Chapter 16-Ang Alok

Start from the beginning
                                    

Hinabol ko silang dalawa.

Kapag nahuli ko ang isa ay pilit kong inaagaw ang korona na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan.

Tawa ng tawa si Stella kapag nahuhuli ko.

Malakas kasi ang kiliti niya sa tagiliran.

Pinapagalitan siya ni Gabriela kasi hindi dapat matawa kapag nahuhuli ng kalaban.

Baka isipin ng Langosta na gustong-gusto niya maging bihag.

Lalo lang inaatake ng pagtawa si Stella kaya nauuwi sa kilitian ang laro namin.

Paano ko siya makakalimutan kung ang isang tag-araw sa buhay ko ay puno ng kanyang ala-ala?

Dapat pa ba akong matuwa na alam ko na mahal niya din ako?

Ano pa ang saysay ng pagmamahal na iyon ngayong wala na ang taong dapat kong pag-alayan nito?

Minsan narinig ko na nag-uusap ang aking mga magulang.

May isa kaming kapitbahay na onse anyos pa lang ay umiibig na daw sa isang magsasaka na bente anyos ang tanda sa kanya.

"Pag-ibig ba na matatawag iyon? Ang bata pa niya? Ano ba ang alam niya tungkol sa mga bagay na iyan?" Halata kay Tatay ang pagkairita.

"Bakit tayo? Dose anyos lang ako nang magkagusto sa'yo?"

"Pero hindi naman ganoon kalayo ang agwat ng edad natin. Dose ka at kinse naman ako."

"Kahit na. Bata pa din naman tayo. Ano ang pinagkaiba sa kanya?"

"Ang pinagkaiba ay sobrang laki ng agwat ng edad nila. Puwede niya ng maging tatay ang lalake. Kung ako ang magulang niya ay babantayan ko siyang maigi para hindi siya mapagsamantalahan. Mahirap na."

Natigil ang usapan nila dahil sumulpot galing sa likuran ng kubo.

Bumalik sa ala-ala ko ang usapan nila.

Bata pa din naman ako.

Pareho kami ni Stella.

Ngunit alam ko na noong una ko siyang makita ay may nagbago sa akin.

Hindi ko ito maipaliwanag.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang sagot.

Ngunit batid ko na kapag kasama ko siya ay walang pagsidlan ang ligayang nararamdaman ko.

Isang linggo pagkabalik ni Gabriela sa Maynila ay nilapitan ako ni Doña Alba.

Hapon noon at dinidiligan ko ang mga bulaklak.

Napalingon ako ng marinig ang mga yabag niya.

May hawak siyang puting sobre at niyaya niya akong maupo sa bangko.

Babasahin niya ang sulat ni Gabriela.

Nasasabik na binitawan ko ang pandilig at tumabi ako sa kanya.

May mga bahagi ng liham na nilaktawan niya.

Kung anu-ano daw kasi ang hinihingi ni Gabriela na ipadala sa kanya sa kumbento.

Binanggit niya ang sinabi ni Doña Patricia tungkol sa mga rosas na binigay ko.

Ayon sa sulat ay nagandahan siya sa mga rosas bukod sa mabango at malambot ang mga talulot.

Kahit hindi niya ako kilala ay dama niya ang pag-aalagang ginawa ko sa mga rosas.

Masaya si Doña Patricia dahil hindi niya inaasahan na may naging kaibigan si Stella nang magbakasyon sa hacienda.

"Ang sabi pa dito ay gusto ni Doña Patricia na igawa mo siya ng tatlong bungkos ng mga rosas. Ibibigay niya ito sa mga kaibigan na nakiramay noong libing ni Stella. Babayaran ka niya."

"Po?"

Bakit kailangan niya magbayad?

Pinaliwanag sa akin ni Doña Alba kung bakit.

"Bihira lang kasi ang may ganitong klaseng rosas. Isa pa, sa Maynila, nagbabayad ang mga tao kapag gusto nila ng magandang bulaklak tulad nang binigay mo sa mama ni Stella."

"Ganoon po ba? Hindi puwedeng bigay lang?"

"Puwede naman." Tumawas siya.

"Pero alam ni Doña Patricia na pinagpaguran mo ang binigay mong bulaklak. Inayos mo ang mga rosas tapos sinigurado mo na may sapat itong tubig para manatiling sariwa."

Pinatong niya ang isang kamay sa balikat ko.

"May angking talento ka pagdating sa mga rosas at paghahalaman, Aurora."

"Ngunit paano ko po maibibigay sa kanya ang mga bulaklak? Hindi naman po sa akin ang mga rosas? Kayo po ang may-ari nito at hindi ko puwedeng ibenta kung hindi kayo papayag."

"Hindi mo pa naman ako tinatanong kung payag ako o hindi."

"Payag po ba kayo? Ibibigay ko po sa inyo ang bayad niya. Isa pa, hindi ko po alam kung magkano ang isisingil ko sa kanya. Hanggang dalawampu lang ang kaya kong bilangin."

"Marunong ka ng bumilang?" Nagulat siya sa tinuran ko.

"Opo. Tinuruan po ako ni Stella. Dapat nga po ituturo niya sa akin ang iba pero..." Hindi ko na tinuloy ang sasabihin ko.

May bumara sa dibdib ko.

"Kung gusto niya talaga bumili ng mga rosas, tutulungan kita."

"Sa inyo na lang po ang bayad kasi kayo naman po ang may-ari ng mga bulaklak." Nilibot ko ng tingin ang malawak na hardin.

"Nakalimutan mo na ba ang sinabi ko sa'yo noong una kong makita na binuhay mo ang hardin?"

Tiningnan ko lang siya.

Hindi ko na kasi matandaan.

"Hindi ka yayaman kung libre ang serbisyo mo."

Gusto ko yumaman pero bago niya binasa ang sulat ay hindi ko naisip na may taong magbibigay sa akin ng pera kapalit ang mga bulaklak na ako mismo ang nag-alaga.

"Alam ko na bata ka pa pero nakikita ko sa'yo ang sipag at tiyaga. Kakausapin ko ang mga magulang mo."

"Bakit po?" Kinabahan ako bigla.

"Pag-aaralin kita."

"Ano po?"
"Hindi ko alam na marunong ka ng bumilang. Marunong ka din sumulat?"

"Konti po. Tinuruan din po ako ni Stella."

"Alam mo ang Abecedario?"

"Ano po iyon?"

"Ang alpabeto."

"Kaunti lang po. Di ko po masyado maalala kasi hindi ko naman masyado ginagamit. Binigyan po ako ni Stella ng kopya."

"Walang problema."

"Paano po ang hardin kapag nag-aral na ako?"

"Huwag mo silang alalahanin. Puwede mo pa din silang alagaan pagkatapos ng klase. Ang mahalaga ay unahin mo ang mga leksiyon."

"Paano po kung hindi pumayag si Tatay?"

"Ako ang bahala sa kanya. Ang tanong, gusto mo ba mag-aral?"

Masinsinan ang tingin na ginawad niya sa akin.

Kahit hindi ko alam kung papayag si Tatay, alam ko kung ano ang sagot ko.

"Opo."

Pag-alis ni Doña Alba ay hindi ako makapaniwala sa nangyari.

Nanatili akong nakaupo at tumingala sa kalangitan.

Sa isip ay kinausap ko si Stella.

"Isa kang malaking biyaya sa buhay ko."

UNA ROSAWhere stories live. Discover now