Kabanata 8

16 4 7
                                    

[Kabanata 8]

Agad nagulat ang lahat nang may pumasok na tao sa loob ng mansion ng pamilyang Consing. Bigla na lang sumipot ang isang binata na nakasuot ng pang-heneral na uniporme habang naglalakad siya nang seryoso patungo sa kinaroroonan ng kaniyang ama. Lahat ay nagluluksa at nagdaramdam tungkol sa pagpanaw ng unica hija ng gobernadorcillo ng Anillo, si Don Mariano Consing. Katabi niya ngayon ang asawa na si Doña Margarita habang humahagulgol sa tabi ng kabaong ng kaniyang anak.

"Maria..." bulong nito at dali-daling pinuntahan ang kabaong kung nasaan nakapuwesto ito sa bulwagan ng kanilang pamamahay. May mga bulaklak ring makikita sa katabing gilid nito na galing pa sa mga kinikilalang opisyal ng bayan.

Hindi siya makapaniwala na nasa kabaong na niya makikita ang minamahal na kapatid at halos isang taon na niyang hindi nakikita at nakapiling. Malapit ang magkakapatid sa isa't isa kaya 'nung siya'y pumasok sa pagkasundalo ay hindi maiwasang masaktan ang kapatid nito sapagkat hindi na niya ito makapiling.

Humagulgol ang binata sa labis na kalungkutan at napayukom dahil wala siya 'nung nasa panganib ang kapatid nito. Sumisikip ang dibdib niya habang pilit na kinakausap ang walang buhay na si Maria. Hindi nagtagal ay agad siyang niyakap ng kaniyang ina at saka tinapik ang likuran nito. Talagang hindi niya matanggap ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.

"Marcus, mabuti naman at narito ka na." singit ni Don Mariano habang makikita sa mukha nito ang kalungkutan ng isang ama. Agad naman siyang tiningnan ni Marcus at saka nilapitan.

"Kailan pa to nangyari, ama?"

"Mag-iisang linggo na. Hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy kung sino ang pumatay sa iyong kapatid." tugon ng kaniyang ama habang nakatitig sa kabaong ng kaniyang unica hija.

"May nagbigay ng lason sa iyong kapatid, Marcus." paghikbi ng kaniyang ina dahilan upang magulantang siya sa kaniyang narinig.

"May lumason kay Maria? Ba't hindi niyo pina-imbestiga ang mga kasambahay baka may isa rito ang may motibo na patayin ang aking kapatid?" tanong nito at saka humarap sa kaniyang ama. Gusto niyang malaman ang dahilan nito kung kaya'y humakbang siya sa harapan ng ama.

"Ginawa ko na ang lahat, Marcus. Halos lahat ng mga kasambahay ay walang alam tungkol sa paglason kay Maria. Gumamit na rin ako ng dahas upang mas mapabilis ang pag-amin nila subalit bigo pa rin akong makakuha ng kasagutan." mariin na tinugon ni Don Mariano sa anak habang nagsasalubong ang mga kilay nito.

Natatandaan niya naman ang mga ginawa niya noon sa mga kasambahay nila. Dahil sa labis na galit at poot na kaniyang nararamdaman ay agad dumilim ang paningin nito at inisa-isang pinagbabaril nang walang awa ang mga kasambahay kung hindi niya mapapaamin ang tungkol sa nangyari sa kaniyang anak.

Alam ni Marcus ang nasa isipan ngayon ng kaniyang ama. Alam din niya ang kakayanan ng ama kapag ito'y nagagalit o dumidilim ang paningin. Parang hindi isang tao ang kaniyang ama kapag hindi ibinibigay ang kagustuhan nito. Hindi na siya nagtanong pa sa ama at agad inilibot ang paningin sa paligid. Mukhang kaunti na ngayon ang kanilang kasambahay at halos ilan sa kanila ay parang natatakot o hindi lumalapit sa kanila. Kapag may kailangan ang kanilang panauhin ay parang nag-alinlangan pa silang lumapit at yumuyuko lang ang mga ito.

Agad ibinalik ni Marcus ang mga tingin nito sa ama. "Ama naman. Kaunti na lamang ang mga kasambahay natin at napapansin ko rin na parang iilan na lamang ang ating trabahador sa hacienda. Huwag mong sabihing...." Hindi pa natuloy ni Marcus ang sasabihin nang tumingin nang seryoso sa kaniya si Don Mariano. Mukhang may haka-haka na naman siyang naisip tungkol sa ginawa ng ama.

Napabuntong hininga na lamang ang binata at saka napatingin muli sa kabaong ng kapatid. Hindi na siya nagulat pa kung pati pamilya ng kasambahay na kabilang sa mga trabahador nila ay pinatay na rin ng kaniyang ama.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 25, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

El Narciso Floreciente (The Blossoming Narcissus)Where stories live. Discover now