Sa kalagitnaan ay agad akong napahila sa lubid at ang kabayong aming sinasakyan ay huminto.

"Sandali lamang," sambit ko bago pa makapagsalita si Amaris.

Sa sulok ng aking paningin ay mayroon akong nahagip na mga anino. Nanatili kaming nakahinto, ang makapal na ulan ay tuloy ang pagbuhos sa amin.

Napahigpit ako sa kapit at nang akma ko nang hihilain ito sa muli naming pag-usad, biglang lumitaw ang matulis na tunog mula sa hangin. At isang pagbaon sa katawan ng puno. Agad ko iyong natukoy bilang mula sa aking kanan, at doo'y natagpuan ko ang isang panang ngayo'y nakabaon sa sanga.

"Yuko!" bulyaw ko bago pa man ako makapag-isip. At habang iyon ay aming ginawa ang kabayo ay nagpakawala ng malakas na sigaw at napabalikwas.

Tumilapon kami mula sa likuran nito bago pa ako makakapit, at ang kabayo ay kumaripas papalayo.

Panibagong paghiwa sa hangin ang aking narinig, at ang katawan ko'y tumungo kay Amaris. Isinakop ko ang aking sarili sa kanya at iginulong kami nang ilang distansya.

Panibagong pana ang ngayo'y nakabaon sa lupa kung nasaan si Amaris kanina.

Sa isang iglap ay binuhay ko ang itim na enerhiya mula sa akin, kasabay ay dinama ko ang enerhiya ng paligid. Dalawa ang agad kong natukoy na nagkukubli sa mga matatabang puno. At ang dalawa ay naging lima.

Ang aking enerhiya ay tumindi at mabilis naipon.

"Alek-"

Sa aking pagtayo ay pinigilan ni Amaris, at agad ay matalim na pana ang dumaplis at humiwa sa aking balikat. Kusa akong napangiwi at bumalik sa pagyuko. Nabigla siya at ang kanyang kamay ay lumuwag, subalit hindi siya bumitaw.

Panibagong pana ang narinig ko sa isang direksyon, at gamit ang aking isang kamay ay nagpakawala ako ng puwersa sa tinatahak ng pana.

Isang pagbaon mula sa malambot na balat at matigas na buto ang aking narinig sa kabila ng matinding ulan, at sinundan iyon ng paghihingalo at pagbagsak.

Sa isang iglap, ang aking kamay ay nagliliwanag sa dilaw na kulay. Bumitaw ako kay Amaris at muling nag-angat. Sa kanyang mga mata ay nakapinta ang sindak.

"Magtago ka sa mga puno."

Hindi na ako naghintay pa sa kanyang reaksyon. Ibinato ko sa kanya ang isang tela ng anino at ito'y agad siyang binalot. Siya'y naglaho sa paningin.

Nang maramdaman ko ang enerhiya mula sa dalawang pana, sa magkabilang direksyon, muli kong sinalubong ng puwersa ang mga ito. Gumuhit pabalik ang dalawang pana sa hangin at sa mga matatabang butil ng ulan, subalit ang dalawang pinagmulan ng mga ito ay nakaiwas.

Gamit ang itim na kapangyarihan sa aking katawan ay agad akong naglaho. Isang kurap ako'y nakatayo lamang, sa pangalawa ako'y nasa harapan na ng isa sa mga kalalakihang pumapana sa amin.

Halos lumabas ang kanyang mga mata sa gulat, at binigyan ko siya ng ngiti. "Mali kayo ng napunterya." Pinatindi ko pa ang aninong nakapalibot sa akin. "Mga lapastangan sa Dark Majesty."

Nagpakawala ako ng buong puwersa sa kanyang dibdib na siyang nagdulot sa kanyang pagbulusok palayo sa akin, nakaharap at nakatayo pa rin, tungo sa matabang puno ilang distansya ang layo.

Ang puno ay nayanig sa kanyang pagsalpok, at tiyak akong lumabas lahat ng hangin sa kanyang baga. Ang kanyang enerhiya ay unti-unting nanghina sa aking pandama. Siya'y bumagsak at nawalan ng malay.

Kung wala ang aking misyon, ito ang aking ginagawa bilang Darkborne Shadow. Tinutugis ang mga laspangang pangkat ng mga nilalang na ito, mga rebelde, mga tinalikuran ang Dark Majesty at nais magsimula ng sariling kaharian at pamumuno. Bagay na hindi mangyayari.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon