Sa aking paglitaw at pagharang, ang ilusyon ay nawasak at naglaho.

"Sumuko na kayo!" sigaw mula sa espasyo. "Wala na kayong magagawa pa!"

Ang Zukos ay muling dumagundong. Sa isang iglap, ang mga hampas ng hangin ay huminto, at ang aming katawan . . . ay bumigat.

Ang aking mga kasama!

Ang mga Replika ni Corvus ay nalusaw, ang mga ilusyong Dark Majesty ay naglaho. Humigpit ang hangin sa paligid . . . at naglaho.

Malakas na pagbagsak ang humatak ng atensyon ng lahat, at sa sentro ng entablado ay natagpuan namin ang duguang katawan ni Lorcan. Nagliliwanang na diyamanteng patalim ang nakabaon direkta sa kanyang dibdib.

Umangat ang sigaw sa paligid, at maging mula sa akin, subalit maging ang tunog ay tila naglaho. Ang aking enerhiya ay mabilis na kumawala at nalagas taliwas sa aking kagustuhan. Ang aking kaluluwa ay tila ba nahatak palabas ng aking katawan.

Kami ay bumagsak mula sa pagkakatayo.

"Nagkamali ang inyong Bathala na magbigay pa ng suko, dahil maging siya ay walang kakayahang labanan ako!"

Sa pag-angat ng kanyang boses ay higit humigpit ang pagkakasakal sa aking dibdib. Ang aking baga ay nagsara.

Gumuhit ang panibagong patalim ng liwanag tungo sa Dark Majesty, subalit sa isang munting kumpas lamang ang patalim ay huminto at nalaglag. Ang liwanag nito'y naglaho.

Panibagong mga patalim. Bago ang pagmumpas ng Dark Majesty ay pinakawalan ko ang naipon kong enerhiya.

Malakas na angil mula sa Dark Majesty. Nakakabulag na liwanag mula sa akin. Hindi na ako nag-isip pa at mala-kidlat na bumulusok sa kanya.

Isang kidlat. Ako ang kidlat.

Malakas na pagsabog ang tangi kong natuklasan mula sa aking pagsalpok sa napakatindi nyang enerhiya. Lumabo ang paligid sa aking paningin, at ang aking pagbulusok na lamang ang tangi kong nabatid.

At ang malakas na pagsalpok.

Ang pagkawala ng hangin.

Ang pagkalagas ng aking enerhiya.

Lumitaw sa aking harapan ang itim na enerhiya. Ang Dark Majesty! Dumiin ang bigat sa akin, hindi ko magawang labanan ang pagbagsak.

"Tingnan mo ang iyong mga kasama."

Ang aking ulo ay umangat dulot ng isang puwersa. Itim na mga usok ang aking natagpuan sa kabuuan ng malawak na entablado, matutulis at mababagsik, namamayani sa buong paligid, matayog at nagpatuloy paakyat sa Zukos. At sa sahig ay natagpuan ko ang aking mga kasamahan. Paralisado . . . naghihingalo.

"Kung ikaw ay napaniwala nilang maisasalba pa nila ang mundong ito, at ang iyong mahinang mundo, malaking pagkakamali iyon."

At marahil ay tama siya. Ang kanyang puwersa sa akin ay nakabalot sa aking buong katawan, mahigpit sa aking ugat, at mas tumitindi habang akin itong nilalabanan.

Pinilit kong mapanghawakan ang enerhiya ng aking liwanag, subalit ang atensyon ng Dark Majesty ay nakapukaw sa akin, ang aking mga kasama ay bagsak at paralisado.

Bagsak sa aking tuhod, nagsimulang sumabog ang dilim sa sulok ng aking paningin. Ang aking katawan ay nanghihina; ang aking pag-asa ay nagsimulang gumuho.

Humawi sa aking nanlalabong paningin ang kakaibang kintab ng asul na enerhiya sa kalangitan, at bago ko pa iyon mausisa muli, malakas na dagundong ang kumawala rito. Kumislap ang napakaliwanag na kidlat ay ang enerhiyang ipinukol nito ay pamilyar.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now