Chapter 8

5 0 0
                                    



"Zoe, ginalaw mo ba yung ipon ko?" Tanong ko kay Zoe. Halos maubos kasi yung ipon ko pero wala naman akong natatandaang ginastos iyon.


Umupo ako sa kama at pinapalapit siya saka hinawakan ang balikat niya. "Hindi naman magagalit si ate kung ginalaw mo. Gusto ko lang magsabi ka ng totoo," I said while looking into her eyes.


Umiling siya. "Ate, hindi ko ginalaw 'yan. Kung gagalawin ko man 'yan, magpapaalam muna ako," sabi niya. Pinaniwalaan ko naman ito. Hindi naman magsisinungaling si Zoe sa akin lalo na't ngayon niya lang nalaman na nagtatago ako ng pera sa kwarto namin.


Bumaba ako at pumunta sa kusina para kausapin si Mama. Naabutan ko siyang tinitikman ang ulam kaya nagtanong na ako.


"Mama, ginalaw mo po ba yung ipon ko?" Tanong ko. Lumaki naman ang mata niya sa tanong ko saka binaba ang kutsara.


"Wala akong ginagalaw sa gamit mo, 'nak. Malaki ka na kaya alam kong responsable ka na sa mga ganiyan," sabi niya sa akin. Hindi rin naman kasi ganoon si Mama. Maaaring wala kaming pera pero hindi siya gagawa ng masama para lang makakita ng pera. Kaya nga sinisikap niyang maghanap ng mapapagkakitaan kahit mahirap dahil ayaw niya gumawa ng kung ano-anong bagay na ikasisira ng pinaniniwalaan niya.


Iisang tao nalang ang dapat kong tanungin tungkol dito. Si Papa. Sana hindi siya magsinungaling dahil siya ang pinaka-pinagsususpetyahan ko rito.


"Nasaan po si Papa?" tanong ko kay Mama.


"Umalis kaninang umaga. Hindi pa nga bumabalik hanggang ngayon. Sana lang ay may dala siyang pera pag-uwi niya," sabi ni Mama sa akin.


Sinubukan kong hintaying makauwi si Papa. Natapos na kaming kumain ng gabihan, nakaligo na rin ako't nakapaghugas na pero wala pa rin siya. Naghihintay lang ako sa sala hanggang sa makatulog ako roon.


Naalimpungatan ako mga alas-dos na ng umaga. Narinig ko ang pagbukas ng gate namin kaya sinalubong ko siya. Nakita ko naman ang pagdaan ng gulat sa mukha ni Papa noong nakita niya kong gising pa.


"Bakit gisi—"


"Ginalaw niyo po ba yung ipon ko?" Pagputol ko sa pagsasalita niya. Nakita ko ang sarkastiko niyang ngiti na sinabayan ng pagtawa niya.


"Saan ko naman gagamitin yung ipon mo, aba?" Binalik niya ang tanong sa akin.


Sa pagsusugal, Pa. Doon mo naman ginugugol lahat ng oras mo 'di ba?


"Saan nga po ba?" sabi ko. Nawala naman ang ngiti sa mga labi niya na pinalitan ng inis. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang pisngi ko nang sobrang higpit. Amoy ko ang naghalong alak at sigarilyo sa kaniya.


"Huwag na huwag mo kong pinagbibintangan." Banta niya sa akin. "Ako ang nagpalaki sa'yo, tandaan mo 'yan." Dagdag niya pa saka umalis sa harapan ko at pumasok sa kwarto.

When The Sun Set (School Club Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon