7: Paglalarawan

4 0 0
                                    

Sa pagkukuwento, kinakailangang maipakita sa mambabasa ang mga nangyayari sa pamamagitan ng mga salita. Mga akmang salita. Mga salitang mabibigyang buhay sa tulong ng malikhaing pag-iisip. Hindi nararapat na ibalandra ang iyong mga isusulat nang hindi ito malinis. Maglalatag ka ba ng nangungulay marshmallow na tela, kung nagkalat ang mga ipot sa kakahuying mesa? Iyong mamasa-masa pa, tulad ng margarine sa bagong bake na ensaymada. Pero kasing amoy ng patay na daga ang masisinghot mo, imbis na matamis at nag-iinit na harina. Napansin mo ba? Nagawa kong ilarawan ang pagsusulat nang maayos sa pagsusulatan mo. (Puting tela, pinagtaehan ng mga kalapati na lamesa, basang ipot na mabantot.) Ganito dapat. At magagawa mo ito hindi lang sa piksiyon. Ipapaalala ko lang sa iyo na di-piksiyon ang akda kong ito, at nagamit ko ang paglalarawan. Kung maaalala mo iyong sanaysay na bahaging sinabi ko (hindi ko na tanda kung anong seksiyon, 2 ba o 3), sinamahan ko ng "pagkamalikhain" ang pang-akademikong gawain ko: hinalintulad ang kalawakan sa kompanya. Babansagan natin ang paraang ito na "Huwag puro satsat, ipakita mo."

Huwag Puro Sasat, Ipakita Mo

Matatawa ka ba kapag sinabi kong sinalin ko sa Filipino ang "Show and less tell"? Hindi ko kasi maintindihan, bakit sa tuwing ipinapaliwanag ang mga bagay-bagay, palaging naka-Ingles. Kaya heto ako, nag-imbento. Malay natin, "mas" mauunawaan pa pala ng mga manunulat kapag Filipino ang tawag.

Sa paglalarawan, hindi paligoy-ligoy; direkta at malinaw dapat. Maaaring sa iba, hindi na ihahalintulad sa marshmallow ang kulay ng tela. Isusulat lang nila ng ganoon-puting tela. Pero parang mayroong kulang. Malamya. "Baka" tamarin ang nagbabasa na ituloy ang binabasa kaysa sa paghihintay ni Juan Tamad na bumagsak ang bunga ng bayabas.

Ang ikinaganda ng paglalarawan, sinasama mo ang mambabasa sa kuwentong iyon. Mararansan niya mismo kung ano ang nararanasan ng mga tauhan. Maiimahe niya sa kaniyang isipan ang baho ng ipot, ang pagkabasa nito, at ang pagkapaklang naramdaman matapos mabigo na ganoon pala ang amoy ng ensaymada kapag nataehan ng kalapati.

Mayroong mga manunulat na sinabi niya lang na nagalit si bida kay isa pang bida. Mayroong nagsulat na natuwa ang bata nang matanggap ang laruang nakita sa mall sa kaniyang kaarawan. At mayroon kang mababasa na umiyak si ganito. Isa ako sa mga iyon. Hindi ko kasi "ipinakita" kung PAANO nagalit si bida, PAANO natuwa ang bata, at PAANO umiyak si ganito. Sinabi ko lang. Dinada. Puro satsat. Ang mga taong daldal nang daldal, kinaiinisan lalo na kung wala namang saysay ang dinadaldal. Maaaring maging ganoon ang mambabasa mo. Hindi dumadaldal pero naiinis.

Pakiramdam

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ang tanging paraan para masagot ang PAANOng iyon ay ang paggamit ng pakiramdam: paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa, at panghawak. Mediyo nakaiilang ang panghawak pero sakyan mo na. Tutal, nag-iimbento lang naman ako, sagarin na natin.

1. Paningin

- Mata. Ito ang gasgas na ginagamit ng mga manunulat sa paglalarawan. Hindi nga puro satsat, puro ano naman ang makikita sa kuwento. At hindi ito sapat. (Kaya tatalakayin natin ang ibang pakiramdam upang hindi na ito ang parati mong gagamitin.)

Mabisa ang paningin sa genre ng pantasiya, science-fiction, at horror. Saludo ako sa mga manunulat at mga nobela na nagagawa kong paganahin ang mga nerve ko sa aking utak para isipin ang mundo na naroroon sa kuwento. Butas na katawan ng babaeng may kapangyarihan (iyong butas ang kapangyarihan niya), mga asul na liwanag sa paglalakbay sa panahong isang siglo ang nakalipas, at takot sa mukha ng lalaki matapos maging halimaw ang babaeng kahalikan niya. Wala pa rito iyong paraan noong manunulat sa paglalarawan nito. Sinabi ko lang. At kung naisip mo ang hitsura nila, ikaw na!

Hiramin natin ang "nagalit si bida sa isa pang bida." Ipapakita ko sa iyo kung paano siya nagalit:

Nabasa ni Gwen ang mensaheng ipinadala ng kaniyang nobyo. Mag-break na tayo, sorry, ang nakalagay sa text. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Pinagdikit niya ang kaniyang mga ngipin, tulad ng nakikipag-away na aso. Binato niya ang cell phone, lumagapak sa nangungulay kahel na dingding. Tumaob iyon at hindi nawarak. Makikita ang mansanas na may kagat sa likod niyon.

Tumungo si Gwen sa parihabang salamin. Nang tingnan niya ang sarili sa repleksiyon, para siyang nakakita ng baliw sa kalye. Pinalandas niya ang kaniyang malambot na daliri sa buhaghag na buhok dulot ng pagsasabunot nito sa labis na pagkainis. Mahapdi ang kaniyang mga mata, namumula sa kanina pang pag-iyak. Kinuha niya ang gunting sa ibabaw ng make-up kit niya.

At sa pagputol ng kaniyang buhok na kasing haba ng kay Rapunzel, nagpasiya siyang kalilimutan na niya ang kaniyang boyfriend.

Ikaw na bahala magbigay ng interpretasiyon sa sinulat ko. Ang pinakita ko riyan, ginamit niya ang kaniyang galit para makalimot. Pero . . . wala pala itong koneksiyon. Galit ang prompt, at ang paksa ay pakiramdam na paningin. Ano raw?

2. Pandinig

- Tainga. (Malumanay ang pagkakasabi ko nito nang sinusulat ko. Kung hindi mo narinig, magtutule ka na.)

Ang pinakanagustuhan ko sa pandinig ay iyong katunayang ingay rin pala ang walang naririnig. Ha? Ang gulo! Katahimikan ang tinutukoy ko. Sa paggamit ng pakiramdam na ito, hindi lang ingay at tunog. Pupuwede itong ilagay sa diyalogo.

"Anong nagustuhan mo sa akin?" tanong ni Gwen, namumungay ang mga mata. Tumunghay siya sa kaniyang nobyo, sumagi ang katiting na buhok sa baba nito. Nakaramdam siya ng kiliti.

Kumislot ang gilid ng labi ng nobyo niya. "Lahat ng nakikita ko sa iyo: ang makapal mong labi at kilay, ang mahaba mong hita, ang boses mong parang bata, at ang talino mong hindi pumapalya sa quizzes."

Hindi alam ni Gwen ang itutugon sa kaniyang nobyo. Umusog siya sa dibdib nito, naamoy ang mala-Mentos na pabango. Sa padaan ng dambuhalang truck sa kanilang harapan, ngumiti siya. Pinasalamatan niya ito. Kung hindi, maririnig ng kaniyang nobyo ang naghuhurumentado niyang puso. Lub-dub-lub-dub-lub-dub.

Kinilig ka ba? Ako hindi, e.

3. Pang-amoy

- Ilong. Pango man iyan o matangos, hangga't hindi tinutubuan ng pigsa, mapapakinabangan pa rin.

Maganda ito sa mga senaryong may pagkain. Gayon din ang panlasa. Pero mayroon akong ibang naisip para rito.

Sa pakiramdam na pang-amoy, huwag mong lilimitahan ang iyong sarili sa mabango lang. Subukan mo rin ang kababuyan na sinulat ko: ipot, tae, at patay na daga. O kung nandidiri ka na talaga (panlasa), isip ka ng iba na hindi ganoon pangit sa pandinig: suka (hindi iyong suka ng tao), alimuom, nakulob na damit, at sunog na kanin.

Balik-balikan mo lang ang halimbawa sa ikalawang pakiramdam; mayroon doon. (Hindi ko intensiyong magsulat ng ganoon. Kusa na lang. Sanay na ako. Kaya sana, ikaw rin. Puntahan mo ang isang senaryo o kabanata ng iyong kuwento o bahagi ng sanaysay. Tapos, dagdagan mo ng ibang paglalarawan maliban sa paningin. Magsanay ka lang. Magagaya ka sa akin- hindi namamalayang nakapagsulat na ng kung ano.)

4. Panlasa

- Dila. Hindi bibig. Ang taste buds natin ang rason kaya tayo nasasarapan sa scrambled-egg, napapaitan sa ampalaya, at nandidiri sa adobo. (Ako lang pala.)

May senaryo akong nasulat. Tungkol iyon sa pagtangkang halikan ni lalaking bida si babaeng nagugustuhan niya. Nailarawan ko na mapusiyaw ang labi ng babae (pink). Ang isip-isip ni lalaki noong mga oras na iyon-magkadikit sila ni babae-"Ano kaya ang lasa ng strawberry?" Tinutukoy niya iyong labi ni babae. Karamihan sa inyo, nakatikim na noon. Hindi man literal, pero flavor ng ice cream o ice candy (?). Ang papasok sa isipan mo, matamis na maasim.

(Ang balak kong gawing halimabawa sana ay "suka ng tao" pero nagbago na isip ko.)

5. Panghawak

- Balat. Hindi kamay, ha. Mararamdaman mo ang lagitik ng kamay ko kapag kamay ang pinukol mo sa akin. (Bakit kasi panghawak?) (Wala kang paki! PAK.)

Hindi na ako magbibigay ng halimbawa. Tinatamad na ako. Ano na lang . . . pakiramdaman mo ang buhok mo sa iyong buong katawan, at tingnan kung alin ang magaspang sa malambot. Tama. Buo. At nakasalalay sa iyo kung saan pa ba may buhok maliban sa iyong ulo (sa itaas).

Maisasama ka sa hall of fame ng maaayos na manunulat kapag nagawa mong ipakita ang nangyayari sa kuwento. Pero, ipapaalala ko lang na sa bawat pangungusap o parirala, ipapakita mo na. Iyon ang hindi akma. Pag-aralan mo kung kailan ka sasatsat at magpapakita. Actions and words are the loudest when speak together. (Lapastangan! Nag-Ingles ako!)

• • •

Ano ang paboritong paraan mo sa paglalarawan?

- A.V. Blurete

Mga Payo NiyaOù les histoires vivent. Découvrez maintenant