6: Sulong

6 1 0
                                    

Tulad ng madilim na tubig sa kanal, tulad ng bagyong pagala-gala sa Pasipiko, tulad ng saranggolang nililipad ng hangin, at tulad ng mga langgam na naghahakot ng pagkain, dapat ganito ang takbo ng mga senaryo sa kuwento mo—pasulong ang daloy. Hindi pabalik-balik. Ang mga nangyari na ay isantabi; huwag nang alalahanin. Hindi tulad ng crush mong hindi mo maintindihan kung crush ka rin ba sa paligaw-ligaw niyang tingin sa iyo. (Tigil na sa pag-asa!)

Ang mga sinusulat ng manunulat sa kanilang akda ay parating mayroong laman. Kapag walang kuwenta, walang kontribusiyon sa kahihinatnan ng tauhan, at walang ibibigay na paglilinaw sa paksang sentro ng sulatin, huwag ilalagay. Alisin. (Tsupi!) Lalangawin ang iyong akda kung nagkataon. Bugawin mo man (binago ang konteksto pero ganoon pa rin ang laman), mananatili pa rin ang baho nito. Ang mangyayari, aalingasaw ang ibang masarsa mong sinulat at mapapanis.

Iwasang sumugod sa labanan na ang tanging dala mo lamang ay panulat; samahan mo ng tinta. Tintang may pakinabang. Kung hindi, mag-uumapaw ang pananggala ng iyong kalaban: pagkalito, kritisismo, plothole, pagkaburyo, at kapangitan. Lahat naman tayo ayaw nito. Tama ba ako?

Urong

Paano mo malalaman kung kailan ka aatras sa laban? Naroon na ang “hint.” Kapag nakutuban mong matatalo ka sa huli, roon na. Maiiwasan ito sa pamamagitan ng paghahasa ng iyong sandata. Hanapin mo ang mga dahilan ng iyong pagkatalo. Saan nagmula? Sa tauhan, kaganapan, diyalogo, o emosiyon? Busisiin mo nang maigi ang pinangyarihan ng labanan. Nang sa gayon, matitiyak mo ang susunod na taktika sa susunod. At dito, ikaw na ang magwawagi.

Kalimitang tinatawag na “filler” ang sinulat mo kaya hindi umaarangkada ang jeep. Mapagkakamalaman mong pasahero iyong katabi ni Manong Driver na babae sa unahan. Iyon pala, asawa niya na tumutulong sa pagsusukli. Buwisit. Siya ang dahilan kaya pinagpapawisan ka na sa mainit at mausok na terminal! Isang filler si misis.

Ganoon din sa iyong akda. Mahaba man ang pinag-uusapan ng mga tauhan sa kuwento, kung wala namang katuturan, baliwala rin. Magsulat ka man ng nakamamanghang introduksiyon sa iyong sanaysay, kung hindi naman siya konektado sa paksang pinili mong sulatan, ekis pa rin.

Pero . . . hindi lahat ng filler ay itatapon. Huwag ipagpalit ang asawa sa babaeng nakilala lang sa daan. Dahil mayroon pa rin siyang halaga. Hindi mo naman mahihikayat ang kabit na magsukli sa mga pasahero gayong ang pangalan ni misis ay nakaimprenta sa unahang banda malapit sa kisame ng jeep, hindi ba? Kahihiyan iyon. Kaya naman, suklian mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsiyasat sa iyong mga sinulat. Nakatutulong ang filler matapos ang matinding senaryo sa kuwento (nagkaroon ng away ang mga tauhan, pinasukan ng mga gagamba sa mata, nawasak ang basahang may pakpak).

Pampakalma matapos ang bagyo, gaya ni misis na hahalik sa iyong pisngi matapos ang nakapapagod na maghapon ng pagmamaneho. (Baka nga may aksiyon pang maganap mamayang gabi kapag malaki ang kita. Ops . . . pagod kayo parehas . . . kaya, sa “next time” na lang.)

• • •

Ano ang kadalasang mong sinusulat na masasabing "filler" sa akda mo? Kapag tinanggal mo ba ito, walang malaking epekto sa kabuuan ng kuwento? Kung oo ang iyong sagot, panahon na para burahin iyan.

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaWhere stories live. Discover now