PROLOGUE

31 5 13
                                    

PROLOGUE

👻👻👻👻👻

"Sunugin ang magiina! Naniniwala akong sila ang nagdadala ng salot sa ating barangay sapagkat sila ay mga mangkukulam kaya naman ang nararapat sa kanila ay mamatay upang mawala na ang salot!" Nagpupuyos sa galit na saad ng isang bayaran babae habang kinokumbinsi ang mga taong bayan para umayon sa kanyang kagustuhan na paslangin ang magiinang naninirahan sa isang bahay kubo.

"Oo, tama ka! Sunugin ang mga iyan! Sunugin ang bahay nila upang hindi na makalabas ng buhay." Pagsang-ayon ng isa pang babae.

"Sunugin! Sunugin!" Sabay-sabay na tugon ng iba pang kasamahan ng babaeng bayaran na karamihan ay mga kababaihan. May mga dala-dala silang sulo na nagbabaga at gagamitin nila iyon para ihagis sa palibot ng bahay kubo.

Nang ihagis na ang mga sulo sa paligid ng bahay kubo madaling kumalat ang apoy hanggang sa unti-unti na itong gumagapang sa mismong bahay kubo kaya langhap na langhap ng mga taong nasa loob ng bahay kubo ang nakakasulasok na amoy ng usok.

👻👻👻👻👻

"Anak, gumising ka! Kargahin mo si bunso at pumasok kayo sa ilalim nitong papag natin." Walang pagaatubiling panuto ng isang ginang sa panganay nitong anak na babae.

Naramdaman kaagad ng ginang na may mga taong paparating at tila inaasahan na nitong sila ang pakay kung kaya't ginising niya ang natutulog na panganay na anak upang maligtas niya ito at isa pa niyang anak mula sa nagbabanta na kapahamakan.

Kinuha ng ginang ang bunsong anak mula sa duyan at ipinasa niya ito sa kanyang panganay na anak at itinuro ang ilalim ng papag kung saan may tila parang bukasan na maaaring daanan pala ng mga tao.

Bagamat nagpupuyos sa galit ang ginang dahil sa nangyayari na masamang pagtrato ng mga taong bayan sa kanilang magiina. Pinili nitong huwag munang magpadala sa emosyon at manatiling kalmado sa kabila ng mga nangyayari sa kanilang paligid.

"Paano ka po Inay? Hindi ka namin maaaring iwanan. Papatayin ka nila. Tara na po, sumama kayo sa akin!" Nagpupumilit na saad ng panganay na anak ng ginang kahit nagkakandaubo na ito dahil sa usok habang nakikipagusap sa ina nito. Humahagulgol din ito at ganoon din ang nakakabata nitong kapatid ay umiiyak na rin sapagkat nagising ito mula sa pagkakatulog.

"Sige na anak, mauna na kayong tumakas dito. Mamamatay tayong lahat kapag hindi ka pa umalis! Sige na, umalis na kayo!" Humiyaw na ang ginang para matauhan ang panganay nitong anak. Kahit siya ay halos kapusin na ang hininga dahil sa dami ng usok na nalanghap.

"Inay!" Ang tanging nasambit na lang ng batang babae na may karga-kargang mas bata ang edad.

Isinara na ng ginang ang lagusan. Sa halip na matakot ang ginang, galit ang namayani sa puso nito. Napausal siya ng isang tila sumpa.

"Hari ng kadiliman, panawagan ko ay pakinggan
Ang sino man magtangka na manakit sa aking mga supling
Kamatayan ang aking kaparusahan
Gawin mo akong kasangkapan upang sila ay aking maparusahan"

"Sa lugar na ito mananatili ang anino ko
Ipapadama ang nagngangalit kong puso
Laban sa mga taong kumitil sa buhay ko
At sa takdang panahon muling babalik ako
Paghihiganti kamatayan ko
Babawiin mga buhay nila kapalit ang panghabambuhay ko
Magdurusa ang bawat angkan nila
Iyan ang aking sumpa"

Kumulog ng malakas. Matatalim na kidlat ang gumuhit sa kalangitan. Ang apoy na nagbabaga ay lalong nagbaga dahilan para ang mga tao ay magtakbuhan sa iba't ibang direksyon. Nasaksihan nila ang tila nagngangalit na kalangitan. Sa sobrang takot ng iba, umusal na sila ng panalangin. Nangingilabot ang lahat ng naroon ng nasaksihan nila ang mga makapanindig balahibo na kaganapan sa kanilang kapaligiran.

Midnight PrisonerWhere stories live. Discover now