30: Larangan ng Pagsusulat

0 0 0
                                    

Mahirap ang magsulat. Napaka . . . hirap. Hindi basta-basta ang pag-iisip ng mga eksena, bagay, tao, pangyayari, lugar, ideya, konsepto, katotohanan, at salita na ilalagay sa iyong akda. Para bang estudiyante na inuubos ang oras sa pagiging bihasa sa subject. O kaya naman, parang empleyado sa kompanya na ang trabaho ay malayo sa tinapos na kurso. Walang kaalam-alam sa gagawin. Kailangan pang pag-aralan at matutunan para lang makapagsimula sa pagtatrabaho.

Pero kung ito ang tawag sa iyo ng mundo o kalikasan, kahit wala nang makapitan, hindi ka hihinto sa pag-akyat marating lang ang tuktok—tropeyo ng tagumpay.

Sabi ng ilan, “passion” nila ang pagsusulat. Ito ang nagbibigay ng esensiya sa kanilang pagkabuhay o pagiging tao. Kumbaga, kapag wala niyon, hindi nila alam kung ano ang kanilang layunin sa tanong na “Bakit ba ako nandito?”, “Anong gusto kong gawin?”, o “Paano ko gagawing makabuluhan o masaya ang aking buhay na walang sigla?”

Ang iba naman, sa pagsusulat nilalabas ang kanilang hinaing sa mundo. Sa tuwing sila ay nasasaktan at nalulungkot, ibubuhos nila ang emosiyon sa pamamagitan ng tula o kuwento. Pampatanggal ng stress. Pampaalis ng masamang pakiramdam. Gustong mailabas ang matinding damdamin. Hindi naman lahat ay “warfreak,” kaya isa ito sa mabisang kagamitan upang mapagaan ang bagaheng dala-dala.

Bilang manunulat, dapat alam natin kung ano ba ang rason bakit tayo nagsusulat. Dahil sa araw na tayo ay manghina, mawalan ng pag-asa, at pagod na pagod na, babalikan natin ang nag-udyok sa atin para magsulat. Kung ang mga relihiyosong tao ay lumalapit sa Diyos, tayo naman ay sa tanong na iyon kakapit. Panghahawakan natin ang sagot sa pagkalito, na siyang magbibigay liwanag sa daang tinutungo natin.

Noong una, nagsulat ako dahil nawalan na ako ng gana sa pag-aaral. Kahit anong gawin ko, walang usad. Ang baba ng mga grado ko sa pagsusulit, takdang-aralin, aktibidades, at mahabang pagsusulit sa major subjects. Kaya naman, tinamad na ako. Naging susi ito sa pinto upang magbalik-loob ako sa pagbabasa ng mga libro. Hilig ko na ang pagbabasa dati pa lang. At mula rito, naisipan kong magsulat.

Sumaya ako. Isip-isip ko, nahanap ko na rin ang bagay na magpapasaya sa akin. Iyong gusto ko talagang gawin. Kahit mabigo at pangit ang sinusulat, hindi ako nagpapadala rito para sumuko o iwanan na lang ang kagawiang ito, gaya ng ginawa ko sa pag-aaral.

Nang tumagal, nagbago ang dahilan ko kaya ako nagsusulat. Hindi na lang sa rason na masaya ako. Nagsusulat na ako para maibahagi sa mga tao ang aking prinsipyo at pananaw sa buhay, dulot ng mga karanasan ko sa personal. Sa pamamagitan ng aking mga akda, gusto kong may matutunan at magbago ang tingin nila sa mga bagay-bagay. Ganito kasi binago ng pagsusulat ang pagtingin ko sa mundo. Kaya, iyon din ang gusto kong mangyari sa mga magbabasa ng aking mga sinulat.

Isa pa sa rason ay ang magkaroon ng parangal. At kapag nagkatotoo ito, baka dumating sa punto na makapag-ambag ako sa literatura ng Pilipinas. Tapos, gusto ko rin na makilala ang mga sinulat nating mga Pilipinong manunulat sa buong mundo, tulad ng ilang tanyag na manunulat na naisalin sa ibang wika ang kanilang mga akda.

Ikaw ba, bakit ka nagsusulat? Bakit mo pinasok ang larangang ito?

• • •

Dito na nagtatapas ang "Mga Payo Niya." Maraming-maraming salamat sa pagbabasa, sa pagsubaybay, at sa pagsuporta.

Nais ko na mayroon kang matutunan sa akda kong ito. At kung mayroon man, sabihin mo sa akin ang mga napagtanto at napagnilayan mo sa larangan ng pagsusulat. Siyempre . . . huwag kalilimutang sagutin ang huling tanong na "Bakit ka nagsusulat?"

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang