Nang matapos ay muli akong napabuntong hininga—at napahikbi, ngayo'y mas magaan. Umatras ako ng ilang hakbang at pinagmasdan ang tanawin na aking nilikha.

Sa pabilog na bakanteng espasyo sa gubat, ang nakapaligid na mga halaman ay puti at nagliliwanag.

Bigla ay nakalimutan ko ang bigat sa aking kalooban.

Lumundag ang aking puso. Ang pagpapanatili ng aking enerhiya sa mga nagliliwanag na halaman ay nakakapagod, ngunit ang mapagmasdan ang kagandahan nito'y nakakaginhawa rin. Kaya kumapit ako sa enerhiya at pinanatili ang mga ito.

Lumusong ako sa makapal na palumpong ng nagliliwanag na mga dahon at tumungo sa sentro ng espasyo. Ako'y magaang umupo—napapalibutan ng mga nagliliwanag na halaman.

Ilang minuto kong dinama ang ginahawa, at sunod tumingala lagpas sa mga nakaharang na sanga. Agad kong natagpuan ang malayong buwan. Maninipis na ulap ang marahang humahawi sa himpapawid, at ang mga bituin ay nagbibigay palamuti sa itim na langit.

Bumugso ang kagustuhan kong pagliwanagin ang ilang nakapaligid na puno, ngunit agad kong pinigilan ang aking sarili.

Bukod sa hindi ko tiyak kung iyon ay aking kakayanin, hindi ko gustong makaagaw ng atensyon mula ninuman.

Maliban sa isa.

Sumibol sa aking isipan si Alek, at ang hindi nya pagpapakita ng dalawang gabi.

Sa gabing ito—ikatlo—ay wala pa rin siya. O marahil narito na, ngunit nasa dati naming naging tagpuan, bagay na aking iniwasan sa gabing ito.

Pinili kong tumungo sa ibang parte ng gubat—mas malayo, mas malalim. Pagka't minsan nyang sinabi na nararamdaman nya ang aking enerhiya, marahil magagawa nya 'kong hanapin gamit ito.

Umangat ang isang boses, na tila ba narinig ang aking isipan. Sino pa nga ba ang taong tila nakakagawa no'n?

"Ikaw ba'y nangulila sa akin?"

Lumundag ang aking galak. Alek. Ang malalim subalit magaan nyang boses ay nagdulot ng init sa lamig, kapal sa manipis na hangin, buhay sa puwang.

Hindi ko mapigilang sumang-ayon sa kanyang winika, ngunit hindi ko iyon sinambit. At kasabay nito, pinatindi ko ang liwanag sa kinaroroonan ng aking mga pasa sa mukha upang ito'y mapagtakpan.

"Naramdaman mo ang enerhiya ko."

Siya'y nakukulong sa itim na anino at sa pagitan ng mga puno. Narinig ko sa kanyang boses ang munting ngiti. "Hindi mo kinakalimutan ang aking mga sinambit."

"Hindi ko iyon gagawin."

"At sana'y marami pa akong maibabahagi."

Maging ako.

"Maari mo iyong gawin," tugon ko. "Mas gugustuhin ko."

"Tila naiibigan mo ang aking mundo, ha?" Tumungo sya sa harapan ng isang puno at sumadsad sa pagkakasandal. Ngayon ko lang napansin na tila pagod siya. Napuna ko ang subtil na pagdaupdop ng kanyang mga balikat habang siya'y bumababa sa pag-upo. Ipinatong niya ang kanyang mga siko sa tuhod.

Nagbalik ang kanyang atensyon sa akin, at doon ay agad ding nagbalik ang buhay sa kanyang katawan—kay-bilis at kay-subtil tila ba ang aking mga napansin ay pagmamalik-mata ko lamang.

"Paumanhin kung ako'y hindi sumipot kagabi, at bago nito. Kinailangan kong manatili sa Zamarro."

"Ang Zamarro," pukol ko. Natagpuan ko ang sarili kong naniniwala na rito, hindi lang sa tagpong ito kundi maging sa mga panahong mag-isa lang ako sa kuwarto. "Kuwentuhan mo pa ako tungkol dito."

LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now