Kabanata 1

18 2 0
                                    


Pilipinas, 1890

Unang pagkikita

"Humawak ka nang mahigpit sa kalesa, Valeria" ani ng manong kutsero sa dalagita.

Agad namang sumunod si Valeria at kanyang hinigpitan ang hawak sa gilid ng kalesa. Hinampas ng kutsero ang kabayo dahilan upang bumilis ang takbo nito.

Walang ibang nararamdaman si Maria Valeria kundi ang pananabik na makauwi sa probinsya. Sakay siya sa isang kalesa na ginagamit na transportasyon ng mga panindang tela sa Maynila. Nagkataon naman na may papauwing kutsero mula sa Maynila patungo sa probinsya, kung kaya't isinabay na siya nito.

Buong byahe mula sa Maynila ay hindi na makapag-antay si Valeria na makitang muli ang kanyang pamilya na halos anim na taon na niyang hindi nakikita. Sobra ang tuwa niya nang mabigyan siya ng pagkakataon na makapagbakasyon ng dalawang linggo dahil kakatapos lamang ng pasko. Tuwing pasko kasi ay talagang dinadayo ng mga tao ang karihan (karinderya) kung saan siya nagtatrabaho bilang serbidora kung kaya't sobra ang pagod niya nang matapos ito.

"Hija, nasa Sandiago na tayo." sabi ng kutsero.

Agad namang idinungaw ni Valeria ang kanyang mukha sa labas ng kalesa upang makita ang malaking arko na may nakalagay na 'Bayan ng Sandiago'. Napangiti siya nang mapagtantong wala pa ring pinagbago ang bayan na kanyang kinalakihan. Dinama niya ang malamig na simoy ng hangin at pinagmasdan ang mga palayan na nadadaanan ng sakay niyang kalesa.

Nag-aagaw na ang liwanag at dilim dahil pasapit na ang gabi.

"Pasensya ka na hija ngunit hanggang dito na lamang kita maisasabay." ani ng kutsero.

Agad namang tumango si Valeria at ngumiti. "Ayos lang po! Nagpapasalamat pa rin po ako sa inyo dahil isinabay niyo po ako nang libre. Huwag po kayong mag-alala, pag uwi ko po ulit ng Maynila ay dadalhan ko po kayo ng kakanin na luto ng aking Lola." masigasig na banggit ni Valeria habang nababa sa sakay na kalesa.

"Mag-iingat ka Valeria! Gabi na at madilim na sa daan. Nawa'y makarating ka nang payapa sa iyong paroroonan." sabi ng kutsero bago muling tapikin ang alagang kabayo upang magpatuloy sa paglalakbay sa kabilang probinsya kung saan siya nakatira.

Kumaway si Valeria sa papalayong kalesa. Nang mawala na sa kanyang paningin ang kalesa ay tumalikod na siya at nagpatuloy na sa paglalakbay. Mabigat ang kanyang dalang tampipi dahil punong puno ito ng mga pasalubong na kanyang dadalhin sa kanyang pamilya. Binilisan niya ang lakad sa pananabik na makita ang kanyang Lola Mercianna. Tanging ang kanyang Lola lamang ang nagpalaki sa kanya dahil siya'y munting ulila na. Siya ang kasama nito hanggang sa siya'y magdalaga. Nang tumuntong siya ng 15 anyos ay pumunta na siyang Maynila upang magtrabaho. Ayaw man siyang payagan ng kanyang Lola ngunit tinuloy niya pa rin upang maabot ang kanyang pangarap, ang pangarap na magpatayo ng sarili niyang kainan na puno ng masasarap na resipi ng kanyang Lola Mercianna.

Habang nagtatrabaho sa karihan ay ginusto rin ni Valeria na mag-aral katulad ng mga kababaihan na anak ng mayaman sa Maynila, ngunit alam niya naman ang kaibahan niya sa estado sa buhay. Tanging mga mayayaman na may estado sa buhay o principalia ang kayang makapag-aral sa mga paaralang itinatag ng mga kastila. Bilang isang pangkaraniwang mamamayang Pilipino, mas kakailanganin niya muna ang magtrabaho upang may maipangtustos ang kanilang pamilya sa araw-araw.

Saglit na napatigil si Valeria dahil nakaramdam na siya ng pagod sa mahabang paglalakad. Ilang kilometrong layo pa ang kanyang lalakbayin dahil nasa plaza pa lamang siya ng Sandiago. Sa liblib na bukid pa nakatirik ang kubo na kanyang uuwian kung nasaan ang kanyang Lola. Wala na rin naman siyang masasakyang kalesa dahil malalim na ang gabi at wala rin naman siyang salapi kung nagkataon. Wala na rin ang mga tao sa paligid dahil nakauwi na ang mga ito sa kani-kanilang mga tahanan dahil oras na rin ng tulugan.

The Beast from 1890Where stories live. Discover now