagbigay ng buhay impyerno sa kanya sa loob ng anim na taon. Kailangan niyang harapin si Val bago siya umalis.

Napatigil siya sa tapat ng isang pintuan.

Nakabukas ang pintuan at amoy niya ang isang napakabangong amoy. Napakabango. At napakasarap. Nagkaroon siya ng masamang kutob nang tumibok ang puso niya sa kaba. Unti-unti siyang pumasok.

At saka niya nakita ang pinagmumulan ng napakabangong dugo.

"Hindi."

Hindi na makilala ang mukha nitong maganda. Ang labi nitong ngumiti sa kanya. Ang mga matang nag-alala at naawa sa kanya.

Umusbong ang mga luha niya sa unang beses ng gabing iyon. Nanginig ang mga kamay niya. Puno ng hinanakit ang boses ni Naven. "Sinong gumawa nito sa'yo?"

Napaluhod siya sa tabi ng katawan ni Cixi.

"Cixi..."

Inalala niya lahat. Ang araw ng unang pagkikita nila. Kung paano siya tinulungan nito. Kung paano siya nilayo sa lahat ng panganib upang makita lang si Iris muli. Ang mga ngiti nito. Kung paano niya ito iniwan sa istasyon ng tren. Ang pagtawag ni Cixi sa pangalan niya kahit hindi niya marinig. Iyon na pala ang huling sandaling makikita niya ang prinsesang buhay.

At nang dumako ang paningin niya sa isa pang katawan sa sahig ay naramdaman niya ang galit na kaytindi. Ngunit hindi siya makagalaw. Patay na si Val. Pakiramdam niya'y mababaliw siya. Gusto niyang maghiganti, pero patay na ang taong paghihigantihan niya.

Kaya tumawa siya.

Umalingawngaw ang tawa niya habang tumutulo ang mga luha niya.

"Huli na," bulong niya. "Huli na ang lahat."


───────⊹⊱✙⊰⊹───────

───────⊹⊱✙⊰⊹───────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Paraisla II: KalahatiWhere stories live. Discover now