Nag-angat ito ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata. Pinigilan ni Ninette na maluha. Hindi talaga siya masasanay.

"Dinalhan kita ng makakain," pinilit niyang lagyan ng saya ang kanyang boses.

Sinundan lamang siya ng tingin ni Danae habang naglalakad siya papunta sa harap ng kanyang ate. Ilang yarda siyang tumigil at nilapag ang basket sa sahig, saka ito tinulak papunta sa nakagapos na babae. Nanlaki ang mga mata ni Danae nang maamoy ang langsa at sinunggaban ang lalagyan. Saka gutom na gutom na nilasap ang karne, ang dugo'y kumakalat sa kanyang kamay.

Ngunit napatigil siya, at saka dinura ang kanyang nginunguya.

"Ano 'to?!" sigaw niya, galit sa kanyang boses.

"Karne ng baka, Ate-"

Hinambalos ni Danae ang basket palayo sa kanya. "Ayoko nito! Ayoko!"

"Ate Dan-"

"Diba sinabi ko na sa inyo?! Ayoko ng ganitong karne! Ibigay niyo sa'kin ang kailangan ko!" Inulit niya iyon ng maraming beses na pasigaw. Ngunit dahil sa mga gapos niya, hindi siya makapagwala kahit gusto niya. Niyakap niya ang katawan at umiyak at humagulgol. "Ibigay niyo ang kailangan ko... Parang awa niyo na."

Pakiramdam niya'y mababaliw siya kapag hindi niya natikman ang dugo...ang laman...ang karne ng isang katulad ni Ninette.

Sinabunutan niya ang sarili at umiyak. Meron pa rin sa loob niya na pumipigil, nagsasabing hindi iyon dapat, hindi iyon tama.

Pero masarap, isip niya. Naalala niya ang unang beses na makakain siya nito. Kaysarap nguyain, kay lambot ng taba, umaapaw ang sarap sa kanyang dila.

Pero tao ka, isip din niya, hindi ka dapat kumakain ng kapwa mo.

Nagpabalik-balik ang tingin ni Danae sa karneng nasa sahig at sa lumuluha niyang kapatid. At doon, nagkaroon siya ng ideya. Isang ideyang lagi niyang naiisip sa tuwing bibisita si Ninette sa kanya. Ngumiti siya nang malawak.

"Ninette," mahina niyang sabi. Tumingin sa kanya ang kanyang kapatid.

"Bakit ate?" Pinunasan niya ang kanyang mga luha.

"Bakit hindi na lang ikaw ang kainin ko?" Tumawa si Danae. "Bakit hindi na lang ikaw?"

Tumalikod agad si Ninette dahil baka humagulgol siya kapag nakita pa niya ang ate niyang ganito. Hindi pa rin siya makapaniwala. Akala niya'y pagkatapos ng Pagkalap, makakasama niya ang ate niya at pagku-kwentuhan nila ang mga nangyari sa loob ng palasyo. Ngunit gumuho lamang ang lahat.

At ginawa ni Ina ang lahat para matabunan ang bangungot na iyon.

Akala ba niya'y kapag pinalitan niya ang pangalan ni Ate, mas gagaan ang loob naming lahat na ikulong siya dito sa maliit at mabahong basement?

Akala ba niya kapag pinutol niya ang mahabang buhok ni Ate na dati'y iniingatan niya ay mabubura ang imahe ni Ate Iris sa mga isip namin?

Lahat ng iyon ginawa ni Ina para isiping ibang tao ang babaeng nasa likod ko ngayon. Pinaniwala niya ang lahat na patay na si Ate.

Pero, hindi Ina.

Hindi nagbabago na siya pa rin si Ate Iris.

Pumuslit siya ng isa pang tingin sa nakagapos niyang ate bago umakyat. Nagtama ang kanilang mga mata. Ang mga mata niyang simbolo ng lahat ng pagbabago.

Kaliwang mata'y lila.

Ang kanan nama'y pula.

Ito ang sinabi ni Henrieta sa'min maraming taon na ang nakakalipas: Na sinira ni Naven, ang lalaking inibig ni Ate, ang sistema niya dahil sa pagbubuntis. Sinira ng dugo niya ang dugo ni Ate– parang isang malinaw na lawang tinambakan ng itim na kemikal.

Sira. Sira na si Ate Iris. Parang isang manikang hindi na mapaglaruan.

Ganun na lang ba iyon?

Siguro'y tama si Ina. Patay na nga si Ate Iris. Isang napakagandang rosas na ngayo'y tuyot na at iniwan na lang upang mamatay mag-isa.

Mabilis siyang umakyat palayo sa lugar na iyon.


───────⊹⊱✙⊰⊹───────

───────⊹⊱✙⊰⊹───────

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Paraisla II: KalahatiWhere stories live. Discover now