"Tinulungan mo ako sa aking sugat, kaya patas lamang." Itinapik nya ang kanyang palad sa kanyang tabi at tumango sa bakanteng espasyo ng kama. "Maari kang umupo kung iyong naisin."

Tumungo ako sa rito at umupo sa kabilang sulok. At sa kaaya-ayang tunog ng mga patak ng ulan ay namayani sa amin ang katahimikan. Sa sulok ng aking paningin ay pinagmasdan ko siya. Hanggang sa hindi ko na mapigilang kuwestiyonin ang kung ano mang bumabagabag sa kanyang isipan.

"Mayroon bang gumugulo sa isip mo?"

Lumingon siya sa akin, na para bang kanya iyong inaasahan at kanya pa ring ikinabigla. Nanatili ang kanyang tingin sa akin—iniisip ang kasagutan—at muling ibinaba. "Ang katotohanan ay . . . mapanganib na mundo ang Zamarro gaya ng iyong inakala. Napapaisip ako kung tama bang pinayagan kitang makapunta rito."

Ang kanyang kamay ay malapit lamang sa akin at sa sandali ay ginusto kong ang mga ito'y magdikit. Agad ko iyong binura. "Patawad kung nababagabag kita sa kalagayan ko. . . . Kung gusto mo, pwede na akong bumalik sa Ea—"

"Hindi ganoon ang nais kong sabihin," kanyang putol. "Paumanhin. Hindi ko lamang magawang mapanatag, lalo't alam nating kalauna'y magliliwanag ka. At mas madali para sa iyo ang makahatak ng atensyon."

Napaisip ako sa kung ano ang magiging reaksyon ng ninuman kung nakita nila akong nagliliwanag, sa mundong ito na naghahari ang dilim? "Kung ako'y nagliliwanag, magagawa kong protektahan ang aking sarili." Alam kong mababaw ang aking kasagutan, sapagka't anong magagawa ng isang liwanag? Ngunit naalala ko ang mga naganap sa Resto minsan. "Tuwing ako'y nagliliwanag, mas tumatalas ang aking pandama, mas nagiging mabilis ang aking isipan." At naalala ko ang mga kaganapan sa bus. "Kaya kong pagyelohin ang isang tao. At ang liwanag ko'y nakakasilaw, sapat upang mabigyan ko ang sarili ko ng oras upang dumipensa." Hindi ko inasahan ang pagbabago ng timpla sa kanyang ekspresyon—ang pagliwanag nito, ang pagkabilib. Nabawasan ang kanyang pangamba, at naisip ko ang pananatili ko pa sa mundong ito. Hindi ko mapigilang mapangiti.

"Tunay ngang interesado ka sa aking mundo." May munting ngiti sa sulok ng kanyang labi.

"Ako'y narito na, nais ko lang sulitin."

"Hindi mo ito maiibigan," kanyang sumbat kasabay ang munting, subtil na iling, "at kalaunan ay nanaisin mo ring lumisan."

Hinayaan ko lamang ang sariling maaliw sa kanyang pag-aalala. Madalas ko siyang nakikitang kalmado lamang—tiyak at nasa kontrol. "Tingnan natin," pabiro kong amok.

"Marahil mayroon ka pang ibang kakayahan."

"At tutulungan mo akong matuklasan iyon?" Mayroon muling ngiti sa kanyang labi, at natagpuan ko ang sarili kong nahahatak dito.

"Bago iyon ay kailangan muna nating mamahinga," direkta ang kanyang mga itim na mata sa akin, ang init mula sa apoy ay dama sa kanyang tingin. "Sa paggamit ng kakayahan ay pinakamahalaga ang enerhiya."

Ang kanyang tingin ay naghihintay ng walang ibang kasagutan kung hindi ang pagsang-ayon. Iyon ay kanya agad nakita sa aking mukha, dahilan upang siya'y umangat at humakbang tungo sa pintuan. Hindi ko na tinangka pang tanungin ang kanyang pupuntahan, pagka't iyon ay alam ko na.

Huminto siya sa tapat ng kahoy na pinto at lumingon muli sa akin. "Nasa harapan lamang ako ng silid na ito, kaya maari kang mapanatag." Tumango siya sa nakabukas na bintana kung saan patuloy pa rin ang walang patid na pagbuhos ng ulan. "Huwag mong kakalimutang isara ang bintana. Matulog ka ng mahimbing." At ganap na siyang tumalikod. Marahan nyang isinara ang pinto. Sandali kong naalala ang padabog na pagsara ni Tita.

Naiwan akong nakatingin sa nakasarang pinto, hinihiling na ito'y magbubukas muli at siya'y babalik. Hanggang sa tumungo na ako sa bintana at muling inusisa ang madilim at tila walang buhay na paligid. At ito'y isinara.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now