Kabanata 10

135 11 2
                                    

"Paulit-ulit na lang, Rose! Matagal ko nang sinabi na hindi ako papayag sa kahalangang 'yan. Wala akong pakialam kahit 'yan pa ang gusto mo. Ako ang masusunod. Naiintindihan mo?"

"Kayo na lang parati ang tama. Ni minsan ba'y inisip niyo rin ang kagustuhan ko? Kung umasto kayo—"

"Wag mo 'kong sumbatan, Rosario. Kahit na sabihin mong ayaw mo na sa pamamahay na 'to, nasa puder pa rin kita kaya 'wag mo akong suwayin kung ayaw mong ma-grounded ulit. At kung susuway ka pa rin, pagbabawalan na rin kitang kausapin ang papa mo..."

Sumisikip ang dibdib ko sa dumaang ala-ala na pilit ko nang ibinaon sa limot. Kahit pa sabihin kong okay na ako, kapag may bagay o taong nakapagpapaalala sa sa 'kin niyon, bumabalik pa rin ang sakit. Kagaya na lamang ngayon. Totoong natunton ako ng isa sa mga taong ayoko munang makita, kahit pa man alam kong sa huli'y magkikita pa rin kami.

Mababakas ang pagkagulat sa mukha nito, taas-baba pa kung ako'y pukulan ng tingin. Naiiling na napatawa ito noong siguro'y napagtantong ako nga talaga ang kaharap niya. Kung hindi ko lang alam, hindi lang 'to makapaniwala dahil sa malaking pagbabago ko, hindi lang sa hitsura pati na rin ang antas ng buhay ko.

"Wow! Akala ko niloloko lang ako noong napagtanungan ko. Nandito ka ngang talaga. Jesus! Almost eight years ka naming hinanap—"

"Kung may sasabihin ka, bilisan mo na. May trabaho pa ako." Walang pasubaling umalis ako sa pagkakaangkas sa motor. Itinabi ko 'yon sa gilid ng bahay. Hanggang doon ay sinundan niya rin ako.

"Rose, kailan ka ba uuwi sa Cebu?" tanong niya, masusing ginagap ang kalungkutan sa mga mata ko, pero duda akong kita niya.

"At bakit pa ako uuwi? Sa tingin mo, Lev, babalik pa ako sa lugar na hindi naman talaga ako tanggap? Sa lugar na walang pakialam sa'kin kundi sarili lang nila?" Napapalatak ako't kumawala ang ngisi sa'king labi. "Wag na. Kinalimutan ko na ang parteng 'yon ng buhay ko."

Hindi siya nagpaawat sa pakay, mas lumapit pa siya't hinuli ang mga kamay ko. Tipikal na Levy, hindi basta-basta susuko kahit alam niyang malabo.

"Sige na. Kahit isang araw lang o isang oras. Maawa ka sa mama mo," pakiusap niya.

"Kailanma'y hindi ko siya naging mama!" Marahas kong inalis ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Umusbong ang galit sa aking puso sa paraan ng pananalita niya.

Ganiyan lang siya magsalita, na para bang madali lang ang lahat, gayong hindi siya ang nasa posisyon ko. Wala siyang alam sa nangyari sa akin at sa pinagdaanan ko kaya't wala siyang karapatang magpunta rito. Kahit naging mabait siya sa akin noon, hindi pa rin 'yon sapat para gambalain niya ang payapa ko nang buhay.

Pinilit kong pakalmahin ang sarili kahit na sa malakas na paregudon niyon. "Umalis ka na. Wag ka na ulit babalik dito! At sabihin mo kay Lyra na tantanan na ako. Pinapunta ka pa niya talaga rito para guluhin ako. Ang galing niyo naman."

"Walang alam ang ate mo na nagpunta ako rito. Hindi pa nila alam na nandito ka. Rose, baka panahon na para kalimutan mo na 'yong-"

"Kung hindi mo pa ako tatantanan, dadalhin kita sa presinto. Ginugulo mo lang ako." Inilabas ko ang posas na nasa bulsa ko. Kuminang 'yon sa harap niya at nakikita ko ang kaniyang sunod-sunod na paglunok.

"Nag-aksaya ka lang ng panahon mo, Lev. Hindi na ako babalik pa, sabihin mo 'yan sa Doña," pinal kong saad, hindi na siya binigyan ng tiyansang makabawi. Kaagad akong pumasok sa loob ng bahay at kinandado ang pintuan. Bahala siya sa labas. Kung aalis siya edi mas mabuti para hindi na ako mamroblema pang itaboy siya.

NocturnalWhere stories live. Discover now