- xviii -

558 29 8
                                    





Itinulak si Eufy at Lianne papasok sa maalikabok na tambakan sa dulo ng isang pasilyo. Napahandusay sila sa semento at bilang pagprotekta kay Lianne, hinayaan ni Eufy na siya ang pumailalim. Gumasgas ang tuhod niya sa magaspang na sahig at kumagat siya ng sigaw. 

Galit na tumayo si Lianne. "Magbabayad kayo pag nakaalis kami dito!"

Tinawanan siya ng mga kawal. "At sinong gagawa nun ha? Yung ama mo?"

Mabilis na pinahid ni Lianne ang mga luha sa mata. "Oo! Paparusahan niya kayo sa ginagawa niyo sa'kin!"

"Lianne, tama na..." naiiyak na inabot ni Eufy ang kamay ng kapatid, ngunit tinabig lang siya nito.

Lumuhod ang isang kawal sa harapan ni Lianne at mapangutya niyang ginulo ang buhok nito. Nalaglag ang tiara sa semento. "Ang ama mong hari ay mamamatay ngayong gabi."

Puno ng galit ang mga batang mata ng prinsesa. "Ano?"

"Kapag nadakip na ang dalawang Sinumpa," pagpapatuloy ng lalaki. "Palalabasin ng palasyo na pinatay ng mga ito ang iyong ama. At pagkatapos, iyan-" turo nito sa tiara sa sahig "-at iyan-" turo nito sa magarang bestida ni Lianne "-ay kukunin sa'yo nang sapilitan. Hindi ka na magiging prinsesa."

Hinarangan ni Eufy si Lianne at sinamaan ng tingin ang lalaki. "Lumayo ka sa'min!"

Tumayo at nagpagpag ng damit ang kawal saka tumawa. "Kung iyan ang nais niyo, Prinsesa." Umalingawngaw ang tawanan ng iba bago tuluyang isara ang pinto at kandaduhan. Nilamon silang dalawa ng dilim at tanging liwanag lang ng buwan mula sa maliit na bintana ang kanilang tanglaw. Pinulot ni Eufy ang tiara ni Lianne at inabot ito sa kanya.

"Ang tiara mo-"

Tinabig ni Lianne ang kamay ni Eufy at tumalsik ang tiara sa pader. "Hindi 'yan ang gusto ko!" Tuloy-tuloy ang pagluha ng bata. "Si ama. Anong gagawin nila sa kanya? Hin... Hindi naman nila gagawin yung sinabi nila diba?" Nang hindi sumagot si Eufy ay niyugyog niya ito sa balikat. "DIBA?!"

Hinila siya ni Eufy sa isang yakap. "Walang mangyayaring masama." Lumunok siya upang mawala ang bara sa kanyang lalamunan. "Hindi nila sasaktan ang Hari, Lianne. Maniwala ka."

Napaupo sila sa sahig at hinayaan ni Lianne na patahanin siya ng kapatid.

Hanggang sa nakarinig sila ng ingay sa labas-- sigawan at kalabog-- at saka tumahimik. Kumapit sila nang mabuti sa isa't-isa, inaabangan ang susunod na mangyayari. Kalampag ng bakal. At saka bumukas ang pinto.

"Prinsesa Lianne!"

"Dalia!" Agad na tumayo si Lianne at niyakap ang bewang ni Dalia, ang kanyang lilang kapa ay nabahiran ng dugo, ngunit si Eufy lang ang nakapansin nun, pati na ang mga katawan na walang buhay sa likuran niya na pagmamay-ari ng mga kawal.

Hinawakan ni Dalia ang kamay ni Lianne at saka napatingin kay Eufy na parang ngayon lang niya napansin. "Eufemia," mariin niyang tawag. Nabali ang pagkatulala ng bata sa mga patay na katawan at sumunod sa lingkod-kawal palabas ng maduming tambakan.

Tumakbo sila sa mga pasilyo. Paminsan-minsan ay nagtatago mula sa mga kawal na papunta sa ibang direksyon. Ipinaliwanag ni Dalia ang nangyayari sa simple at hindi marahas na pamamaraan. 

Ligtas ang Hari. Dadalhin ko kayo sa ligtas na lugar. May kaguluhan sa labas pero maaayos din ito. Wag kayong gagawa ng ingay. Konti na lang at makakalabas na tayo.

Nahirapan si Eufy na sumunod sa mahahabang hakbang ni Dalia. Hinihingal na siya at medyo napapalayo na dala ng pagsakit ng sugat niya sa tuhod. Kaya't nagulat na lang siya nang abutin ni Lianne ang kamay nito sa kanya. Masaya niya itong kinapitan upang hindi sila maghiwalay.

Ngunit pag-abot nila sa isang intersection ng mga pasilyo-- isang malaking bilog na dome-- ay nakatayo ang isang babae sa gitna kaya't napatigil si Dalia. Nakatalikod ito mula sa kanila at nakaharap kay Haki na hinihingal sa paghabol dito.

Unti-unting humarap ang babaeng may maikling itim na buhok sa direksyon nina Dalia. Pinagmasdan ni Eufy ang mukha nito. Gayundin si Danae sa kanya. Tila tumalon ang puso nilang dalawa sa pagtatama ng tingin. Sumigaw si Iris sa loob-loob ni Danae.

Sobrang lakas. Sobrang lakas na halos nawalan ng kontrol si Danae. Naibulalas niya ang isang salita na hindi napigilan.

"Anak."


───────⊹⊱✙⊰⊹───────

───────⊹⊱✙⊰⊹───────

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Paraisla II: KalahatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon