23: Problema at Solusyon

0 0 0
                                    

Pinakaayaw ko sa lahat ay ang magising nang dahil sa ingay. Sarap sarap ng tulog ko, tapos sa hindi inaasahang pangyayari, magigising ako sa talak ng mga taong kasama ko sa bahay. Wala namang kuwenta pinag-uusapan nila. Ingay lang talaga, parang nagsasalita para may masabi lang. “Mema” ang karaniwang maririnig o mababasa kung magiging slang ito.

Idadahilan nila kapag nagalit ako at “nagbunganga,” nagsasalita lang naman sila. “Ano, hindi na magsasalita?” ang parating kuwestiyon sa akin sa tuwing sinusuway sila na huwag maingay. Ayos lang naman ang mag-usap, magkuwentuhan, mag-chika-han, magbiruan, at magtawanan. Normal ito. Wala itong problema sa akin. Ang hindi na maganda, magsasalita para lang mayroong maisalita. Para bang papansin sila? Ganoon ang tingin ko sa ginagawa nilang pag-iingay sa pagsasalita.

Sigurado akong alam ninyo naman ang katagang “Magbiro ka na sa taong lasing, huwag lang sa bagong gising.” Sa kaso ko, totoong-totoo iyan. Matindi ako magalit lalo na at puyat ako. Hindi na talaga ako nakapagpipigil. Pero hindi ako iyong sumasabog nang biglaan. Hangga’t maaari, nagtitimpi ako at inuuna ang pag-unawa. Kapag hindi na nakayanan, sumobra na ang pagsasalita nila, paulit-ulit sa umaga, araw-araw, nakausap ko na sila na hindi ko nagugustuhan iyong pagganoon nila pero walang bisa, roon na lilitaw ang katauhan kong pangit. Dumarating sa pagkakataon na tumataas ang boses ko sa sobrang inis. Minsan pa nga, sumisigaw ako para ipaintindi sa kanila ulit. Tatahimik sila kapag nagising na ako. Kaso kinabukasan, iyon na naman ang mangyayari. Para bang gulong ng sasakyan, paikot-ikot lang.

Hanggang sa nagsawa na ako. Hinayaan ko na. Nagagalit pa rin ako pero sinasarili ko na lang. Maaaksaya enerhiya ko kapapaliwanag ng opinyon at nararamdaman ko. Hindi rin naman sila nakikinig, kaya para saan pa? Iniisip ko na lang iyong mga maaari kong gawin para maiwasan iyon: matutulog ba ako nang maaga? Iidlip sa hapon? Gigising tapos aasikasuhin ko iyong mga tungkulin ko sa paaralaan o sa bahay kagaya ng pagkain, at matutulog na lang kapag natapos na? Mga posibleng solusiyon sa problema ang ikinaiinis ko naman. Dito nabunton ang init ng ulo ko.

Sa larangan ng pagsusulat, isa sa makapagbibigay ng thrill sa kuwento ay ang problema. Hindi bali kung maliit ba o malaki. Ang poblema ay problema.

Ito iyong mga bagay na nagdudulot ng lungkot, away, pagkalito, pagkilala, at panibagong problema. Maiisip ng mga mambabasa ang mga mangyayari habang mayroong problema, paano malalampasan, at kapag nahanapan na ng lunas. At ang mga nilista ko sa unang pangungusap ang kalalabasan ng mga problemang iyon.

Palaisipan ang pagsusulat ng maayos na solusiyon. Ito kasi ang daan para magkaroon ng wakas. Ano naman ang mangyayari matapos masolusiyonan ang problema? Mayroong mga solusiyon na nakapangwawasak ng puso, hindi magugustuhan ng mambabasa pero kailangan, at ilan pang paksa na sinamahan ng damdamin.

Sa kalagayan ko, mapag-aalaman natin na ang problema ko ay ang magising nang dahil sa mga ingay. Ang reaksiyon ko kapag dumilat ang mga mata, magagalit. Una kong naisip na solusiyon, pagsabihan sila sa pagsasalita nila nang ganoon. Hinaan nila ang boses nila. Limitahan nila ang sigawan dahil magkakalapit lang naman sila. Nang hindi gumana, balik sa problema ko. Ang tanging solusiyon na babagay ay ang mag-adjust. Kaso, mahirap sa akin iyon. Hindi naman nila ako katulad na mabilis makatulog. Maraming tumatakbo sa isipan ko. Kahit subukan kong matulog nang 10-12 P.M., hindi mangyari-yari dahil aktibo ang utak ko kaiisip ng kung ano-ano. Kaya, gising pa rin ako sa madaling araw.

Ang thrill dito sa nararanasan ko, makikilala ko kung sino ba ako kapag nagalit. Nakilala ko rin iyong kapangitan nila ng ugali. Hindi sila marunong rumespeto sa tulog. Walang konsiderasiyon. Sarado ang isip. Hindi ko sila ginagawang masama, ha. Kasi sa parte ko, mali na pagtaasan ko sila ng boses. Kusang reaksiyon ko iyon kapag naiinis na talaga. Minsan, sa sobrang inis ko at pinigilang maglabas ng saloobin, naiiyak ako. Kaya maganda sa akin na ilabas ang pakiramdam dahil ako lang din maaapektuhan noong pagpipigil ko. Tapos malulungkot pa ako. Sa pagkagalit ko naman, hindi masasakit ang binibitawan kong salita—mayroong saysay. Pangit lang sa pandinig kasi iba ang tono at pasigaw sinasabi. Hindi rin naman sila marunong makinig kapag malumanay ang pakikipag-usap kaya iyon . . . .

Mga Payo NiyaWhere stories live. Discover now