Kabanata 14

4 0 0
                                    


Diwata

"Hindi ba't sinabi ko na sa iyo? Huwag kang papasok sa aking opisina! Ilang beses ko bang sasabihin iyon sa iyo?" nanlilisik ang mga mata ni Mariano habang hawak sa kwelyo ang pitong taong gulang na si Franco.

Pilit na pinipigilan ni Franco na hindi tumulo ang kanyang luha. Hindi niya nais ipakita sa kanyang ama na umiiyak siya.

"Tama na, Mariano! Nasasaktan ang bata!" pag-awat ni Dolores sa kanyang asawa.

Padabog na binitawan ni Mariano si Franco kung kaya't napaupo ito sa sahig. Daliang tumakbo patungo sa kanyang silid si Franco at isinarado ang pintuan. Tumingala siya upang hindi tumulo ang mga luha niya sa mata.

Mayroon kasing mga bisita na negosyante ni Don Mariano at pinapunta niya ito sa kanyang opisina. Akala ni Franco ay ang kanyang ama lamang ang tao roon kung kaya't pumasok siya. Agad din naman siyang lumabas nang makitang may iba pang tao roon at dahil doon ay napahiya si Mariano sa mga bisita. Nasa gitna kasi sila ng importanteng pag-uusap nang dumating si Franco. Nang makaalis ang mga bisita ay daliang pinagalitan ni Mariano ang batang si Franco.

Naririnig niyang nagtatalo ang kanyang mga magulang sa labas ng kanyang silid. Napaupo siya sa isang sulok habang tinatakpan ang tenga. Naisip niyang umalis na lamang at tumakas sa kanilang mansyon. Dalian niyang kinuha ang kanyang kwaderno at pluma. Sinuot niya ang kanyang sumbrero at dahan-dahang sumampa ng kanyang bintana. May katabing puno ang kanyang bintana kung kaya't tinalon niya ang isang sanga ng puno. Mula roon ay dahan-dahan siyang bumaba sa lupa.

Tanghaling tapat, mainit ang tirik ng araw ngunit mag-isang tumatakbo si Franco palabas ng hacienda. Wala siyang nais puntahan. Nais niya lamang makaalis doon.

Nakakita siya ng isang karwahe na may lamang mga gulay at palay. Sumakay siya sa likod noon nang hindi nakikita ng ibang tao na nasa bayan. Nagtago siya sa ilalim ng mga palay nang maramdaman niya na may sumakay na rin doon.

"Mauna na ako! Mag-ingat kayo!" sigaw ng kutsero.

Naramdaman na ni Franco na umandar ang karwahe na kanyang pinagtataguan. Dahil malayo ang kanyang tinakbo ay nakaramdam siya ng pagod kaya't napaidlip na lamang siya sa karwahe.

Nagising siya nang tumigil na sa pagtakbo ang kabayo. Tumigil ito at narinig niyang bumaba ang kutsero. Dahan-dahan siyang sumilip upang tingnan kung saan siya napadpad. Nakita niya ang lalaking kutsero na pasipol-sipol habang naihi sa may puno.

Dahan-dahan siyang tumayo at bumaba ng karwahe, sinigurado niyang hindi siya maririnig ng kutsero. Nang makababa na siya ay tumakbo na siyang muli paalis.

Hindi siya pamilyar sa lugar. Puro matataas na puno at may katabing palayan ang kalsada. Nakarinig siya ng daloy ng tubig kung kaya't nagtungo siya roon sa ilog.

Naupo siya sa isang malaking bato at namahinga. Inisip niya ang mga nangyari kanina. Bumalik din sa isipan niya ang galit na itsura ng kanyang ama.

Binuklat niya ang dala niyang kwaderno sa pahina kung saan mayroon siyang isinulat na tula patungkol sa kanyang ama.

"Nais ko lang naman na basahin sa kanya ang tula na aking ginawa, hindi ko naman inaasahan na may mga bisita pala siya."

Pinunit niya ang pahina kung saan nakasulat ang tula. Ginusot niya ang papel at nilagay sa kanyang bulsa. Nagulat siya nang maramdamang may bagay sa loob ng kanyang bulsa. Kanyang kinuha iyon at nakita ang gintong relo na bigay sa kanya ng kanyang ama noong ika-pitong taong kaarawan niya.

The Beast from 1890Where stories live. Discover now