Chapter 32-Ang Usapin Tungkol Sa Pag-aasawa

Start from the beginning
                                    

Payo ni Francesca na gamitin ko bago ako matulog para mabawasan ang panunuyo ng mga kamay ko.

Ang sabi ni Nanay ay masuwerte ako kay Francesca.

Bukod sa maganda at mabait ay labis na maalalahanin.

Habang lalong nabubuo ang tiwala niya sa akin ay nagiging bukas siya sa pagkukuwento tungkol sa buhay nila ni Pedro.

Mabait ito ngunit ang hinaing niya ay wala na itong ginawa kundi ang magtrabaho.

Malimit ay ginagabi ito sa pag-uwi dahil sa dami ng inaasikaso.

Lagi itong pagod kaya saglit lang sila nagkakausap dahil mas gusto ni Pedro ang matulog.

Sinabi niya na baka ang isang dahilan kung bakit pumayag din ito na dito siya sa Cavite mamalagi ay para matutukan nito ang negosyo.

Nagtatalo kasi sila lalo na kapag napagsasabihan niya si Pedro kapag malimit gabihin sa pag-uwi.

"Naiintindihan ko naman kung bakit niya ginagawa ang mga bagay na ito. Bukod sa pinagkatiwalaan siya ni Papa na mamahala sa negosyo namin ay gusto niya na bumukod na kami sa mama niya."

"Ngunit hindi ko maiwasang magselos dahil daig ko pa ang may kaagaw sa atensiyon niya. Ang lahat ng oras niya ay nakatutok sa trabaho."

"Habaan mo ang pasensiya mo. Ganyan talaga kapag nagsisimula pa lang sa buhay. Kailangan ang sakripisyo."

"Alam ko naman iyon. Pero hindi ko maialis ang malungkot lalo na kapag may masakit sa akin dala ng pagbubuntis."

"Sinasabi mo ba kay Pedro ang mga bagay na ito?"

"Oo naman. Nagalit nga siya sa akin dahil ang dami niyang iniintindi tapos dumadagdag pa ako."

Nalungkot ako sa narinig.

"Basta kung kailangan mo ng kausap, alam mo kung saan ako hahanapin."

Ngumiti na siya at umalwan ang mukha.

"Mabuti na nga lang at nandito ka. Kahit papaano ay nalilibang ako."

Bukod sa mga pagdalaw tuwing Linggo sa tindahan ay naisama ko na din si Francesca sa bahay namin.

Gusto niyang makita ang bukid kung saan nakatanim ang ibang bulaklak.

Hinatid kami ni Tatay at pagkatapos manggaling doon ay niyaya ko siya sa kubo para makapagmeryenda.

Tulad ni Stella ay wala akong narinig tungkol sa payak naming tahanan.

Pinaupo ko siya sa labas dahil lumalaki na ang tiyan niya at nahihirapan na siyang maglakad.

Dinalhan ko siya ng kape at puto na hinanda ni Nanay.

Nabanggit niya na kapag kabuwanan na niya ay babalik sila sa Maynila upang doon manganak.

"Gusto sana ni Lola at ni Tiya Caring na dito na lang ako manganak para mabantayan nila ako pero hindi pumayag si Pedro at si Papa. Nasa Maynila kasi ang doktor namin."

Pinangako niya na kapag malakas na siya ay dadalaw sila sa Cavite para makita ko ang kanyang sanggol.

"Alam niyo na kung ano ang ipapangalan sa bata?"

Tumango siya.

"Gustong isunod ni Pedro sa pangalan niya kung lalake. Kung babae naman, Stella."

Natigilan ako sa pagsubo ng puto.

"Bakit parang nagulat ka?"

"Wala naman." Pagkakaila ko.

"Dalawa ang magiging pangalan niya."

"Dalawa?"

"Oo."

"Ano pa ang isa?"

"Rosa. Ang buong pangalan niya ay Stella Rosa Luna Concepcion."

Tumigil siya sa pagkain at seryosong tumingin sa akin.

"Ikaw pala, Aurora. Kailan mo balak mag-asawa?"

Nahirinan ako sa tanong niya.

Inabot ko ang baso ng tubig at uminom.

"May nasabi ba akong masama?" Nag-aalalang tanong niya.

"Wala naman. Nagulat lang ako."

"Ano naman ang nakakagulat sa tanong ko?" Tinitigan niya ako.

"Tingnan mo." Inangat niya ang kamay at hinawakan ako sa pisngi.

"Maganda ka. Makinis ang morenang kutis. Ang mga mata mo, bilog na bilog at parang lagi kang nakangiti. Ang buhok mo, itim at makapal. Bukod diyan sobrang bait mo. Idagdag pa ang pagiging masipag at matagumpay na negosyante. Sa murang edad ay nagawa mong palaguin ang negosyong ito. Huwag mong sabihin na walang nagpapakita ng interes na manligaw sa'yo?"

"Mayroon naman kaya lang wala pa sa isip ko ang bagay na iyan."

"Dahil ba sa Una Rosa?"

"Kasama na iyan sa dahilan. Gusto ko munang tulungan ang pamilya ko. Alam ko na hindi pangkaraniwan na sa edad kong ito ay wala pa akong sariling pamilya pero may pangarap pa kasi ako na gustong tuparin."

"Ano ba ang pangarap mo?"

"Ang yumaman."

"Hindi nga?"

"Totoo. Bata pa ako, iyon na talaga ang gusto ko."

Ang hindi ko maamin sa kanya ay ang tungkol sa amin ni Stella.

Hangga't maaari din ay iniiwasan ko ang pangako ko sa Diyos.

Ang lagi kong dasal sa gabi ay huwag munang dumating ang lalake na nakatalaga sa akin.

Kapag nangyari kasi iyon ay hindi ko alam kung ano ang gagawin.

"Naiintindihan ko kung bakit mas pipiliin mo ang negosyo kesa sa pag-aasawa."

"Talaga? Paano? May kaya ka sa buhay. Hindi tulad ko na mahirap lang."

"Nang manligaw kasi sa akin si Pedro ay hindi ako handa. Isa pa, kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Pero kinausap ako ni Papa. Sinabi niya na tanggapin ko si Pedro. Bukod sa kilala na namin ang isa't-isa ay galing din siya sa maayos na pamilya. Magkaibigan si Papa at ang ama ni Pedro. Nakakita sila ng oportunidad lalo na pagdating sa negosyo. Isa pa, nag-aalala din si Papa kung sino ang mag-aalaga sa akin kung may mangyari sa kanya. Dahil kilala niya si Pedro at ang pamilya nito, kampante siya na hindi ako nito pababayaan."

"Pumayag ka dahil diyan?"

"Mabait din naman siya. Oo at sobrang tahimik pero inaalagaan niya ako."

"Mahal mo ba siya?"

"Kaibigan lang talaga ang tingin ko sa kanya noong umpisa. Pero ang sabi sa akin ni Papa, matututunan ko ding mahalin si Pedro. May pundasyon na kami kasi bata pa lang ay magkaibigan na kami."

"Ngayong kasal na kayo, nagbago na ba ang pagtingin mo sa kanya?"

"Mas nangingibabaw pa din ang pagiging magkaibigan namin. Sapat na dahilan na rin siguro iyon para hindi na ako maghanap pa ng kung ano. Maswerte ako na siya ang napangasawa dahil gusto niya na magkaroon kami ng magandang kinabukasan."

Maraming tanong ang pumasok sa isip ko.

Ngayon ko lang kasi narinig ang tungkol sa mga ganitong bagay.

Puwede mo palang pakasalan ang isang tao kahit hindi mo sila iniibig?

Posible pala ang ganoon lalo na kung may kinalaman sa negosyo?

Salapi rin ba ang labanan pagdating sa usaping puso?

Pagkatapos magmeryenda ay hinatid namin pauwi si Francesca.

Nang sumunod na linggo ay inabangan ko ang pagdating niya.

Ngunit lumipas ang mga araw hanggang naging buwan ngunit walang Francesca na dumating.

Dahil nag-aalala ay naisipan ko siyang sulatan.

Ang natanggap na tugon ay nagdulot sa puso ko ng matinding alalahanin.

UNA ROSAWhere stories live. Discover now