Chapter 34-Unang Halik

139 24 0
                                    




Ang pagdalaw ko kay Francesca ay pinagpapasalamat ni Tiya Caring.

Ayon sa kanya ay mabilis na nanumbalik ang sigla ng pamangkin.

Kapansin-pansin din na hindi na ito nagkukulong sa kuwarto.

Tinutulungan din siya na maghanda ng kakainin para sa pananghalian.

Pinagbabawalan niya ito na gumawa ng mabigat dahil baka mabinat pero hindi naman niya masaway.

Pati si Lola Lagring ay natutuwa na may kaibigan si Francesca.

Dahil lumaki sa Maynila, ang mga kakilala nito at kababata ay doon din nakatira.

Karamihan ay may sarili ng pamilya kaya hindi na sila nakakasama ni Francesca.

"Ikaw, Aurora? Wala kang balak mag-asawa?"

Nasa hapag kainan kami at pinagsasaluhan ang tinolang manok.

"Wala po sa isip ko ang bagay na iyan." Humigop ako ng sabaw.

Manamis-namis at may kaunting anghang ang lasa dahil sa sariwang papaya at dahon nang sili na hinalo ni Tiya Caring.

"Wala bang nanliligaw sa'yo?" Halata ang pagtataka sa boses niya.

Sumandok siya ng kanin at nanginginig ang kamay na nilagay ito sa plato.

"Mama, baka magalit si Aurora sa mga tanong ninyo?"

"Bakit naman? Gusto ko lang naman malaman kung bakit sa edad niya ay hindi pa siya nag-aasawa."

Tumingin sa akin si Francesca.

Marahan na umiling ang ulo na animo'y nahihiya sa pagtatanong ni Lola Lagring.

"Abala po kasi ako sa pamamahala ng tindahan."

"Kaya nga dapat mag-asawa ka para may mag-aalaga sa'yo." Winasiwas ni Lola ang kutsara.

Tumilamsik tuloy ang sabay.

"Ang bagay na iyan ay gawain ng mga lalake. Tayong mga babae ay dapat nasa loob ng bahay at inaasikaso ang ating kabiyak at mga anak."

"Itong si Caring," Tiningnan niya ang anak na hinihiwa ang hita ng manok, "kung hindi namatay ang kasintahan niya sa digmaan, malamang nag-asawa din iyan."

Nilapag ni Tiya Caring ang hawak na kutsara at tinidor.

"Mama naman. Dapat niyo pa bang banggitin ang tungkol sa bagay na iyan? Kumakain tayo. Nakakawalang gana." Iritadong sabi niya.

"Ano naman ang masama, Carina? Bukod sa matagal nang namayapa si Sergio ay nag-aalala ako. Kapag wala na ako, sino ang mag-aalaga sa'yo?"

"Kaya ko ang sarili ko, Mama." Pagmamatigas ni Tiya Caring.

"Alam ko pero malungkot ang mag-isa. Nang mamatay ang papa mo, naging mahirap sa akin dahil bukod sa siya ang nag-aasikaso sa lahat ay siya rin ang matalik kong kaibigan. Ang akala ko talaga ay sabay kaming tatanda. Kung nakinig lang siya sa akin na maghinay-hinay sa pag-inom at paninigarilyo di sana magkasama pa din kami ngayon." Dama ang pangungulila ni Lola Lagring sa yumaong asawa.

"Mawalang-galang na pero ano po ba ang kinamatay ng asawa ninyo?"

"Nadulas tapos nabagok ang ulo."

"Po?" Naguguluhang tanong ko.

Akala ko kasi nagkasakit dahil sa alak o sigarilyo.

"Nag-inuman kasi ng mga kumpare niya. Pauwi na siya noon at madilim ang kalsada. Hindi niya napansin na maputik ang tatapakan niya. Hayun. Nadulas ang isang paa tapos nawalan ng balanse. Pagbagsak niya ay tumama sa bato ang ulo."

UNA ROSAWhere stories live. Discover now