Bonus Chapter

211 6 1
                                    

Ito ay nangyari tatlong linggo pagkatapos maka-recover ang tatlong pulis sa nangyari.

----

Pasalampak akong umupo sa libreng salumpuwit. Kanina pa kasi namamanhid ang paa ko sa katatayo habang ginaganap ang programa. Marami pa kasing mga mensahe 'tong mga politiko bago napunta sa main event na paggagawad sa amin ng Medalya ng Kagitingan. Mismong ang Director General ang nagsuot ng mga medalya at bumati sa amin. Ginanap ang nasabing pagpaparangal kaninang alas syete ng umaga at natapos bandang alas dose na. Dito lamang sa gymnasium ng Santa Maria ginanap ang programa pero dinaluhan naman ng iilang batikang alagad ng batas katulad na nga nina Director General Roberto Sy Tadlas, Gobernador Edgardo Pancho, dating vice mayor ng Santa Maria na si Logan Toribio, at iba pa.

Mag-a-alas dos na ng hapon noong unti-unti na ring nagpaalam ang mga dumalo. Sa nangyari kanina'y pakiramdam ko ngang matatanggal na ang kamay ko sa pakikipagkamay sa mga politiko.

Namataan ko ang papalapit na pigura ni PO1 Bautista na pumasok sa opisina. Nasa kamay na niya ang kaniyang police hat.

"Nandito ka pa pala sa opisina, PO1 Corpuz. Akala ko'y nauna ka nang umuwi," aniya at nakiupo na rin sa kaniyang upuan. Inilapag niya ang sumbrero sa desk bago pahapyaw na inayos ang nagulong buhok.

"Kakausapin ko muna kasi si Chief. Uuwi na rin ako pagkatapos," tugon ko.

Sumandal siya sa sandalan ng plastic na upuan at pinagdaop ang mga kamay sa likod ng kaniyang ulo. Nakatingala siya sa kisame habang tinatapik ang sahig gamit ang sapatos niya. "Akalain mo 'yon, PO1 Corpuz, isang hamak na panlungsod na pulis lang tayo noon pero sa isang iglap lang naging kilala na tayo sa bansa. Diba sobrang imposible?"

Nagpangalumbaba ako habang inaanalisa ang mga bagay-bagay na nangyari hanggang sa umabot na nga kami sa kinatatayuan namin ngayon.

"Hindi nga rin ako lubos makapaniwala. Itong medalyang 'to, parang isang panaginip lang na mabigyan ng ganitong klase. Ito pang pinakamataas na gantimpala sa PNP!" nakangiti kong giit.

Pinasadahan ko ng tingin ang gintong medalya. Hinaplos ko ito at dinama ang tekstura nito sa aking mga daliri. Nasa gitna ng krus ang tatsulok na hugis. Sa loob ng tatsulok ay may tatlong mga bituin. Nakapalibot naman ng pabilog sa krus ang koronang sampaguita. Nakakonekta rin sa krus ang gold bar na may markang "KAGITINGAN". Sa likod ng bar ay ang nakalagay na "The President to: aking pangalan, ranggo at organisasyong kinabibilangan." Sa ibaba niyon ay ang lugar at petsa kung saan ito iginawad.

"Siya nga pala, anong pakay mo kay Chief?" biglang tanong ni PO1 Bautista, tuwid na 'tong nakaupo.

"May itatanong lang ako tungkol sa mga bagay-bagay na hindi pa masiyadong klaro sa akin."

Nagkibit-balikat si PO1 Bautista at tumayo na. Sumenyas pa siya sa mga pulis na nagbabantay sa presinto bago tumingin sa akin. "Kung gano'n mauna na 'ko sa'yo, PO1 Corpuz. Baka mamaya pa rin si Corporal kasi natengga pa sa usapan ng gobernador."

Sumaludo pa si PO1 Bautista bago umalis. Napailing-iling na lang akong natawa sa aking kinauupuan. Pinatay ko na lang ang oras sa pamamagitan ng pag-check sa reports noong nakaraan. Ilang minuto pa ay siyang pagdating ni Chief Inspector dela Peña.

Tumayo ako't sumaludo sa kaniya. "Sir."

"Sinabi mo kaninang may nais kang itanong, PO1 Corpuz," panimula niya. Naroon pa rin sa kaniyang mga mata ang pagkastrikto pero hindi naman pabalang ang boses. Alam ko namang may hinanakit itong si Chief sa aming ginawang pagsuway. Siya naman kasi ang sumasalo sa sisi ng mga namatayan.

"Mayroon nga, Major."

Dumiretso kami sa kaniyang opisina. May tatlong plaka ng pagkilala ang naka-display sa ibabaw ng cabinet at makikita rin ang bandila ng Pilipinas na nakapwesto kalapit ng kaniyang lamesa.

NocturnalWhere stories live. Discover now