7) Kodak

927 82 11
                                    

Kabanata 7 - Kodak

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 7 - Kodak


Rinig na rinig hanggang sa tabi ng ilog ang sigaw ni Nanay. Kapag ganon kalakas ang pagtawag sa akin ni Nanay ay ibig sabihin may nagawa akong hindi maganda. Naalala ko na pinaghuhugas niya pala ako ng pinggan at pinapakuha niya rin sa akin ang mga sinampay. Nakalimutan kong gawin kasi excited akong nagtungo sa tambayan dahil kinakabisado namin ang kantang Wake Me Up Before You Go-Go ng Wham!

"Lagot ka, Maruha! Mapapalo ka na naman ng walis tambo ng nanay mo" pang-aasar sa akin ni Gil. Hindi ko siya pinansin dahil busy ako sa pagsuot ng tsinelas ko at napigtal pa ito sa pagmamadali ko. Nakita ko namang nag-aalala sa akin sina Simeon at Teresa. Hindi na ko nakapagpaalam sa kanila dahil nararamdaman ko na papaluin ako ng walis tambo ng nanay ko sa pwetan ko.

Naabutan kong nag-aayos sina Nanay Julieta at Kuya Monching. Muntikan na kong mapalo ng walis tambo sa pwet, mabuti na lamang ay mabilis akong nakaiwas. "Ikaw talagang bata ka! Bakit hindi ka pa nag-aayos ng iyong sarili?" bulyaw sa akin ni Nanay.

"Saan po ba tayo pupunta?"

"Lintek ka talagang bata ka! Ngayon ang kaarawan ng Tito Julio mo!" papaluin pa sana ako ni Nanay nang mabilis akong nagtago sa likod ni Kuya Monching. Napaaray naman si kuya dahil siya ang natamaan.

Nakalimutan ko na ngayon pala ang birthday ni Tito Julio na panganay na kapatid ni Nanay at sa San Juan gaganapin ang kaarawan niya.

"Hindi po ako sasama"

"At bakit naman?"

"Ah-eh may gagawin pa po kasi akong mga takdang-aralin" palusot ko.

Ang totoong dahilan talaga kung bakit ayaw kong sumama sa San Juan ay ayaw kong makita ang mga laitera kong tita. Tuwing reunion kasi ay palagi nila akong ikinukumpara sa mga anak nilang mga babae. Palagi rin nila akong sinasabihan na sa aming magpipinsan, ako raw ang maagang mabubuntis. Nakikita rin nila na wala raw mangyayari sa akin balang-araw. Matutulad daw ako kay Kuya Mochning na pagkatapos magkolehiyo ay mahihirapan maghanap ng trabaho at magiging tambay. Nagsasawa na rin akong pakinggan ang mga pinagmamalaki nilang matataas na grades at achievements ng mga anak nila na nakukuha ng mga ito sa eskwelahan. Iyon din ang palagi nilang dinadada. Para silang mga sirang plaka. Akala naman nila ay maiinggit ako sa aking mga pinsan. Kaya lang naman mataas ang mga grado ng mga anak nila kasi nagdo-donate sila ng electricfan at kurtina sa eskwelahan at dinadalhan din ng meryenda ng aking mga pinsan ang mga guro nila. Mga sipsip at plastikada.

"Paano kung nandon si Aga Muhlach?" tanong sa akin ni Kuya Monching na abalang naglalagay ng gel sa buhok nito. Mukha itong dinilaan ng kalabaw.

"Ano naman ang gagawin niya roon?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Wala naman kasi kaming kamag-anak na mayor o celebrity para magpunta si Aga Muhlach sa birthday party ng tito ko.

UGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon