Chapter 1-Ang Nagambalang Pagtulog

Start from the beginning
                                    

Para kasing totoo na may kasama ako sa kuwarto.

Bukod sa hilakbot ay naiinis din ako.

Hirap na kasi ako makatulog.

Ganito na yata talaga kapag matanda na.

Masuwerte kung umabot sa limang oras kada gabi ang tulog ko.

Para akong manok na maya't-maya ay dumidilat.

Kaunting kaluskos lang ay naaalimpungatan na ako.

Inaninag ko ang orasan na nasa tukador.

Hindi nakatulong na ilang minuto pa lang ang lumipas mula ng bumalik ako sa higaan.

Biglang pumasok sa isip ko ang nalalapit kong kaarawan.

Sa loob nang isang linggo ay seventy-five years old na ako.

"Akalain mo iyon." Bulong ko sa dilim.

"Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay, umabot pa ako nang ganito katagal. Samantalang karamihan sa mahal ko sa buhay ay matagal ng namayapa."

Pinanganak ako ilang taon matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.

Tubong-Cavite ang aking pamilya.

Lumaki ako sa hirap at hindi nabiyayaan ng masayang buhay may asawa.

Ngunit sadyang may awa ang Diyos dahil sinuwerte naman ako sa mga anak at apo.

Maraming pagsubok ang aking napagtagumpayan.

Ngunit kapag nalalapit ang araw ng aking kaarawan ay walang mintis na sumasagi sa isip ko ang isang tao.

Iyon nga lang.

Hindi ko alam kung buhay pa siya.

Matagal na kasi kaming walang komunikasyon.

Ganunpaman ay gusto kong malaman kung nasaan ang mga anak niya.

Nais ko silang makita at makausap.

Nananatiling buhay sa puso ko ang pag-asa na sana ay makahingi ako ng kapatawaran.

Kung hindi man sa kanya ay sa pamilya niya.

Sa makabagong panahon ay maraming paraan para hanapin ang isang tao.

Ang mga apo ko ay laging nakatutok sa cellphone.

Sila din ang nagturo sa akin sa tinatawag na social media.

Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan i-broadcast ang personal nilang buhay sa mga tao na hindi nila lubusang kilala.

Pati ang mga pagkain at lugar na pinupuntahan ay sini-share nila sa kanya-kanyang account.

Online presence ang tawag doon sabi ng mga apo ko.

Kailangan iyon para maparami ang tinatawag nilang mga followers.

Si Hesus ba sila at meron silang mga disipulo na tagasunod?

Tawa nang tawa ang mga apo ko nang sabihin ko iyon.

Napakadali na lang sa panahon ngayon na makipag-usap sa isang tao pati na sa mga estranghero.

Nakakatakot din dahil paano kung may masama palang tangka ang mga taong nakakahalubilo mo sa Internet?

Pero kahit hindi ko masyado maintindihan ang bagay na ito ay pinag-aralan ko pa din dahil may gusto akong mahanap.

Alam ko na lima ang naging anak niya ngunit ang dami nilang kapareho ng pangalan.

Kapag tinitingnan ko ang mga profile pictures, hindi naman ako sigurado kung sila nga ba ang taong hinahanap ko.

Hindi ko sila nakita kaya hindi ko alam kung ano ang mga itsura nila.

Sa bawat paghahanap ay nabubuo ang pag-asa ko.

Ngunit ang bawat pagtatangka ay sinasalubong ng kabiguan.

Lumiit ang pag-asa ko na makamit ang aking kagustuhan.

Kalaunan ay inisip ko na mas makabubuti kung tanggapin ko na lang ang mga nangyari.

Hindi ko na siguro talaga siya makikita.

Baka ito na talaga ang aking kapalaran.

Ang manatiling nagtatanong kung ano na ang nangyari sa kanya sa paglipas nang panahon.

Siguro kung kinausap ko siya noon ay baka nagkaroon ng tuldok ang kuwento namin.

Pero may dahilan kung bakit nagawa ko ang bagay na iyon.

Hanggang ngayon ang desisyon na iyon ay nagpapabigat pa din sa aking puso.

Noong panahon na iyon ay puno ng balakid ang aming pag-iibigan.

Wala sa kapalaran namin ang tinatawag na happy ever after.

Sa fairy tales lang nangyayari ang bagay na iyon.

Nababasa sa mga libro at napapanood sa mga pelikula.

Bihira o hindi nangyayari sa tunay na buhay.

Kapag naiisip ko siya ay may kakabit na lungkot akong nadarama.

Ganito na ba ako kapessimistic dahil sa mga nangyari sa buhay ko?

Ang dating hindi basta-basta sumusuko sa mga pagsubok at hindi nawawalan nang pag-asa ay isa ng miserableng matanda?

Ang kapalit nang pagkawala ng aking kalayaan ay ang pagkawala din nang aking katauhan.

Bago pa ako tuluyang lamunin ng pagsisisi at panghihinayang ay minabuti ko na bumangon na.

Tumagilid ako at tinukod ang kanang kamay sa gilid ng kama.

Dahan-dahan akong bumuwelo at narinig ang paglagutok nang buto sa braso.

Pati ang aking mga kasu-kasuan ay nagpapaalala na hindi na talaga ako bata.

Kinapa ko ng paa ang malambot na sandals at sinuot.

Bago tumayo ay nagdasal muna ako.

Hindi ko pa man sinisimulan ang sasabihin ay tiyak ko na alam na ng Diyos ang laman ng aking isip.

Iisa lang naman kasi ang aking hiling kapag malapit na ang aking kaarawan.

Matagal ko na din siyang hindi kinukulit tungkol dito.

Ngunit sa pagkagambala ng aking tulog ay bumalik sa isip ko ang matagal ko ng hiling.

Sana sa nalalapit kong kaarawan ay magkaroon ng sagot ang aking tanong.

Mabigyan sana ako ng pagkakataon na maibahagi sa kanya o kahit sa isang tao man lang na malapit sa kanya ang katotohanan na matagal kong kinimkim sa aking puso.

Gusto kong malaman niya na hindi ko siya nakalimutan.

Kahit matanda na ako at nawalan ng kalayaan ay nanatili siyang buhay sa aking puso at isipan.

Bago ko sana lisanin ang mundong ito ay maibahagi at mapakawalan ko ang bagay na iyan.

Sa ganoong paraan manunumbalik ang aking kalayaan.

UNA ROSAWhere stories live. Discover now