Chapter 1-Ang Nagambalang Pagtulog

887 39 0
                                    




Sa tulad ko na matagal ng nabubuhay, ang mga araw ay pare-pareho na lang.

Dahil siguro sa wala na akong ginagawa kundi ang mamalagi na lang dito sa bahay kung kaya hindi ko na makita ang pagkakaiba ng mga ito.

Gumigising ako na hindi alintana kung Lunes ba o Sabado.

Basta ang alam ko ay nandito pa rin ako sa mundo.

Hindi pa ako kinukuha ni Lord.

Ang panahon ay dumaan na sa aking kamay ng hindi ko namamalayan.

Sa dami ng mga naranasan ko ay isang malaking milagro na hanggang ngayon ay buhay pa ako.

Malimit kong tanungin ang Diyos kung may misyon pa siyang nakalaaan para sa akin.

Napapagod na rin ako.

Pero wala naman sa akin ang kapangyarihan kaya heto ako at matiyagang naghihintay.

Kung tutuusin ay puwede niya na akong kunin.

Matagal nang wala ang aking asawa ngunit hindi siya ang dahilan kung bakit gusto ko ng magpahinga.

Ang mga anak at apo ko ay maayos na ang kalagayan sa buhay.

Nariyan pa naman ang kanilang mga magulang upang patuloy silang gabayan sa kanilang landas.

Ang pagmumuni-muning ito ay dala ng pagkagambala ng aking tulog.

Nagising ako bandang alas-tres ng madaling araw na parang may pumukaw sa akin.

Napakislot ako sa higaan at animo'y may aninong nakamasid sa silid.

Pero wala naman akong kasama.

Ang stay-in nurse na nag-aalaga sa akin ay may sariling kuwarto.

Kung kailangan ko siya ay puwede akong tumawag sa intercom na pinakabit ni Romeo sa aking silid.

Kahit hindi naman iyon kailangan dahil malakas pa naman ang aking pangangatawan at kaya ko pang lumakad ay hindi siya pumayag.

Ang katwiran niya ay mas madali nila akong mapupuntahan kung meron akong kailangan.

Baka kung ano ang mangyari sa akin lalo na sa gabi at hindi ko maaninag ang dadaanan.

Hindi na ako nakipagtalo dahil wala na akong kontrol sa aking buhay.

Matagal na itong kinuha sa akin.

Napakurus ako kahit hindi sigurado kung may tao sa loob.

Tumingin ako sa bintana at sarado naman ito.

Nakapinid din ang pinto kaya pinilit kong kalmahin ang aking sarili.

Nananaginip lang siguro ako.

Kung dinalaw man ako ng mga taong matagal nang yumao ay wala naman silang puwedeng gawin sa akin.

At kung may masama man silang tangka ay hindi na ako manlalaban pa.

Ako pa mismo ang magsasabi sa kanila na isama ako kung saan man nila ako gustong dalhin.

Humiga ako ulit sa kama ngunit nanatiling nakatitig lang sa kadiliman.

Siguro binangungot ako?

Hindi ko maalis sa aking isipan ang anino ng tao sa aking panaginip.

Kaya lang hindi ko maaninag kung sino ba ang taong nakatingin sa akin.

Hindi tuloy ako mapakali.

Nananayo pa rin ang aking balahibo dahil sa takot.

UNA ROSAजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें