Kabanata 6

18 4 19
                                    

[Kabanata 6]

"Ibarra!" sigaw ni Levi sa kaniya at saka ibinigay ang dala nitong pana't palaso sa kaibigan. Agad namang kinuha iyon ni Ibarra at mabilis na tinamaan ang alperes na may balak pang barilin si Caitlyn. Nanigas ang buong katawan ng dalaga sa kaniyang natutunghayan. Hindi pa niya nararanasang makakita sa aktwal ang ganoong eksena.

"Hoy, binibini.." rinig ni Caitlyn mula kay Ibarra kaya dahan-dahan siyang tumingin sa kaniyang gawi.

"Kailangan na nating umalis dito. Sumama ka sa akin." sabi pa ni Ibarra ngunit bago pa siya pinuntahan ng binata ay agad namang nawalan ng malay itong si Caitlyn at tuluyang bumagsak sa lupa.

"Hayaan mo na siya, Ibarra." malamig na tugon ni Levi habang may hawak itong espada. Nakita niyang papalapit ang binata sa gawi ni Caitlyn at saka tinatapik pa niya ang pisngi nito upang gumising.

"Kailangan ko siyang dalhin kay Nay Remedios." sabi ni Ibarra at agad binuhat si Caitlyn sa kaniyang bisig. Umiwas lamang ng tingin si Levi at agad sumenyas sa kanilang kasamahan na sila'y lilisan na sapagkat anumang oras ay darating ang mga guardia sibil upang sila'y dakpin.

"Heto na ang huling pagkakataon, Ibarra. At kapag naulit pa rin ito ay hindi na talaga kita tutulungan." malamig na sinabi ni Levi at saka napatingin kay Ibarra habang buhat-buhat pa rin si Caitlyn.

"Ilang beses ko na sinabi sa'yo na umalis ka na sa pagiging katipunero mo. Nang dahil sa gawain na iyan ay palagi ka na lang nasa peligro. Alam kong pareho ang ating layunin na ituwid ang baluktot ng ating pamahalaan ngunit mas kailangan ka namin, Ibarra. Kailangan mong unahin kung saan ka nagsimula. Kailangan mong unahin kung ano ang iyong layunin para sa bayan laban sa mga Consing." kalmado ngunit puno ng kabiguan ang nasa baritonong boses ni Levi. Agad siyang humarap kay Ibarra upang malaman ang saloobin nito sa kaniyang sinabi.

"Halos magdadalawang taon na akong naging espiya ng Katipunan ng taga-norte, Levi. Huwag kang mag-alala. Tinapos ko na rin ang aking tungkulin sa kanila." sabi ni Ibarra habang nakatingin sa kaibigan.

"Paano ka makakasigurado na tatanggapin ng mga tao ang Katipunan na 'yan laban sa mga espanyol? Hindi mo ba nakikita rito, Ibarra? Ang ating ciudad mismo ay nagagalak sa walang ulirang kasaganaang ibinibigay sa atin ng pamahalaang espanyol. Sa tingin mo ba'y sasama sila sa rebolusyon laban sa kanila katulad sa ninanais ng kilusan ng taga-norte? Nabalitaan ko ngang nagsisimula na ang rebolusyon sa kanilang lugar ngunit alam kong wala namang pakialam ang mga tao rito hangga't nabibigyan sila ng kasaganaan. Mas pipiliin pa rin nilang pumanig sa pamahalaang espanyol."

"Alam kong pabor ka rin sa kilusan ng mga taga-norte, Levi. Ngunit paano mo naman nasabi ang ganoong bagay tungkol sa mga tao rito?" kunot noo namang tanong ni Ibarra dahilan upang tingnan siya nang seryoso ni Levi.

"Wala akong pakialam sa kanilang kilusan, Ibarra. Sentido komun naman na ganyan ang kinalalabasan ng mga taong nalulunod sa kayamanan. Kapag may nagbigay, may utang na loob." seryosong tugon ni Levi at agad nilagay ang espada nito sa kaniyang baywang.

"May paraan ang ating lihim na kilusan upang ituligsa ang baluktot na pamamahalaan ng ating bayan. At uunahin nating pabagsakin ang mga opisyales na malapit kay Don Adriano. Kagaya ng dati ay kailangan nating bawiin ang pera ng taong-bayan mula sa kanilang ibinulsa." dagdag niya at agad nang umalis sa kaniyang kinatatayuan upang salubungin ang paparating niyang kabayo.

Hindi naman umimik si Ibarra sa naging pahayag ni Levi. Kahit kailan may punto ang kaniyang mga sinasabi. Paano nga namang kakalabanin ng mga tao ang taong nagbigay sa kanila ng kasaganaan at karangyaan? Talaga bang wala silang pangarap na makamtan ang kalayaan ng inang bayan mula sa banyaga? Agad namang bumalik sa katinuan si Ibarra nang pinuntahan siya ni Levi sakay ng kaniyang kabayo.

El Narciso Floreciente (The Blossoming Narcissus)On viuen les histories. Descobreix ara