Ika-labing dalawang Kabanata (Finale)

14 1 0
                                    

HABANG isinasara ko ang talukap ng aking mga mata. Nasilayan ko kung paano unti-unting nalulusaw katulad ng ice cream ang mga matatandang Tsino. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Ngunit isa lang ang sigurado ko, tapos na ang kanilang pinaniniwalaan. Ito na ang huling kabanata ng kanilang buhay. Nagbabayad na sila sa mga naging kasalanan nila. At ang ikatlong anak ng lahing Tsino ay hindi na mapagkakaitan pa na mabuhay sa mundong ito.

Alam ko na hahantong sa ganito ang lahat. At ang tanging paraan lamang upang mabakli ang gayong paniniwala ay ang pansamantalang kamatayan ng isang pangatlong anak mula sa huling lahi ng pinag-ugatan ng puno't dulo ng lahat na paniniwalang ito. At ito ay tinatapos ko na ngayon.

Alam ko na alam din ito ni Bai.

Kinakailangang maganap ang dapat na maganap upang matapos na ang lahat ng ito.

Ang madilim na silid ay tila walang hanggan ang kadilimang bumabalot. Wala akong maaninag na kahit anong liwanag sa paglalakbay sa mundong wala kang mababanaag na kahit anumang pag-asa, ang pagsuko ang tanging hantungan. Ngunit ayokong sumuko, ayokong habangbuhay na manatili sa lugar na kinalalagyan ko ngayon.

Si Bond at si Bai ang nagsisilbing lakas ko sa kawalang hanggan na paglalakbay sa madilim na mundong ito. Sa tuwing panghihinaan ako na magpatuloy upang hanapin ang pintuan makatakas lamang sa lugar na ito sila ang lagi kong iniisip.

Nagpatuloy ako, ayokong magpahinga kahit nakakapagod na ng husto. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa.

Hindi ako nag-iisa sa madilim na lugar na ito. Marami akong nakakasalubong na tulad ko rin wala rin silang kapaguran sa paglalakbay. Katulad ko lamang sila na hinahanap ang liwanag ng pag-asa na tila napakailap para sa amin na matagpuan ito.

Minsan may mga nakakabunguan ako ngunit walang ibig humingi sa amin ng paumanhin. Pagkunwa'y muli kaming tatayo at magpapatuloy sa paglalakbay.

May mga nadirinig din akong umiiyak dahil sa kawalan ng pag-asa. May mga tumatawang tila nasisiraan ng bait. Walang sinuman ang nagnanais na daluhan sila dahil patuloy lamang sa paglalakbay.

Sa kadiliman may mga naaninagan ka na napakaraming bombilya ngunit hindi ito nagbibigay ng kahit anong liwanag. Marami ang nagtatangka na ito ay sindihan subalit bigo sila. Dahil oras na masilayan mo ang  buong paligid ng madilim na lugar na ito hindi mo nanaisin na manatili pa sa lugar na ito. Nakakatakot. Sobrang nakakatakot.

Sa napakahaba at nakakapagod na paglalakbay na ito, isang puting liwanag ang sumusundo sa akin. Habang palapit siya sa kinaroroonan ko hindi ko maiwasan ang mapangiti.

"Hindi mo pa oras David. At ngayon kinakailangan mo ng bumalik," wika ng lalaking nasa harapan ko na. Ang kanyang buong katawan ay nagniningning ng sobra.

Inakay niya ako patungo sa isang pintuan. Pagpasok namin bumungad sa akin ang nakakasilaw na liwanag. Napakayapa ng lugar na ito. Parang gusto ko na lamang manatili rito. Ayoko ng bumalik pa.

"David bumalik ka na..."  ang tinig na iyon ay parang pamilyar sa akin.

"Bond?" kunot noo kong sambit sa pangalan niya.

Naguguluhan ako. Naguguluhan ang aking isipan.

"David, anak?" napalingon ako mula sa babaing nagsalita, ang aking ina. Kasama niya ang ate Esang. Kasunod nila si Rico James at ang asawa nito.

Pagkasabik. Ito ang aking naramdaman ng makita ko sila. Patakbo ko silang tinungo at niyakap sila ng napakahigpit.

"Ang laki-laki mo na David," masayang wika ng ate Esang. "Sayang hindi man lamang namin  nasubaybayan ang iyong paglaki. Binatang-binata ka na!" may panghihinayang na dugtong pa nito.

Napatingin ako kay Rico James at sa asawa nito. Patakbo ko silang tinungo at niyakap ng mahigpit ang taong nagligtas sa akin noon. Napaiyak ko ng yakapin ko siya.

"Ang laki mo pala, David. Kailan lang..." tila may malalim itong iniisip. "Ikaw na ang bahala sa mga anak namin at salamat sa pag-aalaga mo sa kanila. Pakisabi sa kanila na mahal na mahal namin sila ng mama nila."

"Kinakailangan mo ng umalis, David," wika ng lalaking nag-alis sa akin sa kawalang hanggan na kadiliman.

"Sige na David bumalik ka na," nakangiting wika ng aking ina.

"Pero..." may pagtutol na sabi ko.

"May mga naghihintay sa iyo anak, kaya umalis ka na."

Kahit gustuhin ko man na manatili na lamang sa lugar na iyon kung saan makakasama ko na sana muli ang aking ina at ang ate Esang, hindi naman maaari. Hindi ko pa oras. At may mga naghihintay sa akin.

"Kung naririnig mo ako kapatid ko, David bumalik ka na. Wag mo naman akong pahirapan ng ganito. Mahal na mahal kita," narinig ko ang pagsusumamo ni Bond habang dahan-dahan kong iminumulat ang aking mga mata. Ginalaw ko ang kanang kamay ko upang abutin siya. Marahan Kong hinaplos ang buhok niya habang nakasubsob ang mukha niya sa kamang kinahihigaan ko.

Ng maramdaman niya ang presensya ko, iniangat niya ang mukha. Hindi mapagsidlan ang tuwang kanyang nadarama ng makitang bumalik na muli ako sa kanila. Maluha-luha niya akong niyakap.

"Salamat David at bumalik ka na sa amin."

Nagmamadali siyang lumabas upang tumawag ng doktor. Pagbalik niya kasama na niya ang doktor at nakasunod sa kanila si Bai at sina Davidson, kasama ang Tito Xin Carl. Nakita ko rin sina Jayson Chuo at Matsudo Seiko. Hindi maitatwa ang sayang nadarama nila ng mga oras na iyon.

Matapos akong suriin ng doktor nagpaalam na itong lalabas na muna. Naging emosyonal silang lahat ng makita akong gising na lalo na si Bai. Wala akong ibang nasilayan sa mukha niya kundi ang labis na kasiyahan.

Napatingin kami ng bumukas ang pinto at iniluwa mula roon ang isang chinitong lalaki na pamilyar sa akin. Si Xinliang, ang aking ama!

"Dad?" sa wakas nagawa ko ring tawagan siya sa pangalang iyon. At ang galit na matagal na nangibabaw sa kaibuturan ng puso ko ay bigla na lamang naglaho ng makita ko siya.

Lumapit siya sa akin.

"David, anak sa wakas bumalik ka na," naluluha sa kagalakan ang aking ama. "Makakasama na kita at wala ng magtatangka sa buhay mo, sa buhay ninyong dalawa ng kakambal mo."

The END.

David Bumalik Ka Na (Third Child Series #1)Where stories live. Discover now