2: Pangalan

15 3 0
                                    

Kakaibang Pangalan ng Tauhan

Ang mga pangalan sa kuwento ay hindi kailangang parating “kakaiba.” Para daw maging memorable at maaalala ng mga mambabasa. Kadalasan, may nakikita akong sa sobrang kakaiba, hindi ko na ito maintindihan o mabasa nang maayos. Ito iyong klase na nilalagyan ng Q, X, at Z ang mga pangalan. Ano kayang lohika ng mga manunulat at bakit ganito ang gusto nilang maging pangalan ng mga tauhan nila?

Sa katunayan, binabagay ang pangalan sa genre ng kuwento. Kung science-fiction at fantasy, maaaring magsama ng mga letrang naibanggit ko sa itaas. Malay natin, baka alien, ibang nilalang, o mga elemento ang nandoon. Dito, ayos lang. PERO, huwag iyong labis-labis na ang paglalagay. Halimbawa: Aeizx (Ace), Queeny (Kinee), . . . . Sa unang tingin, mahihirapan bigkasin ng mambabasa iyan, saka magtatagal pa sa pag-unawa kung hindi mabibigyang linaw sa kuwento ang paraan sa pagbigkas ng ngalan.

Hindi ba, mayroong mga mambabasa na matatawa at mali pala ang pagkakabigkas nila sa pangalan ng tauhan na pinapaboran nila? Ito ang kailangang ayusin. Sa nobelang “The Lucky One” ni Nicholas Sparks, nilinaw niya kaagad sa simula kung ano ang pagkakabigkas sa apelyido noong bida sa pamamagitan ng diyalogo. At maaari mo itong gayahin subalit sa sarili mong istilo gagawin.

Kapag nagsusulat ako at magpapakilala ng tauhan, basta na lang ako naglalagay. Kung anong pumasok sa isipan ko. Pero siyempre, dapat babagay siya sa karakter, pag-uugali, asal, pakikitungo, at kung ano-ano pa noong tauhan. Isa rin ang mga ito sa magiging basehan sa pagpili ng pangalan.

Ang simpleng “Ella” ay mapapaganda o mabibigyan ng dating kapag sa tuwing naglalakad siya, tumutugtog ang kantang “Umbrella” ni Rihanna. Tapos, ang palayaw niya ay “E” na kinuha sa liriko ng kanta.

“Uy, nandiyan na si Ella!” sigaw ng kaklase ko, kumikinang ang mga mata. Idolo niya ang babaeng iyon. Ewan ko ba. Nasasagwaan nga ako kapag kumakanta ang mga kapwa ko mag-aaral ng “Eh, eh, eh, eh . . . .”

O, hindi pa ba ito madaling matatandaan? At kahit hindi na sabihin sa senaryo ang pangalan niya, basta marinig lang ang pag-aawitan ng mga estudiyante, matutukoy na iyong si Ella. Maiisip ko rin na isa siyang mananayaw o kaya ay mang-aawit.

Para-paraan lang iyan sa kung paano mapapaganda ang pangalan ng tauhan. Naniniwala naman akong makakaya mo itong gawin.

Pangalan ng Ibang Tauhan

Hindi sa lahat ng pagkakataon, papangalanan mo na ang mga pinakilala mong tauhan. Baka malito na niyan ang mga mambabasa mo. Kung sino lang ang may “role,” malaking ganap sa kuwento, at may naitulong sa pagmu-move forward ng plot, iyon ang mga nararapat magkaroon ng pangalan. Maaaring sila iyong nagpahirap, naging dahilan kaya nagkaroon ng reyalisasiyon sa buhay ang mga bida, nagpaantig sa damdamin ng ilan. Kahit SAGLIT lang sila ipinakilala, mahalaga na bigyan sila ng pangalan. Kung nakasalubong sa daan, huwag na. Iba na ito, ha. Pero kung nakasalubong sa daan, tapos kabilang sa plot twist sa dulo ng kuwento, iyan . . . lagyan mo na siya ng pangalan.

Pangalan ng Tauhan

May ilang mga tauhan na hindi pinapangalanan ngunit isa sa mga bida sa kuwento. Katulad na lamang ng mga magulang. Sapat na ang Mom at Dad, Mama at Papa, Nanay o Tatay.

Sa librong "I’m Thinking of Ending Things," na nagkaroon ng movie adaptation sa Netflix, ang babaeng bida sa kuwento ay walang pangalan. Ang role niya sa kuwento ay nobya. Kaya, iyon na ang maaaring itawag sa kaniya—Girlfriend.

Sa kabuuan, wala talagang pamantayan sa pagpapangalan ng mga tauhan sa kuwento. Bahala na ang may-akda. At ito naman ang pag-uusapan natin sa susunod na seksiyon.

Pangalan ng May-Akda

Nahihiya, natatakot mahusgahan, ayaw ipaalam sa ibang nagsusulat, ayaw magpakilala, trip trip lang. Ilan ang mga ito sa dahilan kaya hindi tunay na pangalan ang ginagamit ng mga manunulat. Gayon pa man, pagdating sa dulo, kapag naisalibro na ang kuwento, kailangan ilagay ang totoo mong pangalan.

Nakita ko sa social media na pr-in-omote ang libro ng isang manunulat sa Wattpad. Sa ibaba ng username niya sa pabalat ng libro, nakalagay rin ang kaniyang pangalan. Ikaw, pananatiliin mo pa rin bang nakatago sa username ang galing mo sa pagsusulat?

Noong una, ganoon din ako. Ang makikita sa book covers ng bawat akda ko ay ang pen name kong “lopezey.” (Lopez ang middle name ko. Ang “ey” ay ang initial ng first name ko pero sa pabigkas na paraan ang pagkakabasa. Maaaring ganito ang gawin mo sa iyong pen name/username kung ayaw talaga magpakilala.) Ngunit kalaunan, matapos kong makita ang isang manunulat sa isang writing group page sa Facebook, nagpasiya akong baguhin na. Naisip-isip ko rin iyong mga international writer na ginagamit ang totoo nilang pangalan. At para sa akin, ang sarap sa pakiramdam na makita ang pangalan ko sa pisikal na libro ng aking kuwento.

Alam mo ba na hindi naman masiyadong pinapansin ng mga mambabasa ang pangalan ng may-akda? Mas pinagtutuonan nila ng atensiyon ang nilalaman noong kuwento. Pero hindi naman ibig sabihin nito na, wala na talaga silang paki sa may-akda. At base lang naman ito sa obserbasiyon ko.

• • •

Ibahagi mo sa akin ang maikling kasaysayan kung bakit iyan ang napili mong pen name. Kung sakaling nagkaroon ng pag-aalinlangan, may balak ka bang baguhin ang ginagamit mong pangalan sa pagsusulat?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaOnde histórias criam vida. Descubra agora