Kabanata 17

6 0 0
                                    


Luisiana

"Hindi kita nakilala, Valeria!" sigaw ni Hilda nang pumasok sa loob ng kubo si Valeria.

"Napakaganda ng iyong damit. Galing ka rin ba kay Señora Sergiana?" tanong naman ni Flora.

Tumango lamang si Valeria at ngumiti. Pinalibutan siya ng mga kababaihan sa kubo at pinagmasdan ang damit niyang may katumbas na malaking halaga.

"Narinig namin ang nangyari sa inyo ni Señor... ayos ka lang ba?"

Tumango ulit si Valeria. "Nagpapasalamat ako kay Señor. Kung hindi dahil sa kanya baka nabagsakan na ako ng kahoy sa ulo."

Napasinghap ang mga kababaihan sa narinig. Ang iba naman ay kinilig sa sinabi ni Valeria. Sabay-sabay na silang naghapunan ngunit napansin ni Valeria na wala roon si Felicia.

"Nasaan nga pala si Felicia?" tanong niya sa kasamahan.

"Ah, nagmamadaling pumasok kanina sa mansyon nang marinig na naroon daw si Señor Franco sa loob." sabi nito.

Pinag-uusapan pa lamang nila si Felicia ay bigla na itong dumating at pumasok sa loob ng kubo. Maiglas na ito at nakangiti pa habang naglalakad.

"Bakit ka lumabas, Felicia? Dapat namamahinga ka lang sa loob." sabi ni Valeria nang lumapit sa kaibigan.

"Nakita ko si Señor Franco!" masigasig nitong sabi at umikot-ikot sa tuwa. Ang suot niyang bestidang pantulog ay sumabay sa kanyang paggalaw.

Natawa si Valeria nang makita ang reaksyon ng kaibigan. Sabay na silang dalawa na naghapunan at panay ang kwentuhan. Nasabi rin ni Valeria kay Felicia na magkaibigan sila ni Franco noong mga bata sila kung kaya't lalong natuwa si Felicia.

Naging mahaba ang araw ni Valeria kung kaya't pagsapit ng gabi ay wala na siyang ginawa kung hindi ang mamahinga at matulog. Ngunit habang natutulog ay nababagabag siya ng konsensya dahil sa nangyari kay Alendro.

________________***________________

"Maligayang pagbabalik, aking unica hija." mainit na yakap ang sinalubong sa kaniya ni Clementina.

"Salamat po, Ina." sagot ni Luisiana.

Naupo silang dalawa sa mahabang kama ni Luisiana. Gamit ang suklay na gawa sa pilak ay sinuklayan ni Clementina si Luisiana tulad noong mga panahon na bata pa si Luisiana. Iyon ang paborito niyang ginagawa ng kanyang ina sa kanya.

"Kumusta ka na po, ina?"

Ngumiti si Clementina. "Wala pa rin nagbago sa akin anak. Katulad pa rin ng dati."

"Nag-aaway pa rin ba kayo ni ama?"

Nawala ang ngiti ni Clementina at bumuntong hininga. "Hindi naman madalas, huwag ka mag-alala, Luisiana."

Nang naramdaman niyang nalungkot si Clementina sa kanyang tanong ay iniba niya ang pag-uusapan. "Ina, narinig ko po kanina kay Inang Soleng na kayo ay pupunta kila Paciencia. Maaari ba akong sumama?"

Si Paciencia, Valentina at Guadalupe, mga kaibigan ni Luisiana magmula pa pagkabata. Sa kanilang apat ay tanging siya lamang ang napahiwalay at nag-aral sa Maynila.

Ang makita rin muli ang kanyang mga kaibigan ang isa sa kinasasabikan ni Luisiana.

"Maaari rin po ba akong sumana sa inyo?"

Umiling si Clementina. "Hindi na kami tutuloy, naaksidente ang aming bisita."

Kumunot ang noo ni Luisiana. "Bisita?"

"Hindi mo pa nga pala nakikilala si Alendro. Bisita siya ng iyong ama. Dito muna siya sa ating tahanan mamamalagi ng ilang buwan habang nag-aayos ng negosyo nila."

The Beast from 1890Where stories live. Discover now