Kabanata 21

114 12 0
                                    

“Parang kailan lang noong nakikipaghabulan ka pa sa akin, Rosario. Pinapasakit mo na ang balakang ko kahit noong bata ka pa,” pagbabalik-tanaw ni Nanay Sita. Sumilip ang liwanag sa kaniyang mga mata habang nakatanaw sa train ng nakaraan.

“Eh kasi nangungurot po kayo kapag naglalaro ako sa likod ng bahay,” pagdadahilan ko, itinuloy na ang paghihiwa sa kalabasa habang si Nanay Sita naman ay sinasala ang katas ng niyog para sa lulutuin namin ngayong gabi.

“Ang pilya mo kasing bata, eh. Sinasabi mo lang na maglalaro ka ng bahay-bahayan, pero nahuhuli kitang sumasama sa mga batang lalake na naglalaro ng baril-barilan sa kakahuyan. Aba’y delikado pa naman doon.”

“Mahal mo naman, Nay.” Matamis akong ngumiti sa kaniya, nakalabas ang medyo pantay-pantay kong puting ngipin. “Lagi mo naman akong hinahanap kung saan ako napapadpad kakalaro noon. Ayon nga lang, may kasamang kurot. Ang sweet niyo po talaga. Kaya lab kita, eh!”

Itinaas ni Nanay Sita ang mga kamay sa ere, nagpipigil ng tawa. “Kaya hindi na ako nabigla noong sinabi mong pagpupulis ang nais mo paglaki. Bata ka pa lang ay iyon na ang tumatak sa isip mo. Kung ang Ate Lyra mo ay barbie ang laruan, ikaw naman ay puro mga baril-barilan—”

Napahinto si Nanay Sita. Tanging tunog nang dumadaloy na tubig mula sa faucet ang namayaning ingay. Kalauna’y binasag niya rin ang katahimikan.

“Heto nga, pulis ka na. Naabot mo ang pangarap mo sa kabila ng... sa kabila ng nangyari noon,” pagpapatuloy niya.
Itinabi ko ang mga kalabasang nahiwa ko na sa isang bowl. Ang mga pampalasa naman ngayon ang aking hinihiwa.

“Naabot ko dahil sa tulong niyo, Nay. Kung wala kayo sa tabi ko baka miserable pa rin ang buhay ko ngayon. Kaya salamat sa lahat. Uulit-ulitin ko ‘tong sasabihin kahit naririndi na kayo kasi sobra talaga ang pasasalamat ko sa inyo. Salamat dahil tinanggap mo kami ng anak ko. Salamat dahil nariyan ka palagi simula noong bata pa ako hanggang ngayon. Salamat dahil tinanggap mo ako sa kabila ng nangyari sa buhay ko.” Hindi ko alam kung dahil ba ‘yon sa sibuyas na hinihiwa ko o sa pinong kurot na lumukob sa dibdib ko. Basta na lang nagtubig ang mga mata ko.

Naramdaman ko ang presensiya ni Nanay Sita sa aking likuran. Uminit ang dibdib ko noong binigyan niya ako ng mahigpit na yakap.

“Naging padalos-dalos ka man, Rosario, nakaraan na ‘yon. Bata ka pa noon; mapusok pa ang damdamin mo sa bagay-bagay. Ang mahalaga ay ang ngayon; ang anak mo. Hindi nadedepina ang katauhan mo sa nakaraan basta hindi ka nagpakalunod doon. Ito ka, Rosario. Isang pulis, ina, at anak ko.”

Tuluyan nang kumawala ang luha sa mga mata ko sa pagbigat ng aking dibdib. Pinaghalong bigat at tuwa ang namamahay roon. Binitawan ko ang kutsilyo at niyakap na rin si Nanay Sita. Nanumbalik sa akin ang nakaraan na pilit ko nang kinalimutan.

Ilagay mo ‘yan rito, Rose. Mas magandang tingnan ang taguan natin kung kukulayan natin diba?” Sumang-ayon ako sa utos ni Levy. Siya naman ang marunong sa pagtayo ng taguan namin dito sa likod ng bahay namin. Mamaya ay baka dumating na ang kalaban. Kailangan na naming magtago.

Bilis na, Lev! Baka dumating na siya. Kukurutin na naman ako ni Nanay.” Napanguso ako habang inaayos ang mga bricks na pinagpatong-patong namin ni Levy kanina pa. Kinuha pa namin ‘yon sa storage room ni Papa.

Iabot mo na sa’kin ‘yong brush. Bilis!” utos niya ulit noong nabuksan na niya ang berdeng pinta na kinuha rin namin sa storage room. Wala namang gumagamit no’n, eh. Sayang lang kung nakatambak sa isang sulok.
Kumuha ako ng dalawang brush para matulungan siya sa pagpipinta. “Bilisan natin. Naririnig ko na ang yabag ni Nanay,” bulong ko kay Levy.

NocturnalМесто, где живут истории. Откройте их для себя