Kabanata 9

2 0 0
                                    


Lingad

Umandar na ang kalesa na sinasakyan ni Valeria at Alendro. Halos pigilan ni Valeria ang kanyang paghinga tuwing naiisip na katabi niya lamang ang Señor.

Nang pumasok na sa kagubatan ang kalesa ay naalala ni Valeria ang kanyang tampipi. Naiwan niya iyon sa gubat nang gabing dumating siya sa Sandiago. Yung gabing iyon kung saan ay mistulang kulay dugo ang buwan at nakita niya ang pinaniniwalaang halimaw.

Halos dumungaw na sa bintana si Valeria kakalingon sa paligid na dinadaanan ng gubat.

"Mayroon akong kaunting ipon na salapi na aking sweldo sa karihan... at kapag nahanap ko iyon ay maaaring ibayad ko sa plorera ni Don Dante. Hindi man iyon ganoong kalaki ngunit maaaring mabawasan ang araw na aking paninilbihan sa hacienda. Makakauwi na ako nang maaga sa aming tahanan." Nasa isip ni Valeria.

Walang mahanap si Valeria sa direksyon niya kung kaya't nais niyang sa kabilang bintana naman lumingon, kaso nang humarap siya sa kabilang direksyon ay nagulat siya nang makitang naroon nga pala si Alendro kaya't natigil siya at umupo ulit nang maayos.

Nagtataka ang Señor. "Bakit... sa tuwing ika'y aking makikita ay palaging may hinahanap ka?"

Napaisip si Valeria. "Oo nga naman. Siguro ay iniisip ng Señor ay nababaliw na ako."

Pilit na ngumiti si Valeria. "Ah... hahaha ganoon po ba? May nawawala po kasi akong gamit sa gubat. Nagbabakasakali lamang po ako na mahanap ko iyon."

Saglit na natahimik ang Señor bago tumango at nagsalitang muli. "Gusto mo bang ihinto ang kalesa upang mahanap ang iyong gamit?"

Nanlaki ang mata ni Valeria. "Naku! Hindi na po Señor! Hindi ko po gustong makaabala sa inyo. Baka mahuli pa kayo sa inyong lakad."

Tumango lamang ang Señor at hindi na nagpumilit pa. Nanatili namang nakatingin sa kanya si Valeria. Hindi niya kasi maiwasan na pagmasdan ang gilid ng mukha ni Alendro. Kitang kita ang mahabang pilikmata, matangos na ilong at mas depinong panga nito. Nang lumingon sa direksyon niya si Alendro ay si Valeria naman ang umiwas ng tingin.

Ilang segundo lamang ay nakalabas na sila ng gubat. Mahaba-habang lakbay din iyon mula sa bayan. Tagong-tago talaga ang hacienda Salvadore at iilan lamang ang nakakarating doon.

Bumungad sa kanila ang mataong plaza. Hindi mapakali si Valeria na muling tumingin sa bintana upang mapagmasdan ang paligid. Ngayon niya lang muli nakita ang plaza ng Sandiago na masigasig dahil nang umuwi siya rito ay gabi at walang masyadong tao. Katabi ng simbahan ay ang kapitolyo, kung saan namamalagi at nagtatrabaho si Don Dante na siyang alkalde mayor ng bayan.

Buhay na buhay ang mga kalsada. Mayroong mga bukas na tindahan, kainan, panaderyo, tahian at iba pa. Mayroon din silang nadadaanan na mga magagandang bahay na bato. Ngunit ang pinaka sentro ng plaza ay ang malaking simbahan. Katulad ng dati ay palaging maraming tao roon.

"Señor, sa kalye Mañerolo ba muna tayo tutungo?" Tanong ni Constantino.

Sa halip na sumagot kay Constantino ay lumingon lamang si Alendro kay Valeria.

"May kakausapin lang akong tauhan sa Lingad at... saka ka namin ihahatid sa inyo, binibing Valeria."

"P-Po? Hindi niyo na po ako kailangan ihatid, Señor. Ibaba niyo na lang po ako riyan sa may simbahan. Kayang kaya ko na po lakarin patungo sa amin."

Tumawa si Constantino. "Nene, kung lalakarin mo mula sa simbahan, hapon ka pa makakarating sa atin. Pumayag naman si Señor na ihatid ka."

Wala na nagawa si Valeria kung hindi ang tumango at tanggapin ang kahihiyan sa rami na ng nagawang pabor sa kanya ni Alendro.

The Beast from 1890Where stories live. Discover now