Lascivious Casanova 35

30.1K 744 128
                                    

(LC) Chapter 35




Nakaramdam ako ng presensya ng tao sa aking likuran. Lumabas si nanay para kunin ang ibang mga lalabhan. Kaya hindi na ako nagulat na lumitaw sa mukha ko si Jax.

Nasa harapan ko ang malaking batya na puno ng bula at mga labahin. Nakaupo ako sa kulay itim na bangkito. Kumuha siya ng itim na upuang monoblock at pumwesto sa harapan ko. Sa tapat ko, sa kabilang bahagi ng batya.

Nakabukaka siya't pabaliktad na naupo roon. Ganoon ding baliktad ang suot niya sa puti na baseball cap. Pahalang na nakapatong sa sandalan ng inuupuan niya ang isa niyang braso. Ang isa ay nakatukod ang siko sa kaparehong sandalan at nakapangalumbaba. Pinapanuod niya akong mag-iskoba nang masulyapan ko siya.

"Ang ganda ng asawa ko..."

Tinaliman ko siya ng tingin nang mahuli kong titig na titig siya sa nakalabas kong cleavage sa halip na sa aking mukha. Nakapinta ang ngisi sa labi niya at may pinaglalaruan siyang candy sa loob ng bunganga niya.

Binitawan ko ang iskoba at inayos ang damit ko. Nang yukuin ko kasi iyon nakita kong umaalog ito sa bawat paggalaw ng braso ko. Sumisilip din mula roon ang itim kong bra dahil mababa ang neckline ng suot kong blouse. Nabasa na rin ako kaya't bumakat na ang ilang bahagi ng aking katawan.

"Umalis ka nga rito!" Sabay hagis sa kanya ng bula na ikinatawa niya ng malakas. Tumayo siya para hindi siya maabot ng bula.

"Tutulong ako!" Humalakhak siya. Pinanliitan ko siya ng mga mata.

"Na ganyan ang suot mo? Walang maglalaba na nakaganyang porma Jax! Saan ka pupunta? Sa mall?!"

Kaya siguro matagal bago siya nakababa. Nag-ayos pa yata ng buhok dahil nang hubarin niya ang sumbrero niya'y nakataas iyon at halatang ilang beses na pinasadahan ng kamay at wax. Nakaputi siyang damit na nakakapanghinayang dumihan. Nakapantalon siya at naka-sapatos pa! Akala mo naman may dadaluhan siyang pictorial, eh dito lang naman sa labahan ng mansion nila siya pupunta!

"Kailangan nakaporma ako. Aakyat kasi ako ng ligaw... Gusto mo ipag-igib kita?" Nagawa pa niyang ngumisi kahit masama ang tingin ko sa kanya.

Umangat ang gilid ng labi ko at walang laman na tumawa. Nasa kanya ang mata ko nang itinuro ko sa kanya ang hose na pinanggagalingan ng tubig. Mahaba iyon at kahit ilang metro ang layo ko sa gripo'y hindi ako mawawalan ng tubig.

"Bumalik ka sa nineteen-forties Jax! Baka doon may mapag-igiban ka! Mangharana ka na rin at magsibak ng kahoy kung gusto mo!"

Nag-isang linya ang labi ko. Umirap ako. Natawa siya.

"Ayoko nga! Wala ka naman doon-"

Sinabuyan ko ulit siya ng bula hindi pa man siya natatapos. Naiwasan niya iyon at nang-aasar na tinawanan na naman ako. Tuwang tuwa pa siya na akala mo'y nakikipaglaro lamang ako.

"Bakit ang sungit mo? Hindi pa ba natatapos ang regla mo?" Mas lumutong ang tawa niya dahil sa pagsimangot ko.

Sa pangatlong beses, hindi na bula ang hinagis ko sa kanya. Tubig na na galing sa batya na puno ng sabon. Nabasa siya sa braso dahil mabagal ang pag-iwas niya sa pag-aakalang bula lang ang isasaboy ko.

Nagmura siya. Natawa ako at hinayaan na makalapit siya sa akin upang makapaghugas ng braso.

"Gusto mo ba talagang tumulong?" Tanong ko habang pinapanuod siyang linisin ang sariling braso.

"Oo nga!"

"Sa pagsampay ka na lang tumulong. Mataas kasi 'yong sampayan at mahirap isampay ang mga bed sheets. Kami na lang ni nanay ang magsasabon at magbabanlaw."

Lascivious Casanova (R-18) (Erotic Island Series #7)Where stories live. Discover now