Chapter 17

2.5K 129 8
                                    

Tori's POV

Pagkalapag na pagkalapag pa lang ng sinakyan naming private plane ay sinalubong na kami ng malamig na klima ng London. Mahigit-kumulang na labing-apat na oras din ang biyahe papunta rito. Mukhang sanay na sanay na sa cold weather ang mga kasama ko dahil hindi nila alintana ang pagbabago ng klima mula sa init papunta sa sobrang lamig.

Hindi ito ang unang beses na nakapunta ako dito dahil may mga pagkakataong sinasama ako ni Mama sa tuwing bakasyon namin. Kahit ganun pa ma'y hindi pa rin ako masanay sanay sa weather dito. Never kong naabutan ang summer, kung meron man.

Naglakad na kami papunta sa naghihintay na sasakyan sa gilid ng eroplano. Kaming dalawa ni Ms. Zie ang nasa likod habang yung dalawang kasama naman niya ang nasa harap. Si Damienne ang nagmamaneho. Wala ni isa sa amin ang umiimik habang nasa biyahe. Nagbaling lang ako ng tingin sa babaeng katabi ko nang ihinto ang sasakyan sa isang napakalaking hospital.

Sa ilang beses na pagpunta ko rito, alam kong hindi dito ang ospital kung saan nagtatrabaho si Mama. The Royal Marsden Hospital na nasa Chelsea, London ang kaharap namin ngayon. Alam ko kung para saan ang ospital na ito. Sa halip na magtanong ay pinili ko na lang na huwag umimik lalo na't nakita ko na nag-iba ang expression sa mukha ni Ms. Zie. Baka may kakilala siyang dito at dadaanan muna namin iyon.

Kanina pa tumigil ang sasakyan pero wala ni isa sa mga kasama ko ang gumalaw para bumaba. Nakita kong nakapikit si Ms. Zie habang nakakuyom ang mga kamao. Nang maikalma siguro ang sarili ay saka lamang ito nagsalita.

"Let's go."

Nauna na siyang lumabas kaya sumunod naman ako. Binagtas namin ang kahabaan ng hospital hallway. Yung dalawang kambal ay nasa aming likuran. Mukhang kabisado na nila ang lugar na ito dahil dire-diretso lamang ang aming lakad. Sigurado akong hindi ito ang unang beses na nakapunta sila sa lugar na ito base sa mga ikinikilos nila. Kalaunan ay huminto kami sa isang pintuan.

Binuksan ni Ms. Zie ito at iminuwestra ang mga kamay. "After you, please."

Hindi ko gusto ang tumatakbo sa aking isipan sa mga oras na ito. Pinilig ko na lang ang aking ulo para hindi mag-overthink. Baka naman kasi gusto lang akong ipakilala nito sa kung sinuman ang nasa loob ng kwarto.

Nang tuluyan nang makapasok sa loob ay tila ba nalaglag ang aking puso sa taong ngayon ay nakaupo at nakaharap sa akin. Inaasahan nito ang aking pagdating dahil walang guhit ng gulat ang mababanaag sa mukha nito. Nandoon pa rin ang mga ngiti sa mga labi nito subalit ang sigla ng dating pangangatawan ay halatang wala na. Ang laki ng nabawas sa timbang nito. Yung mga buhok sa ulo niya ay tuluyan ng nalagas. Ang daming aparato na nakakabit sa kanyang katawan.

Anim na buwan lang ang lumipas pero ibang iba ang babaeng kaharap ko ngayon sa babaeng hindi matigil sa kakadaldal noon. Ayokong maniwala. Nanaginip lang ako, di ba? Kasi napaka-imposible. Ang sigla sigla ng boses niya at noong nakaraang araw nga ay kausap ko pa siya sa telepono dahil kinukulit nya ako sa tamang oras ng pagkain. Kaya ba palagi na lang phone call ang ginagawa niya at hindi na video call? Ang akala ko ay dahil bawal lang iyon sa kanyang trabaho. Pero bakit? Bakit hindi niya sinabi sa akin?

"M-Ma, anong-" Hindi ko maituloy ang gusto kong sabihin dahil tuluyan ng sumikip ang aking lalamunan.

Mabilis ang mga hakbang na nilapitan ko siya bago yakapin. Kailangan kong maramdaman na totoo siya. Kailangan kong mahawakan ang katawan niya para kumpirmahin na hindi ako binabangungot.

"Anak, masaya akong makita ka." Masiglang bati niya kahit na halatang nanghihina.

Naramdaman ko ang paghalik niya sa aking ulo. Hindi ko na napigilan ang aking mga luha na biglang bumuhos. Ilang minuto bago ako tumigil. Si Mama naman ay hinayaan lang ako habang hinahagod ang aking likod. Nang tumahan na ako ay niluwagan ko na ang aking yakap pero si Mama ay hinawakan ang aking pisngi bago tanggalin ang mga luhang lumalandas doon.

Last-Minute Changes (2nd)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon