Kabanata 21

2 0 0
                                    


Pluma

"Huwag kang maingay, dito ka muna. Mapapagalitan ako ni ama kapag nalaman niyang may kasama akong lalaki nang ganitong oras." sabi ni Luisiana.

Naestatwa na lamang si Constantino nang isarado ni Luisiana ang pintuan. Madilim ang buong silid ngunit kita niya ang isang malaki at malambot na kama. Mayroon itong katabing lamesa na maliit na may salamin. Maraming alahas na nakapatong dito. Napansin niya rin na may nakasabit na saya malapit dito. Naalala niyang ito ay saya ni Luisiana kung kaya't napagtanto niyang nasa loob siya ng silid ng dalaga.

Nanlamig ang kanyang batok dahil alam niyang maling pasukin ang silid ng isang dalaga. Inilagay na nila lamang ang dalawang kamay sa kanyang mga bulsa upang pigilan ang sarili na humawak ng kahit ano. Naisip niyang baka may mawala pa na gamit dito at mapagbintangan pa siya.

Tahimik siyang naglakad-lakad sa paligid at pinagmasdan ang buong silid. Madilim ngunit naaaninag niya ang lugar dahil bukas ang bintana at sumisilay ang liwanag mula sa buwan. Nadadala rin ng malamig na hangin ang kurtina.

Nagtungo siya sa lamesa malapit sa bintana. Nakita niya ang isang kwaderno at pluma sa ibabaw nito. Hula niya ay talaarawan iyon ng dalaga. Sinubukan niyang basahin ang nga nakasulat doon ngunit parang sumasayaw ang mga titik.

"Tuturuan din kita!"

Naalala niya kung gaano kaliwanag ang mga mukha ni Luisiana nang sabihin niya iyon. Napangiti siya dahil doon niya napagtanto na napakabusilak ng puso ni Luisiana.

Sa totoo lang ay hindi na siya interisado pang matutong magbasa at magsulat ngunit parang nagkaroon siya ng pag-asa dahil kay Luisiana.

Naisipan niyang umupo roon at hawakan ang pluma na para bang umaakto siyang nagsusulat. Lumawak ang kanyang mga ngiti dahil mukhang may bago na siyang pangarap.

May nakita siyang isang papel na walang kahit anong sulat. Gamit ang hawak niyang pluma ay iginuhit niya ang magandang mukha ni Luisiana. Nahihirapan man siya dahil madilim ngunit tinapos niya ang pagguguhit.

___________________***____________________

"Bakit ka tumatawa?" nagtatakang tanong ni Dante kay Luisiana.

Tumikhim si Luisiana at hininto na ang pagtawa. "Wala po, ama. Bigla ko lang naalala ang mga biro nila Guadalupe kanina." muling pagpapalusot niya ngunit ang totoong dahilan ay dahil nainuman ng kanyang ama ang tsaa na nailuwa na ni Constantino.

Biglang naging seryoso ang mukha ni Dante. "Alam kong palagi kayong magkakasama ng anak nila Ascenso, ngunit dapat kayong mag-ingat. Maraming masasama ang loob ngayon sa bayan at ayaw ko kayong mapahamak."

Natahimik naman si Luisiana at napayuko. "Opo, ama."

"Mamamahinga na ako, matulog ka na." ani Dante at naglakad na ito patungo sa silid nila ni Doña Clementina.

Nakahinga na nang maluwag si Luisiana. Napasenyas na lang ng krus si Luisiana at napadasal na sana ay mapatawad siya ng Diyos sa nagawa niyang kasinungalingan sa harap ng kanyang ama para lang maitago si Constantino sa kanyang silid.

Dalian na siyang nagtungo sa kanyang silid at dahan-dahang binuksan ang pinto nito. Nagulat siya nang makitang wala na roon si Constantino. Agad siyang pumasok sa silid at nilibot ito ngunit wala ni isang anino siyang nakita.

Napansin niyang may isang papel na nakatapatong sa lamesa. Kanyang hinawakan iyon at nakita niya ang kanyang sarili na nakaguhit.

Napansin niya rin na lumawak ang pagkakabukas ng bintana. Agad siyang dumungaw rito at nakita na niya si Constantino na malayo na ang nalakad patungo sa gubat, ang dalawang kamay nito ay nakalagay sa bulsa. Napagtanto niyang tinalon na ni Constantino ang bintana mula roon patungo sa hardin.

The Beast from 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon