14: Totoong Tauhan

3 0 0
                                    

Kahit na sinong tao, maghahangad ng perpekto: mundo, buhay, at iba pang aspeto sa buhay. Pero ang problema . . . walang perpekto. Matatagpuan lamang iyon sa mga kuwentong hindi makatotohanan. Dahil . . . doon, magagawa ang mga hindi at bawal. Walang naglilimita kahit mayroong batayan na sinusunod.

At iyon ang hindi pinagbabawalan sa pagsusulat. Maaaring buwagin ang “batayan” na iyon. Kaya, umuusbong ang mga bagay na hindi pasok sa normal. Hindi nakasanayan. Bago.

Pero ang mga bagong ito ay malalaos dahil gagawin na rin ng iba. Hanggang sa kumalat na ito, at ang halos ay iyon na ang ginawang batayan. Pagdating sa dulo, magsasawa na. Maghahanap na ng panibagong lasa. Lasa na magiging simula para umulit lang ang takbo ng pinagtutularan at pinagbabasehang inspirasiyon.

Ganoon kapag hindi tunay. Minsan mo na bang naisip na ang katotohanan ay hindi lumalaganap at napapansin? Ang mas pinapaborang panig ay iyong pinamumugaran ng mga panlilinlang. Nauunang malaman ang kasinungalingan. At kahit naipaalam na nang klaro at pulido ang totoo, hindi na nabibigyan ng atensiyon. Dahil naubos na ang panahon, enerhiya, pag-iisip, at oras sa bagay na hindi naman nararapat paglaanan ng importansiya. Katulad na lamang ng mga ibinabalitang kaso na kinasasangkutan ng inosente, walang kasalanan, at biktima. Diniidin sila sa pangyayaring hindi nila obligasiyong paghirapan at pagdusahan.

Sa tauhan ng mga kuwento, walang puwang ang peke. Gayon pa man, kinahihiligan ng mga mambabasa ang “nakasanayan” sa platapormang pinagsusulatan ng karamihan: mga lalaking mala-diyos ang pustura at katawan, mga babaeng mahirap, lampa, mababang uri, at hindi nababagay sa komunidad ng magaganda, sopistikada, at matatalino, at ibang tao na walang ganap sa kuwento maliban sa pagpapatawa at pagpahingahan ng matitinding eksena pagkatapos.

Bakit ko nasabing peke? Ang sagot riyan, wala namang tao sa totoong buhay na puro ganiyan ang katangian. Hindi lang parating guwapo, kawawa, at maloko. Oo, may mga ganitong tao sa kung saang lupalop ng Pilipinas, pero hindi lang diyan makukuha ang katangian ng tauhan sa kuwento.

Isang nerd na babaeng pangit at nagkaroon ng pagbabago at naging maganda.

Lalaking walang ibang alam sabihin kung hindi ang magmura, na sinamahan pa ng pagsuntok sa pader at pag-igting ng panga. Kung hindi naman, hindi palakausap at tahimik lang. Daig pa ang pipi o namatayan ng minamahal sa buhay.

Tao na pinagkakaisahan pero magiging palaban habang dumadaloy ang kuwento.

Mga matalik na kaibigang walang sariling buhay. Iyon bang parang mga linta na laging nakadikit sa bida. Pero ang hindi kaaya-aya rito, hindi sila nabibigyan ng parte sa kuwentong iyon. Hanggang kaibigan lang.

Ang mga iyan ang ilan sa mga tauhan na malayo sa reyalidad. Ikaw ba, sa tuwing kinakailangan mo ang iyong kaibigan kapag may problema o malungkot ka, nandiyan ba palagi sa iyo? Hindi. Maaring nasa birthday-an siya, nag-out of town kasama ang pamilya niya, nagbakasiyon sa probinsiya, abala sa tambak na school works, nasa puder ng isa ninyo pang kaibigan, o may sariling problema ring kinakaharap. Ganoon. Minsan naman, sasarilihin mo ang iyong dinaramdam at kikimkimin na lang dahil ayaw makasagabal at maging pabigat sa iba.

Iyon ang nagaganap sa buhay natin. Hindi lamang umiikot sa pansariling kapakanan. At sa pagsusulat ng iyong mga tauhan, sana magawa mo iyon. Dahil dito sa paksang tinatalakay ko, ang magiging batayan ay ang pagkakaroon ng totoong tauhan.

Hindi Perpekto

Paano nga ba malalaman ang tauhan na hindi perpekto? Sa pagiging mahina, malungkutin, hindi kagandahang mukha o katawan, hindi katalinuhan, o sa pagkakaroon ng masamang ugali? Para sa akin, isa sa mga iyon ang basehan kaya hindi nagiging perpekto ang isang tauhan. Tao lang din sila. Hindi man makikilala o makikita sa personal, kailangang masabi na ganoon nga. Kahit hanggang “parang” lang.

Mga Payo NiyaWhere stories live. Discover now