Chapter 35-Ang Tanong Na Walang Sagot

123 22 0
                                    




Ang mga araw ay nakakainip, ang oras naging maiksi.

Lagi akong nakaabang na makita muli si Francesca.

Mula ng halikan niya ako sa may bintana at tumatangis na nagtapat na nag-iba ang nararamdaman niya para sa akin ay napatunayan ko ang isang bagay na matagal ko ng alam—higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya.

Naalala ko ang pangako kay Stella--na siya lang ang mamahalin at pag-aalayan ng aking puso.

Nakonsensiya ako sa nangyari.

Habang pabalik sa tindahan ay gulong-gulo ang isip ko.

Bagamat natatakot sa maaaring mangyari lalo na kapag nalaman ni Pedro ang ginagawa namin ay nagpasya kami na itago ang lahat.

Nangingibabaw man ang pangamba ay ayaw namin bitawan kung anuman ang meron sa amin.

Inamin niya na noong una, ang akala niya ay dala lang ng pagdadalamhati at lagi naming pagkikita kaya nagbago ang tingin niya sa akin.

Ngunit habang lalo kaming nagiging malapit sa isa't-isa ay lumalim ang pagmamahal niya para sa akin.

Maraming beses niyang pinagnilayan ang nararamdaman.

Gusto niya masiguro na pag-ibig ang nasa puso niya at hindi dahil maligaya lang siya dahil sa kalinga na binigay ko sa kanya.

Kahit pagbali-baliktarin niya sa isip ang nangyayari, isa lang ang kinalabasan nito.

Ngayon lang siya nakadama ng ganito.

Hindi niya naranasan ang ganitong pananabik kahit kay Pedro o sa mga naging kaibigan niya.

Kakaiba ito kaya nakadama siya ng takot.

Pinagtapat ko na noong una ko siyang nakita sa tindahan ay may nabighani ako sa ganda niya.

Ang akala ko nga ay paghanga lang ang lahat.

Dahil hindi maipaliwanag kung bakit sobrang saya ko kapag magkasama kami ay hindi ko binigyang pansin ang tawag ng aking puso.

Baka nagkakamali lang ako.

Ang isang bagay na lagi kong naiisip ay baka ako lang ang nakakaramdam ng ganoon.

Wala akong kilala na tulad ko.

Kapag magkakasama sina Nanay at ang mga kaibigan niya ay laging magkaparehang babae at lalake ang pinag-uusapan nila.

Wala silang pinag-uusapan tungkol sa parehong kasarian.

Malimit din akong tanungin ng mga kakilala namin kung mayroon na akong napupusuan.

Ang iba pa nga sa kanila ay nagmungkahi na ipapakilala ako sa anak o di kaya sa kakilala nila.

Nanghihinayang sila lalo na at ayon sa kanila ay maganda ako.

Kapag nakahiga sa dilim at hindi dinadalaw ng antok ay naaalala ko ang sinabi sa akin ni Stella tungkol sa turo ng mga madre sa kumbento.

Maraming beses kong tinanong ang aking sarili kung mali nga ba ang nararamdaman ko.

Susunugin nga kaya ang kaluluwa ko sa impiyerno dahil sa mga kasalanang ginagawa ko?

Kung dati ay ang iniisip ko lang ay ang tungkol sa pagkakagusto sa kapwa babae ngayon ay nadagdagan ng isa pa—ang pakikiapid.

May asawa si Francesca.

Binanggit ko ito habang nakaupo kami sa may bintana ng hapon na iyon.

Nakalimutan ba niya na kasal siya kay Pedro?

UNA ROSAWhere stories live. Discover now