11: Magaling Laban sa Matalinong Pagsulat

5 0 0
                                    

Parang kiniliti ng balahibo sa singit o nakasinghot ng sampalok ang isang manunulat kapag nasabihan siyang mayroong potensiyal. Kahit ako, mararamdaman iyon. Baka nga mahulog pa ang loob ko sa nagsabi sa akin noon. O hindi kaya naman, pakasal na agad!

Ang mga manunulat naman na nakatanggap ng panghuhusga at pagmamalupit sa kanilang mga akda ay napipi ng dambuhalang panulat na pula. Hindi kinaya ang bilog na marka. Maaaring maraming mali sa sinulat, hindi kaaya-aya, hindi angkop para sa mga mambabasa, o sadyang hindi lang nagustuhan. Iyon bang wala sa lugar ang pag-ayaw. Nabuhay lang iyong taong nagsabi para mang-inis, manira, at magdulot ng kasamaan, tulad ng kontrabida sa isang kuwento. Ang katapusan: sumuko na iyong manunulat o ginamit ang mga masasakit na salita para palaguin ang kakayahang makapagsulat.

Sa katunayan, lahat ng tao ay pupuwedeng magsulat. Ganoon din sa iba pang larangan: pagguhit, pagpinta, pagkuha ng retrato, pagsayaw, at pagkanta. Pero may mga pagkakataon na hindi talaga para sa iyo ang isang bagay; ito ang katotohanang kailangang tanggapin ng sino man. Ang gawin: hanapin iyong hilig na makapagbibigay sigla, kapayapaan sa sarili, pagmamahal, at pagkatanggap ng pagiging karapat-dapat. Kung dumaan na ang maraming taon pero pakiramdam mo walang nagbabago sa iyo at nalulungkot ka lang, siguro iyon na ang panahon para bitiwan ang bagay na iyon. Dumiskubre ka ng iba. Hindi lang naman pagsusulat o pagguhit ang nandiyan. Hindi mo alam, doon mo maituturing ang iyong sarili na magaling, kuntento, at masaya. Subok lang nang subok.

Magaling na Pagsulat

May mga manunulat na sa una pa lang, magaling na. Likas na sa kaniya ang talentong makapagsulat. Pero hindi siya mananatiling magaling kung hindi iyon hahasain. Matatalo sila ng ibang wala mang angking abilidad, ginagawa naman ang lahat para angkinin ang kakayahang sumulat. Para bang sa sikat na katagang “Daig ng taong masipag, ang matalino lang” iyon maihahalintulad. At walang nagnanais na malamangan ng kaniyang kakompetisiyon iyong sinulat niya sa paligsahang sinalihan. At sa pagsusulat, walang kompetisiyon. (Nalito panigurado ang nagbasa nito.)

Magbibigay ako ng ilang mga tanong, at kung oo ang iyong sagot, dito ka sa klase napabibilang.

1. Kakaiba ba ang mga naiisip mong ideya o konsepto? Iyon bang bilang lang ang makapapareho ng iyo?

2. Hindi mo ba tinutularan ang katha ng iba?

3. May sarili ka bang paraan ng pagsulat at hindi limitado sa pang-unang pananaw (first person P.O.V.)?

4. Nag-aasam ka bang makasulat ng bago at ginagawa iyon? Hindi lang puro pag-ibig at libog ang takbo ng kuwento?

5. Hindi ka ba bumabase ng pinagbabatayan sa pagsusulat sa mga elektronikong plataporma (website, applications)?

Ihahalintulad ko sa Pancit Canton ang paksa. Kapag “magaling,” ito iyong Calamansi flavor. Ang cliché kasi ay Original flavor. Kaya ang mga pinagsawaang noodles sa dilaw na plastik, binalutan ng berde. Pagkatapos, binagayan o dinagdagan ng lasa—hindi lang maalat at matamis; may asim ang mga sinusulat, gaya ng batang naglaro sa labas nang maghapon. Sila pa rin ang bata (orihinal) pero nag-iba na ang amoy (bago).

Matalinong Pagsulat

Ang mga manunulat naman dito ay matagal na sa industriya. Iyon bang nasaksihan ang pag-arangkada ng Makabagong Panahon ng Teknolohiya mula sa Makalumang Panahon. Umaarangkada pa rin kahit nagdagsaan ang mga bago. Sila ang sanay at pamilyar na sa iba’t ibang anyo ng pagsulat.

Hindi sila laos. Hindi sila napagsawaan. Hindi sila “matagal” lang. Dahil sa kasalukuyan, may matatawag ding mga matatalinong manunulat.

Paboritong flavor ko ng Pancit Canton ay Sweet & Spicy. Para maikonekta sa pagsusulat, pagbasehan natin ang “anghang.” Ang mga sinusulat ay nahaluan ng orihinal at bago. Hinda ba, may Calamansi at Extra Hot? Kapag pinagsama, Chilimansi. Ganoon ang “matalino”; nagagawan ng paraan para baliin ang mga nilikhang akda.

Halimbawa:

May isang manunulat na baguhan pa lang. Gusto niyang gumawa ng kuwento na pag-ibig ang tema. Ang problema: ayaw niya sa puro kilig dahil sawa na. Laganap kasi ang ganoong kuwento, at nakapagbasa na siya noon nang PAULIT-ULIT.

Nagutom siya. Kumalam na ang sikmura sa kaiisip at inabot ng hapon. Naisip niyang magmeryenda ng Pancit Canton. Habang naglalakad, saka sumagi na ibang klase ng pag-ibig ang isusulat niya—hindi romansa. Kumislot ang gilid ng kaniyang labi. Sa halip na bumili ng Pancit Canton, Yakisoba na lang ang bibilihin niya. Ang flavor, Spicy Chicken Calamansi. Parehas ang flavor sa nauna, pero ibang brand. (Orihinal din ang lasa pero bago ang tawag.)

Magsusulat siya ng kuwento na ang sentro ng pag-ibig ay sa pamilya.

Ayos ba? Kung ako ang tatanungin, pipiliin kong maging matalinong manunulat. Dahil sa pagiging matalino, roon ako gagaling.

• • •

Ikaw, anong klase ka ng manunulat?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaWhere stories live. Discover now