Chapter 38: Pikit Na Tayo

177 27 3
                                    

Asher's POV

Nang maiwan ko si Nixon ay bigla namang tawag ni Tita Cora.

"Asher pumunta ka sa hospital bilisan mo. Si Cavs hinahanap ka. Kailangan ka raw niyang makita."

Pagkasabi niya iyan ay hindi ko na siya sinagot at dali-dali akong pumunta sa hospital. Malalim ang aking paghinga at hindi ako mapakali. Kinakabahan ako kung bakit may bahid ng takot ang boses ni Tita Cora.

Napalunok ako nang marating ang hospital. Ramdam ko kung gaano kalamig ang aking kamay at paa. Pumasok ako sa gusali at kaagad na pumunta sa kwarto ni Cavs. Sa labas ng kaniyang kwarto ay naghihintay sina Tita Cora, Lola Nora, at Papa. Naiiyak na ang tatlo kaya bumigat pa lalo ang aking nararamdaman.

Kagat-kagat ko ang aking labi nang pumasok sa kwarto ni Cavs. Nakahiga ito sa kama at kita ko kung paano siya mahirapan sa kaniyang paghinga. Inabot niya ang kaniyang kamay sa akin at hinawakan ko ito nang mahigpit at naupo sa kaniyang tabi.

"Apo ko, kamusta ka?" Hinabol niya ang kaniyang hininga pagkatapos ng kaniyang sinabi.

"Cavs, ayos lang ako." Sinuklay ko ang kaniyang buhok.

"Anak, kamusta kayo ni Nixon? Ayos na ba kayo? Kayo ng Papa mo?" Sunod-sunod na tanong ni Cavs habang hinihimas ang kamay kong hawak niya.

"Ayos na kami ni Papa, Cavs. Si Nixon kanina kinausap ko na. Galit yata siya sa akin, Cavs. Hindi na niya yata ako mahal eh." Sumandal ako sa headboard at umipod ako sa tabi ng ulunan ni Cavs.

"Nako hindi iyon galit sa iyo tsaka mahal ka no'n. Paano ko alam? Kasi nakipagkita siya sa iyo. Ikaw ang galit sa sarili mo, Anak..." Huminga nang malalim si Cavs. "Patawarin mo rin ang sarili mo, Anak. Paano ako aalis nito kung hindi mo pa kaya."

Kinagat ko ang labi at napailing. Magkasunod na pumatak ang aking luha mula sa aking mata. "Huwag mo iyan sabihin, Cavs. 'Di ba sabi mo pupunta ka sa graduation ko?"

"Pupunta naman talaga ako, Anak ko. Hindi puwedeng hindi ako makapunta. Kahit pa nasa Langit na ako pupunta at pupunta ako." Pinilit niyang ngumiti pagkasabi.

"Cavs..." Bumigat ang aking paghinga. "Huwag mo akong iwan. Magpapagaling ka pa 'di ba?"

"Anak..." sumandal siya sa aking braso. "Pagod na ang Cavs e. Pasensya na anak, ayaw ko ring iwan ka."

"Cavs naman..."

Pinahid ko ang luhang umagos sa aking pisngi. "Mahal kita, Lola. Mahal na mahal kita. Ikaw 'yung unang tao na nand'yan para sa akin. Hindi ko alam kung paano na ako tutuloy nito kung wala ka na sa tabi ko. Hindi ko kayang wala ka, Cavs.

"Shhh, tahan na ikaw anak ko ah pati tuloy ako naiiyak dahil sa iyo." Inangat niya ang kaniyang kamay at pinahid ang isang butil ng luha na pumatak mula sa kaniyang mata.

"Mahal na mahal din ikaw ni Cavs, Asher ko. Hindi kita papabayaan huwag kang mag-alala. Nandito lang ako para sa iyo. Tabi ka nga sa akin." Umipod siya kaya kusa akong nahiga at niyakap siya.

Humagulgol ako kakaiyak nang mayakap ko siya at ang tanging ginawa ni Cavs ay patahanin ako.

"Shh, taha na apo." Hinaplos niya ang aking braso at hinalikan ang aking pisngi.

"Puwede na bang pumikit si Cavs? Huwag kang matakot anak ah? Kayang-kaya mo iyan. Kahit ano pang mangyari sa buhay mo alam kong kaya mo." Sa sinabi niyang iyon ay wala na akong nasabi. Ramdam ko ang unti-unting pagbagal ng kaniyang paghinga.

"Pikit na tayo, Asher," saad niya.

"Proud na proud si Lola sa iyo..."

Isang nakakabinging katahimikan. Tumigil ang oras ng sarili kong mundo. Alam kong tumutunog ang makinang katabi ng higaan ni Cavs. Pumasok sina Papa at pati sila ay umiyak nang makita akong nakahiga sa tabi ng katawan ni Cavs.

"L-lola..." Pagsusumamo ko habang nanginginig ang aking kamay at patuloy pa rin sa pag-iyak.

Wala nang naging kibo si Cavs. Hindi ko pa kayang tanggapin. Hindi ko maramdaman ang sarili ko nang ibangon ako ni Papa mula sa higaan dahil dumating ang mga doctor. Niyakap ako ni Papa nang mahigpit habang kita kong yakap-yakap ni Tita Cora si Lola Nora.

Nang mga oras na iyon ay parang tumigil na ang mundo ko. At tanging isang alaala ang naglaro nang paulit-ulit sa aking isipan...

"Cavs, ayaw kong matulog." Lumingon ako kay Cavs nang hindi ako makatulog. Tanghali no'n at gusto niyang patulugin ako kaya tinabihan niya ako.

"Magpahinga ka, Anak ah. Matulog ka sa tanghali para tumangkad ka." Mahina siyang natawa.

"Eh hindi nga ako makatulog eh," pamimilit ko.

"Sige na apo..." Saglit siyang tumigil at niyakap ako. "Pikit na tayo, Asher."

Hanggang sa makauwi ay parang sirang plakang paulit-ulit kong pinanood ang alaalang iyon kung saan nakahiga kami sa sahig. Nakalatag ang banig at nakaibabaw rito ay ang malambot na kutsong paborito naming dalawa.

Nakaupo ako ngayon sa kusina. Hindi ko na namalayan kung anong oras na. Sinamahan lamang ako ni Tita Cora at naupo sa aking tabi.

"Alam mo hinintay ka ng Lola mo." Inayos niya ang magulo kong buhok.

"Sabi niya nung wala ka ay ayaw niyang umalis nang hindi nagpapaalam. Habang wala ka ay iyak siya nang iyak. Paulit-ulit niyang sinabi na hihintayin ka raw niya. Napatahan lang namin siya nung nalaman na natawagan ka na namin at pupunta ka na," saad ni Tita Cora.

Dahil sa kaniyang sinabi ay biglang buhos muli ng aking emosyon. Niyakap niya ako at hinaplos ang aking braso. Pinahid ni Tita Cora ang mga luhang kumawala sa aking mga mata.

Sobrang sakit, dahil aminin ko man sa sarili ko ay alam kong darating ang panahon na mangyayari ito ngunit hindi ko man lang inakala na ganito kasakit ang mangyayari. Para akong pinatay. Para akong nawala sa sarili ko. Hindi ko alam kung paano ako kakain, matutulog, o kung ano ang susunod kong gagawin.

Hinatid ako ni Tita Cora para patulugin. Ngunit hindi rin ako nakatulog. Nangulila ang buong bahay sa pagkawala ni Cavs. Buong araw na iyon ay walang oras na hindi lumuha ang bawat isa sa amin.

Napakadaya ng kapalaran. Napatitig na lamang ako sa kisame hanggang sa makatulog ako, at sa aking panaginip ang taong bumati sa akin ay ikaw, Cavs.

Dapit-Hapon Where stories live. Discover now